0

Ang Paghahanap ko ng isang daan...na matuwid daw? (part 2)

Posted on Saturday, 18 October 2014



Ang Paghanap Ko ng Isang Daan
…na matuwid daw? (part 2)
Ni Apolinario Villalobos

Mahirap ang maghanap ng tuwid na daan. Tinanong ko ang sarili ko noon kung makikita ito sa Maynila o probinbisya na pinagdudahan ko pa rin. Nagtiyaga ako sa pagmasid-masid sa Maynila, at upang makarami ng mapuntahan, naisipan kong sumakay sa LRT. Pagpunta ko sa istasyon nito sa Baclaran, dumaan ako sa kalagitnaan ng mga dikit-dikit na mga puwesto ng mga damit, bag, sapatos, cell phones, at mga gamit-bahay – puro galing Tsina! May mangilan-ngilang maliliit na puwesto na nagtitinda pa rin ng mga duster, blouse, panty, bra, tsinelas at sapatos na galing sa Cainta, Bulacan at Marikina. Nag-shortcut ako sa loob ng isang mall patungo sa Baclaran station ng LRT. Ang mga puwesto dito ay puro pagmamay-ari ng mga Tsino at Koreano, may mangilan-ngilang pagmamay-ari ng mga kapatid nating Maranao galing Lanao, sa Mindanao. Ang iba pang mga Pilipino nakita ko ay yong mga namimili at nagtitindang mga tauhan ng mga banyagang may-ari ng mga puwesto. Habang naglalakad ako, tinanong ko ang sarili ko: ito na kaya ang hudyat ng pagsakop uli ng mga banyaga sa Pilipinas, subali’t sa paraang may kinalaman sa ekonomiya at pangangalakal?

Sa loob ng LRT, ang mga pasahero ay walang pakialam sa isa’t isa. Sa malayong bahagi, may natanaw akong babaeng may kargang bata, nakatayo at nakahawak lamang sa nakabiting hawakan. Dedma ang lalaking estudyanteng nakaupo sa harap niya. Kunwari ay busy sa pagti-text. Siguro nang ituro ang Good Manners and Right Conduct noong elementary siya, absent ang estudyanteng ito!

Sa istasyon ng Carriedo ako bumaba, kasabay ang dagsa ng mga taong puro nagmamadali. Ang isang babae na kapita-pitagan ang ayos, maganda pa, ay nadapa dahil nagti-text habang naglalakad. Nagkagulo sandali dahil akala ng iba ay inagawan ito ng gamit. Pagtuntong ko sa Avenida, bumulaga sa akin ang animo ay nirambol na kalagayan – ang mga jeep, nakatigil at naghihintay ng mga pasahero, ang kalahati ng daan ay nalalatagan ng mga paninda, at halos walang madaanan ang mga tao dahil sa magkakatabing kariton ng mga street foods. Ang eksena ay masayang nakakainis. Ito ang daan ng isang pinagmamalaking business at historical district ng Maynila. Naglakad ako hanggang kanto ng Recto Ave. at kumaliwa patungo sa Arranque, paborito kong tambayan kung gusto kung mangalap ng mga kwento ng mga taong totoo.

Ang Arranque ay tinukoy ko noon na bagsakan ng mga hablot na alahas at mga maliliit na gamit tulad ng cell phone. Nadatnan ko pa rin si Mercy na nagkaroon ng tililing sa utak dahil iniwan ng seaman niyang boyfriend….dati siyang sexy dancer sa isang club sa Ermita. Tulad ng dati, wala pa rin siyang damit pang-itaas kaya nakabuyangyang ang kanyang dibdib. Wala nang pumapansin sa kanya. Naghagilap uli ako ng t-shirt para maisuot niya, na nabili ko sa isang kaibigang nagtitinda ng mga buraot o mga gamit na patapon na…mabuti na lang at may mga damit siyang paninda. Inakay ko si Mercy sa isang kapehan sa bangketa, at inimbita na rin ang iba pang mga kaibigan upang magkape.

Nawawala sa katinuan si Mercy kapag nalilipasan siya ng gutom. Ang bilin ko sa mga kaibigan, maski man lang sana biscuit at kape bigyan siya palagi.  Subali’t ang sabi naman nila, kapos din sila madalas, kaya ang halagang limang piso nga lang ay pinag-iingatan nila. Ang mga taong ito yata ang tinutukoy na dapat ay tumatahak sa matuwid na daang sinasabi ng nakasalaming lalaki, at may ngising aso. Ang sabi nitong taong may ngising aso, marami na raw ang umasenso, marami na ang hindi nagugutom…baka ang ibig niyang sabihin ay hindi na nagugutom dahil patay na dahil sa kawalan ng makain…at marami na ang umaasenso dahil mula sa maliitang pagnanakaw ay naging big time na upang lumaki ang kita maski sa maling paraan upang makasabay sa walang humpay na pagsirit ng mga presyo ng mga pagkain! May kasabihan nga noon pa man na sa Pinas daw, wala na daw bumababa, lalo na ang presyo ng mga bilihin na puro paitaas ang direksiyon…ang binababa na lang daw ay panty ng mga prosti, na ang serbisyo ay binabarat pa! Isang malungkot at nakakaiyak na katotohanan…


Discussion

Leave a response