0

Ang "Cremation"

Posted on Friday, 28 October 2016

ANG “CREMATION”
Ni Apolinario Villalobos

Nahahati ngayon ang mga Katoliko dahil sa isyu ng “cremation” na ang kautusan ay galing sa Vatican. Bawal nang i-cremate ang bangkay ng Katoliko upang ang abo ay maiuwi sa bahay o mapaghati-hatian ng mga naiwang mahal sa buhay at gawing pendant o palawit ng kuwintas. Dapat ay ilagak sa sementeryo o sa columbarium na pinapagawa ng mga simbahan ngayon. Panibagong negosyo kaya ito ng simbahang Katoliko? Sa mga sementeryo namang pampubliko ang mga patung-patong na mga “apartment” ay umaabot na sa sampung palapag kaya kailangang maghagdan pa ang mga namatayan upang makapagtirik ng kandila. Ang lalong masaklap ay ang maaaring pagkaroon nila ng “stiff neck” dahil sa katitingala sa “apartment” ng kanilang patay  na nasa bandang itaas, upang masigurong hindi mahipan ng hangin ang kandila!
  
Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa cremation o pagsunog sa bangkay. Ang pinaniniwalaan ng mga Katoliko ay tungkol sa “resurrection of the body” kaya dapat buo ang bangkay kung ilibing. Pero, ang tanong: mabubuo ba uli o mare-“resurrect” ang naagnas nang bangkay pagdating ng “araw ng paghukom”, kung totoo mang meron nito? Hindi kaya magkakagulo dahil ang mga bangkay na naging lupa na ay magkakapormang katawan na naman at maglalakad sa ibabaw ng mundo?

Sa panahon ngayon, ang magagastos sa “disenteng” pagpapalibing ay halos umaabot na sa 100 thousand pesos. Samantala, kung ipa-cremate lang ang bangkay, hindi pa aabot sa 50 thousand pesos ang magagastos, at dahil maiuuwi ang abo ay araw-araw pang madadasalan. Ang mga kaanak na nakatira sa malalayong lugar ay maaari pang makapag-uwi ng ilang kurot ng abo upang magamit na pendant kaya kahit hindi na sila mag-uuwian kung araw ng mga patay ay okey lang. Ano ngayon ang praktikal?

Ang nakasaad sa Lumang Tipan (Old Testament) ng Bibliya ay ang paglibing agad ng bangkay bago lumubog ang araw na sinusunod ng mga Muslim dahil nakalagay din ito sa Koran. Subalit sa kapanahunan ni Abraham, nauso ang pagburol ng bangkay upang paglamayan na ang tagal ay depende sa yaman ng namatayan. Ibig sabihin, nagkakasalungat ang nakalagay sa Bibliya. Noon ay malawak pa ang mga bakanteng lupa na pwedeng paglibingan ng mga patay at kahit sa kuweba ay pwede na, subalit ngayon ay hindi na dahil kahit ang taong buhay ay nakikitulog na rin sa ibabaw ng mga nitso!

Batay sa kasaysayan ay talagang ginagawa ang pagsunog sa bangkay, subalit ito ay gawain ng mga pagano. Para consistent ang simbahang Katoliko, dahil halos lahat naman ng ginagawa nito ay hango sa tradisyong pagano, sana ay hayaang magdesisyon ang namatayan kung iuuwi sa bahay ang abo o ilalagak sa columbarium ng simbahan. Wala naman daw kaparusahang kaakibat ang utos ng Vatican dahil wala naman itong paraan upang malaman kung sinunod o sinuway ang kautusan. Kung ganoon ay bakit pa naglabas nito kung inaasahan din lang na masusuway ng maraming Katoliko na may praktikal na pananaw sa buhay? Kung ang kasagraduhan nga ng kasal ay nasisira, ang tungkol sa cremation pa kaya? Pati mga dokumento ng kasal at binyag ay napepeke na rin dahil sa kagalingan ng makabagong teknolohiya, kaya ano pa ang silbi ng pag-iingay na ito ng Vatican tungkol sa kung ano ang dapat gawin sa bangkay na wala nang silbi dahil ang sinasabing kaluluwa na bigay ng Diyos ay nakawala na mula dito?

Ang may pinakamakabuluhang magagawa ng Vatican ay ang pagbigay ng pansin sa “day off” ng mga pari tuwing Lunes kaya bawal ang pagpabendesyun ng patay sa simbahan sa araw na yan, at ang ginamit na dahilan ay upang makapagpahinga kuno ang staff ng kumbento, ganoong silang mga pari mismo ang may gusto nito. Ilang staff ba ng kumbento ang magsusulat sa record book o maghahanda ng mga forms para pirmahan ng namatayan? Ilang pari ba ang magmimisa at magbabasbas ng patay? Kung isa lang naman, ay bakit hindi gumawa ng magkahiwalay na iskedyul ng day- off para sa parish priest at assistant niya, pati sa mga staff ng kumbento upang sa loob ng isang buong linggo ay palaging may nagbabantay sa kumbento at may pari din? Dahil sa “day-off” na yan, para na ring pinapatigil ng simbahang Katoliko ang pag-inog ng mundo ng mga miyembro nila ng isang araw sa loob ng isang linggo!

Hindi pwedeng sabihing “tao lang sila at kailangan ng pahinga”, dahil dapat ay alam nilang ang pinasok nilang propesyon ay “spiritual” kaya nangangailangan ng sakripisyo. Kung mahina ang katawan nila sa ganitong uri ng propesyon, maghubad sila ng sotana at pumasok sa ordinaryong trabaho sa opisina o kung saan man….lalo na ngayong naglilipana ang mga Call Centers!


Discussion

Leave a response