0

Mga Tanong na Sinagot ko ng Buong Giliw at Wagas

Posted on Sunday, 16 October 2016

MGA TANONG NA SINAGOT KO NG BUONG GILIW AT WAGAS
Ni Apolinario Villalobos

Tungkol sa isyu ng “sharing” o pakikibahagi ng biyaya sa kapwa, ang nagtanong ay kaibigan kong taga-government agency kung saan ay naging Consultant ako noon. Tanong niya ay simpleng, bakit daw ako nagsi-share sa mga taga-Tondo at natutulog pang kasama ang mga scavenger sa sa bangketa kung minsan. Sagot ko sa kanya pero patanong ay, “familiar ka ba sa mga salitang ‘tulong’ at ‘kahirapan’…may nakausap ka na bang tulad nila upang malaman ang kuwento ng kanilang buhay….at, nadanasan mo na bang hindi kumain sa buong maghapon?” Bilang pagtapos sa usapan namin, sinabihan ko siyang okey lang yon, dahil hindi naman nila alam ang tunay kong pangalan kaya hindi nila alam kung sino talaga ako.

Tungkol sa pagma-mountain climbing, ang nagtanong ay taga-kumpanya ding pinagtrabahuhan ko noon. Old maid siya, tuwing break time ay nagbabasa ng Bible, at atat na atat na mahatak ako sa Bible reading nila tuwing Biyerses, pero hanggang mag-resign siya ay hindi ko pinagbigyan. Tanong niya ay kung ano daw ang nakukuha ko at pati mga kasama ko sa pag-akyat ng bundok at kung ano ang ginagawa daw namin sa tuktok. Sagot ko sa kanya ay, “upang diligan ng ihi at abunuhan ng tae namin ang mga tanim sa bundok nang lumago pa sila, at pagdating naman sa tuktok ay umiinom kami ng lambanog upang lalo pang dumami ang aming ihi na pandilig sa mga damo na natutuyo doon dahil mas malapit sila sa araw kaysa mga damo sa kapatagan”… dugtong ko pa, “nature lover kasi kami kaya feeling namin tuwing iihi kami, ito ay nagkokonek sa amin sa lupang inuugatan ni Inang Kalikasan!”

Tungkol sa pagiging vegetarian ko, ang nagtanong na nang-inggit pa habang kumakain ng adobong manok at baboy ay kumpare ko. Tanong niya ay kung bakit ayaw ko daw ng pagkaing masustansiya na ay masarap pa, na ang tinutukoy ay tulad ng kinakain niya. Upang hindi humaba ang usapan tungkol sa pagkain, ang sagot ko sa kanya ay kuripot ako kaya ayaw kong bumili ng karne dahil mahal, di tulad ng gulay na mura lalo na ang mga luma at malalanta na. Alam kong hindi siya nagbubukas ng internet kaya masasayang ang pagod ko sa pagpaliwanag ng mga kabuluhan ng gulay at kung paanong nakakakuha ng sakit sa mga karne. Tinanong ko na lang siya kung nakailang balik na siya sa ospital dahil sa pagtaas ng kanyang blood pressure, lalo pa at nalaman kong na-ospital din siya ng matagal dahil sa mild stroke.

Tungkol sa hilig kong pamimili ng mga damit sa ukayan,  ang nagtanong ay isang kumpareng mahilig umutang sa akin.  Kahit naghihikahos ay maporma dahil ang mga t-shirt niya ay hindi bababa sa halagang 300pesos bawa’t isa – sale pa daw! Tanong niya ay kung bakit hindi ako sa SM mamili dahil maraming magaganda. Sagot kong patanong ay, “bubulatlatin ba ng mga makakasalubong ko ang kuwelyo ng damit ko upang malaman kung ano ang brand nito?” Sa puntong yon, pinaalalahan ko siya tungkol sa naipon niyang utang sa aking umabot na sa mahigit dalawang libo. Habang nakakapagsuot siya ng hindi bababa sa 300pesos na t-shirt, halos araw-araw ay kung sinong kumpare naman ang inuutangan para may pamasahe sa pagpasok sa trabaho!

Tungkol sa pagmumura ko, ang nagtanong ay isang kumare na miyembro ng religious group. Ang tanong ay kung bakit hindi ko na raw itigil ang pagmumura, dahil hindi ito maka-Diyos, at ugaling masama pa . Ang sagot ko ay, “mas mabuti nang nagmumura ako  pero wala namang tinutukoy na tao, kaysa manakit kung ako ay nagagalit, tulad  halimbawa ng pagsabunot ng buhok ng anak o pagpingot ng tenga niya sa harap ng ibang tao, kahit dalagita na ito”. Tiningnan niya ako nang naniningkit niyang mga mata sa galit at nagtanong ng, “ako ba ang pinapasaringan mo, pare?” Ang sagot ko ay isang matamis na ngiting tulad ng kay Mona Lisa habang nagtuturo ako sa itaas! Dahil sa nangyari, nasira ko ang araw niya…galing pa naman siya sa pagsimba dahil Linggo noon!...hindi kasi muna tumitingin sa salamin kung may dumi siya sa mukha bago tumingin sa mukha ng iba! Padabog niya akong tinalikuran at nagbubusang naglakad palayo, pero tinawag ko pa rin, at nang lumingon ay sinigawan ko ng, “Praise the Lord!”.



Discussion

Leave a response