0

Si Juan, si Alip, at si Aida

Posted on Thursday, 23 October 2014



Si Juan, si Alip, at si Aida
Ni Apolinario Villalobos

Sa bayan nami’y may mga taong kilala
Na sabi nila ay  nalusawan ng diwa
Sila ay sina Juan, Alip, at Aida
Nilibak, hinamak at kinutya.

Nananakit daw sila at nambabato rin
Lalo’t pagkutya ang bigay na pansin
At lalong huwag silang tuksuhin
Upang ikaw ay hindi malasin.

Kinamulatan ko silang palabuy-laboy
Na parang may hinahabol na amoy
Kung minsan si Aida’y tumataghoy
Kasabay, luhang sagana ang daloy.

Si Juan naman ay palaging nakangisi
May hagikhik pa na animo’y kiniliti
Kinakausap din ang kanyang sarili
Animo, paksa ay may pagkatindi.

Si Alip, madalas namang mahinahon
Subali’t  minsan ay walang pantalon
Hindi alintanang sama ng panahon
Sa kalalakad ng buong maghapon.

Ngayon ko lubusang naisip at nawari
Na sa ating lahat… may nangyayari
Parang hangin na basta dadampi
Lulusaw sa katinuan…
ng walang pasubali!



Discussion

Leave a response