Ang Iba't Ibang Uri ng "Relasyon", si Duterte, at ang Pilipinas
Posted on Sunday, 23 October 2016
ANG IBA’T IBANG URI NG “RELASYON”, SI
DUTERTE
AT ANG PILIPINAS
Ni Apolinario Villalobos
Maraming uri ng relasyon. May mga relasyon
na hindi dapat bigyan ng masamang kahulugan dahil “magkakaibigan” lang..walang
malisya. Meron namang relasyon na nagsimula sa pagiging magkaibigan hanggang
nagkahulugan ng loob kaya nabahiran ng karnal na pagnanasa sa isa’t isa…kaya
“nagka-ibigan”. May mga relasyon din na
umusbong dahil sa pagka-manyak ng babae o lalaki, kaya ang pinaglaruang
pagparaos ng kalibugan ay naging bisyo, at ang masama ay nakaperhuwisyo pa ng
iba, tulad ng ginawa ng isang kilalang babaeng deny to death pa rin ng kanyang
kakatihan sa katawan kaya nagkaweng-kaweng ang mga epekto, lalo na sa pagkalat
ng droga!
Sa relasyon ng mga bansa, ang palaging isinasaalang-alang
ay ang kinakatigang ideyolohiya na kung hindi malayang Demokrasya ay mapanupil
na Komunismo. Ang isa pang kinokonsidera ay ang pananampalataya ng mga
mamamayan na kung hindi nakaugat sa Kristiyanismo (Christianity) ay sa Islamika
(Islamic Faith) naman.
Ang Pilipinas ay may makulay at mayamang
kulturang nabahiran ng iba’t ibang kalinangan ng ibang bansa, at sa ugat naman
ng mga mamamayan ay nananalaytay ang dugo ng iba’t ibang lahi. Subalit dahil
matagal ang pagkasakop ng mga Kastila at Amerikano sa Pilipinas, sila ang tumatak sa kaisipan ng mundo na may malakas
na impluwensiya sa bansa at mga Pilipino. May isang libro tungkol sa mga bansa
na nagsabing ang “spoken language” ng mga Pilipino noong 1950’s ay Kastila
maliban sa Tagalog. Sa pag-usad ng panahon sa ilalim ng Amerika, napalitan ang
Espanyol ng Ingles at pilit pang sinapawan ang Tagalog, dahil sa mga
eskwelahan, pinilit ang mga mag-aaral na magsalita ng Ingles lamang sa loob ng
paaralan.
Sa tagal ng relasyon ng Pilipinas sa
Espanya, naging Katoliko ang karamihan ng mga Pilipino. Nang makipagrelasyon
naman sa Amerika, ang ibang Katoliko ay naging Protestante. Pagdating sa
pagpapatakbo ng bansa, naging “palaasa” o “dependent” ang Pilipinas sa Amerika
dahil mismong ang halos kabuuan ng Saligang Batas nito ay kinopya sa ginagamit
ng Amerika. Maliban diyan, mismong Amerika ang nagpanukala ng ganitong
“dependence” o pagpaasa sa mga Pilipino sa kanya. Ang tingin kasi ng mga
Amerikano sa mga Pilipino ay “helpless little brown brothers” na kailangang
diktahan, o kaya ay bulyawan at paluin kung nagkamali, at kailangan pang
hawakan ang mga kamay upang matugaygayan (guided properly).
Dahil sa matagal na relasyon ng Pilipinas
sa dalawang bansa, ang naging kaisipan
ng Pilipino ay para bang wala nang ibang magaling na relihiyon kundi
Katolisismo. At, sa pagpapatakbo naman ng gobyerno, wala nang pinakamagaling
kundi ang itinuro ng Amerika. Subali’t ngayon, sa buong Timog Silangang Asya,
napapag-iwanan ang Pilipinas kahit sa simpleng agrikultura na ang pagpapakadalubhasa
sa pagtanim ng palay ay itinuturo sa International Rice Research Institute
(IRRI) sa Pilipinas. Ang mga kalapit-bansa ng Pilipinas ay mabilis ang pag-usad
sa kabila ng kanilang dalisay na kulturang walang bahid o impluwensiya ng
nakaraang mananakop nila tulad ng Inglatera (Great Britain) at Pransiya
(France). Ang mga kalapit-bansang ito ng
Pilipinas, na Thailand, Malaysia, Indonesia, at Vietnam ay hindi Kristiyano at
ang isa ay Komunista.
Ngayon, dahil sa ginagawa ni Duterte na
putulin ang nakasanayang relasyon sa bansang Amerika na animo ay naging
tanikalang pumipigil sa pag-usad ng Pilipinas, tinawag siyang “bobo”, madaldal,
“tactless”, at kung anu-ano pa. Dahil sa adhikain niyang magkaroon ng sariling
kapita-pitagang imahe ang Pilipinas sa harap ng ibang bansa, marami ang
bumatikos sa kanya. Ang malaking katanungan ay: sino ba sa mga pinalitan niyang
presidente ang may ganitong maka-Pilipino o makabayang adhikain at panuntunan? Ang
inakala noong maganda ang layunin ni Marcos para sa “Bagong Lipunan” ng
Pilipino ay naging diktador naman.
Malimit banggitin ng mga bumabatikos sa
kanya ang Call Centers o BPO ng mga Amerikano na kapag nagsarahan ay magdudulot
ng kagutuman sa mga Pilipino. Paano silang aalis sa Pilipinas ganoong kumikita
sila ng malaki sa mga negosyong ito, at
ang suweldong kinikita ng mga Pilipino ay may katumbas ding hirap nila at
tiyaga kaya walang dapat ituring na utang na loob sa isa’t isa…kung baga ay,
“give and take” ang sistema. Ang hindi napansin ng mga bumabatikos na ito ay
ang matagal nang pagsara ng maraming kumpanyang Amerikano, subalit ang kanilang
pagkawala ay hindi naramdaman at hindi nakaapekta sa ekonomiya ng bansa.
Discussion