Ang "Golden Rule" na Dapat Isaisip ni Pnoy Aquino
Posted on Saturday, 11 October 2014
Ang
“Golden Rule”
Na
Dapat Isaisip ni Pnoy Aquino
Ni Apolinario Villalobos
“Huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin
nila sa iyo”…. “Golden Rule” o Gintong Salawikain na dapat palaging isaisip ni
Pnoy Aquino. Sa ginagawa niya ngayon kay Gloria Arroyo na maya’t maya niyang
binabato ng pagsisisi, hindi malayong gawin din sa kanya ito ng kanyang mga
kalaban pagbaba niya sa puwesto. Dapat sana niyang unawain na lahat ng mga
umupong presidente ng Pilipinas ay nabahiran ng katiwalian, at hindi nakaligtas
sa iba pang pamumuna hindi lang ng mga kapwa pulitiko, kundi maski ordinaryong
mamamayan. Maliwanag na hindi lang sa administrasyon ni Gloria Arroyo nagsimula
ang mga katiwalian, na naipon nang naipon sa tagal ng panahon dahil hindi naresolba
ng mga pumapalit na administrasyon. Ang cronyism na akala ng mga Pilipino ay
nabura sa kultura ng pulitika nang mawala si Ferdinand Marcos ay naiwan pa rin
pala sa administrasyon ng pumalit na si Cory Aquino, at lalo pang
lumala!...kaya tuloy pa rin ang corruption, yon nga lang malabnaw ang turing.
Mana-mana…yan ang nangyayari sa mga
problema ng bansa na namamana ng mga bagong administrasyon mula sa kanilang
pinalitan. May karapatang pumuna ang bagong upong presidente subalit hindi niya
pwedeng gawing dahilan ang mga minanang problema, sa pagka-inutil niya sa pagpapatupad
ng mga bagong programa at paglutas ng mga problemang kinakaharap niya, mga
problemang nangyari na sa ilalim ng administrasyon niya.
Ang palaging pagbato ng sisi sa ibang tao
ay tanda ng karuwagan at kahinaan sa paglutas ng mga problema. Ang isa pang
tawag sa ganitong gawi ay “paghuhugas-kamay”. Sa kagustuhan ng taong naninisi
na magkaroon siya ng isang magaling na imahe sa mata ng tao, lahat ng mali ay
ibabato niya sa iba. Pagka- makasarili ding maituturing ang ganitong ugali
dahil ang tinitingnan lang niya ay ang kanyang kapakanan.
Ang dapat gawin ni Pnoy habang may natitira
pa siyang panahon ay lutasin ang mga problema niya sa kanyang administrasyon na
animo ay mga talabang nakakapit ng mahigpit sa kinakalawang na barko! Dahil sa
bigat ng mga talabang ito na dumagdag sa bigat ng makapal nang kalawang na
tanda naman ng pagka-inutil sa pagharap sa mga problema, sa halip na umusad ay
lulubog ang barko na nagsisimbolo naman ng Pilipinas!
Discussion