Ang Paghahanap ko ng isang Daan...na matuwid daw? (part 1)
Posted on Thursday, 16 October 2014
Ang Paghahanap Ko ng Isang Daan
…na matuwid
daw? (Part 1)
Ni Apolinario Villalobos
Palagi kong naririnig sa radyo ang isang
taong nagsasalita sa matatas na Tagalog ang tungkol sa isang daan – matuwid daw.
Meron bang ganoon sa Pinas? Ang alam kong mga daan sa Pinas ay putol, hindi
tinapos pagkatapos pagkitaan ng mga tiwaling pulitiko. Yong ibang aspaltado,
tadtad ng mga butas na animo ay mukha ng buwan. At yong iba pa ay maputik,
mabato at maraming damong makahiya…ito yong nakita ko sa malalayong lugar na hindi
binibigyang pansin ng gobyerno. Nang minsang manood ako ng TV na binili ko sa
surplus, galing Japan sa halagang Php800.00, bago naging malabo ang screen, may
nakita akong taong nakasalamin na may ngising aso…at tuwid na daan din ang
sinasabi. Ito din yata ang narinig ko sa radyo. Nasaan kaya ito?
Nasa ka-Maynilaan kaya ang matuwid na daan?
Imposible ito dahil kung ang tinutukoy na matuwid na daan ay diretsong
matatahak, sa Maynila ay wala nito. Kung maglalakad ka sa daan sa Maynila,
iiwas ka sa mga nakatambak na basura sa mga tabi-tabi. Iiwas ka sa mga animo ay
nagpapaligsahang mga jeepney na walang pakundangan kung lumusot sa trapik.
Iiwas ka rin sa mga hukay na ginagawa ng mga kontraktor dahil sa mga proyektong
pinagkitaan lamang, kaya kunwari ay sinimulan, pitik-pitik na ginawa, hahayaang
nakatiwangwang, upang maging kalbaryo ng mga mamayan. Lalong wala ring tuwid na
daan sa Maynilang diretsong mababagtas kung gabi dahil sa mga naglipanang
holdaper – naglalakad at riding in tandem, kaya ang mga tao, paiwas-iwas sa
madidilim na kanto.
Nasa probinsiya kaya? Imposible din ito
dahil ang mga kalsada sa mga liblib na bayan at mga baryong nasa paanan ng mga
bundok ay hindi inaasikaso…nananatiling maputik at mabato, mahirap daanan
kahi’t na nang karitong hila ng kalabaw. Kung may makitang aspaltado na nasa
labasan lang mga siyudad o maasensong bayan, asahan ang iba na kung hindi man
putol ay kalahati lamang ang ginawa. Inumpisahan at hinayaan, matapos na makuha
ang budget. Yong ibang mga daan, hanggang papel lang – mga multo, ginamit na
batayan sa pagkubra ng budget. Yong ibang daan, may “palamuting” skywalk,
tawiran ng mga pedestrian – nasa liblib na highway!...hindi naman matrapik,
bakit meron nito?
Maaaring ang tinutukoy nang nagsalitang
taong nakasalamin at may ngising aso ay daan na iniimadyin niya - nasa kanyang
diwa, o di kaya ay napapanaginipan niya,
pagkatapos niyang maglaro ng games. Ang mga sinasabi niya ay hindi naman
nakikita sa paligid o nararamdaman ng mga tao. Paulit-ulit pa kung magbanggit tungkol
sa daan na matuwid daw….hindi lang parang sirang plaka, kundi ay talagang
sirang plaka talaga!
Nag-aanyaya pa ang taong ito na samahan daw
natin siya sa kanyang pagtahak sa tuwid niyang daan. Sabi nang isang bangag sa
gamot na mas matino pa ang sinasabi kaysa sa taong ito: “manigas ka….in your dreams!”
Discussion