0

Mga Leksiyon Mula Kay Ed Guatelara

Posted on Sunday, 19 October 2014



Mga Leksiyon Mula Kay Ed Guatelara
Ni Apolinario Villalobos

Hindi man siya magsalita, marami ang mapupulot na leksiyon mula kay Ed Guatelara. Para sa mga hindi nakakakilala sa kanya dahil hindi nakapagtrabaho sa PAL, may kabuluhan pa rin ang buhay niya dahil ang leksiyon ng buhay ay hindi maaaring sabihing personal, sa halip, ito ay tungkol sa mga ugali at gawi ng mga tao – sa pangkalahatan.

Noon pa mang nagsimula siyang magpahinga bilang retiree, ako mismo ang nakiusap na kung maaari ay limitahan ang exposure niya sa mga taong talagang maituturing niyang tunay na kaibigan. May ibang taong nasisiyahan kung makita ang ibang akala nila ay nagdurusa dahil hindi nakatira sa malaking bahay, walang kotse, at kung anu-ano pang mga materyal na luho, kung ikumpara sa kanila. May mga napatunayan na kasi akong tulad nila at akala ko ay mga kaibigan ni manong Ed, na nahuli ko sa mga salitang binibitiwan, mga salitang may halong pangungutya.

Ayaw kong makarinig ng pangungutya mula sa mga taong tulad ng nabanggit dahil nang mag-retire si manong Ed, ay wala siyang maipagmalaking malaking pondo sa bangko. Hindi siya mayaman. Tumira siya sa isang bahay na inalok ng kaibigan niyang si mang Narsing, upang hindi na mangupahan pa. Ang separation pay niya at ang maliit na naipon ay walang kadamutang itinulong niya sa iba. Hindi siya nabahala sa kabila ng katotohanang ang pensiyon niya ay wala pang sampung libong piso bawat buwan. Ganyan ang ugali niya noon pa man….hindi mukhang pera, at hindi nagpapakontrol sa pera.

Napatira ako sa apartment niya kasama ang iba pang kapos noon dahil halos hindi sapat ang buwanang kinikita. Nagkikita kami ng ibang mga taga-PAL na assigned sa mga istasyon kung sila ay may training sa Manila. Isa sa mga nakaalalang nabahaginan ng ganitong grasya ay si Atty. Domingo Duerme noong siya ay assigned sa Cotabato station. Marami pang iba, tulad ni Bud Aseoche (Tacloban), Tito Garcia(Surigao), Ephraim Fernandez (Davao). Kung ano ang meron sa hapag kainan na maihanda niya ay pinagtitiyagaan. Bilang manager ng isang division ng PAL ay hindi gaanong kalakihan ang sweldo ni Ed, subalit pilit niyang napagkakasiya.

Nang ma-hijack ang isang eroplano ng PAL galing Davao, sa halip na kasuhan at ipakulong ang mga estudyanteng naglunsad ng hijacking ay binigyan ng pagkakataon ni G. Benigno Toda na Presidente nang panahon na yon upang magbago kaya binigyan ng trabaho sa kumpanya. Naghanap ng “mag-aampon” sa mga estudyanteng napalihis ang pananaw dahil sa kanilang idealism. Ang isa sa kanila, ay “inampon” ni Ed Guatelara upang masubaybayan habang nagtatrabaho sa Domestic Cargo office. Napabilang siya sa aming mga datihan nang nakatira sa apartment.

Nagkaroon siya ng pagkakataong makakuha ng bahay, subali’t dahil sa pangangailangan ng ibang kaibigan at mismong kamag-anak, naipa-remata na lamang ito upang magamit nila ang pera. Parang walang anumang lumipat siya sa maliit na tirahan. Ang sabi niya, sanay naman daw siya sa hirap, at ang importante daw ay nakakatulong siya sa iba.

Sa talas ng pakiramdam niya sa pagtukoy ng mga potensiyal na empleyadong may kagalingan, marami din siyang natulungan upang umangat ang kinalalagyan sa kumpanya, kasama na si Guy Cruz na naging Administrative Assistant niya nang siya ay maging Director ng Manila Domestic Airport. Inirekomenda pa niya ito sa isang kumpanya sa Subic nang umalis ito sa PAL. Hindi siya maramot sa pagrekomenda ng mga tauhan kung may pagkakataon siyang makita para sa kanila upang maging manager.  Maraming mga kontraktwal na janitor ang tinulungan niya upang makapasok sa PAL at maging regular na empleyado. May isa rin siyang tinulungan na tauhan noong siya ay manager ng Standards and Coordination. Hindi niya ito pina-oobertaym upang makapasok sa eskwela dahil kumukuha ng abogasya, samantalang ang mga kasama nitong tulad nina Gary Cruz, Jay Delfin at iba pa ay inaabot ng madaling araw sa pag-overtime.

Itinuro niya sa akin ang kaibahan ng creative writing at technical writing. Nangyari ito nang naging bahagi ako ng mga working groups na gumawa ng mga draft ng mga pulisiya para sa mga operations manual ng departamento. Kung anong kaalaman ang ibinabahagi niya sa kanyang mga tauhan, ganoon din ang ginagawa niya para sa aming hindi kasapi ng kanyang division. Nangyayari ito kapag nagdadatingan ang mga galing sa mga istasyon upang tumulong sa paggawa ng mga operations manuals. Wala siyang pinagdamot na kaalaman.

Bukambibig ni manong Ed ang mga paalala na ang pera o anumang materyal na yaman ay para lamang sa buhay na pisikal – dito sa mundo. At tulad ng sinasabi sa Bibliya, pabigat lamang daw ang yaman sa isang tao na mamamatay na.

Hindi matakaw sa atensyon si manong Ed. Kadalasan, nagugulat na lamang ang mga taga-istasyon na makita siyang bumababa sa eroplanong kalalapag lang. Ni hindi niya nasubukang humawak ng mikropono kung may okasyon ang departamento noon. Ang mahalaga sa kanya ay maayos ang trabaho niya, at hindi niya kailangan pang i-bandera ang kanyang mukha o di kaya ay i-anunsiyo sa lahat na marami siyang ginagawa.

Sa pagpasyal-pasyal ko sa kanya nitong mga araw, ni hindi ko siya nakitang ngumiwi kung nahihirapan siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuan upang salubungin ako, dahil sa sakit na dulot ng gout at rayuma. Ngingiti lamang ito sabay sabing “part of growing old”.  Ibang- iba sa gawi ng iba, na hindi lang naiabot agad ng kasambahay ang hinihingi ay isang milya na ang sinabi.

Sa panahon ngayong maraming tukso at halos lahat ng galaw ng tao ay kontrolado ng pera, marami ang hindi mapakali kung walang lamang isang libong piso man lang ang bulsa. Ang iba naman ay nabubuhay sa kasabihang, “charity begins at home”, pero kung kelan maglalabas ng kakarampot na charity mula sa bahay, ay Diyos lang ang nakakaalam…ibig sabihin, dinadahilan ang kasabihan upang hindi makapamahagi ng sobrang blessings sa iba.

Mapalad ang mga taong na-touch ni manong Ed noong kapanahunan niya sa PAL. Maaaring abutin ng kung ilang dekada uli bago magkaroon ng isang taong tulad niya, na nagpatunay na  maaari palang gawin ang kasabihang: pagkaing isusubo na lang ay ipamimigay pa….

Discussion

Leave a response