Mga Palusot ng Mga Tiwaling Pilipino
Posted on Friday, 3 October 2014
Ang
Mga Palusot Ng Mga Tiwaling Pilipino
Ni Apolinario Villalobos
Ang kulturang palusot ay hindi lang
nakikita sa lahi ng Pilipino. Mayroon din nito sa iba, subali’t nagkakaiba
lamang sa antas ng kaselanan o katindihan. Normal lang sa tao ang mangatwiran kung
siya ay nagkamali, dikta yan ng sentido kumon, dahil kahi’t papaano ay
pumapasok sa isip ng tao ang kahi’t maliit na dahilan upang makaligtas sa
kaparusahan. Sa isang banda, may mga tao sa mundo na ang kultura ay nagdidikta
upang umamin sila kung ang kasalanang nagawa ay masyado nang malaki at
imposible nang pagtakpan. May nagpapakamatay pa nga. Subali’t sa nakikita
ngayong mga pangyayari sa Pilipinas…iba ang tiwaling Pilipino pagdating sa
ganitong bagay.
Noong napatalsik mula sa Pilipinas ang mga
Marcos dahil sa ginawa nilang pangangamkam, nagpilit pa rin silang gumawa ng
paraan upang magkaroon ng kompromiso upang hindi mabawi ng gobyerno ng
Pilipinas ang lahat ng yamang naipon nila sa loob ng dalawang dekada. Alam na
rin naman nila na malinaw pa sa sikat ng araw na ang yamang nabanggit ay hindi
legitimong kanila, nagpapalusot pa rin. Nauulit ngayon yan.
Hindi lang mula sa kaliwa’t kanan ang mga
naglalabasang kaso tungkol sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, kundi pati sa harap
at likod pa – lahat na ng sulok ng bansa. Dahil sa hilig ng Pilipino na malagay
sa gitna ng atensyon, todo pa rin ang mga nasasangkot sa pagbigay ng mga
inuulit nang mga depensa…paulit-ulit at nakasentro sa alegasyong pamumulitika
daw ng mga kalaban. Pulitika ang palaging palusot na dahilan ng mga tiwali kung
nabubunyag ang mali nilang ginawa. Yong ibang nasasangkot ay malakas pa ang
loob sa pagsabi na masama man o mabuti, basta publisidad, tulong din daw upang
lalo silang makilala. Ang tawag naman dito ay kakapalan ng mukha!
Ang masaya dito, yong ibang nabubunyag,
isinasama pa ang kalikasan tulad ng kidlat para lang maipilit na wala silang
kasalanan, kaya sumusumpa pang malinis sila, tamaan man sila ng kidlat! Mayroon
namang binabanggit pa ang impiyerno, at may sumpa ring, masunog man daw ang
kaluluwa nila sa impiyerno, ay talagang wala silang kasalanan…ang problema ay
kung may kaluluwa pa sila! At, ang pinakamatindi ay ang pagsambit ng Diyos
bilang saksi ng kanilang pagka-inosente!
Yan ang tiwaling Pilipino…mapamaraan!
…walang pakundangan! …walang takot sa karma! …at lalong napakawalang hiya!
Discussion