Ang Debateng Binay-Trillanes
Posted on Tuesday, 28 October 2014
Ang Debateng
Binay-Trillanes
Ni Apolinario Villalobos
Kung matutuloy sa November 10 ang pagtatalo sa pagitan ni
Binay at Trillanes, marami ang dapat asahan, tulad ng:
1.
Pagpupumilit pa rin ni Binay na pinupulitika
lamang siya, hindi siya nagnakaw sa Makati noong nanunungkulan siya bilang
mayor, hindi nila pagmamay-ari ang asyenda sa Rosario, Batangas, at ang kanyang
pamilya na ang hangad ay magsilbi sa taong bayan kaya inosente sila hangga’t
hindi napapatunayan sa hukuman.
2.
Mawawala sa porma si Trillanes kapag napikon,
uulitin lamang niya ang mga bintang na nasabi na sa mga pagdinig sa senado, isa
na ang mabigat na pagkaroon ni Binay ng mga dummy na pansamantalang umaako ng
mga pag-aari nila, at hindi siya masasapawan ni Binay kahit abogado pa ito
dahil ang hahanapin ng mga tao ay ang laman ng kanilang mga sasabihin, at hindi
mga teknikalidad sa isang pormal na debate.
Kahit ipagpipilitin
ni Binay ang kanyang pagmamalinis sa araw ng debate, mahihirapan siya
dahil mabibigat ang mga ebidensiyang
nailatag na, at siyang ikalulusaw ng kanyang pagkakataong manalo sa eleksiyon
2016. Kung iisa-isahin niya ang mga isyu na binibintang sa kanya at tatapatan
niya ng mga paliwanag, malamang mahihirapan siyang makumbinse ang taong bayan,
dahil simula pa lang nang unang araw na pumutok ang eskandalo, malayo na ang
inabot ng pag-analisa nila batay sa mga ebidensiya na mahirap pabulaanan. May
mga ideya na ang taong bayan kung paanong napatungan ng kung ilang daang
porsiyento ang halaga sa pagpagawa ng Makati City Hall II, pati na ang mga
gamit sa Ospital ng Makati, at ang mga cake na binibigay sa mga senior citizen.
Pati na rin ang paraan kung paanong napapasakamay nila ang mga nakurakot na
pera na nakalagay sa mga bag.
Tungkol naman sa asyenda sa Rosario, Batangas, kahit manikluhod
pa si Binay sa harap ng kamera sa araw ng debate upang madiin ang pagdi-deny,
wala na rin itong epekto, dahil mismong mga dating may-ari ang nagpapatunay ng
bentahan- mga matatanda na hindi aasahang magsinungaling. Pati ang naunsiyaming
pagpresenta ni Tiu ng sarili niya bilang may-ari ng asyenda, hindi na rin
maisasalba ni Binay kahit pa sabayan niya ito ng hagulhol. Naipaliwanag na ni
Cayetano kung paanong naitatago ng mga tiwaling opisyal ng bayan ang kanilang
mga nakaw na yaman upang walang makitang ebidensiya, na malinaw na naipakitang
ginawa ng mga Binay, kaya anumang paliwanag ni Binay sa araw ng debate ay wala
na ring saysay.
Kung ang debate ay style na walang rebuttal, kundi paglalahad
lamang ng bawa’t panig subalit may ipapataw na taning o limitadong oras,
talung-talo na si Binay, dahil taong bayan ang huhusga kung sino ang mananalo. At dahil siya ang panig na nagdedepensa, dapat
maunang magsalita si Trillanes na siyang nag-aakusa. Dapat pabulaanan ni Binay
punto por punto ang mga sasabihin nito, subalit alam naman ng taong bayan na
talagang wala siyang maisasagot na katanggap-tanggap. Kung meron kasi, dapat
yon na ang sinasabi niya sa mga interbyu, o di kaya ay umaper man lang sa
senado upang sagutin ang mga katanungan. Subalit ang palagi niyang sinasabi ay
pinupulitika lamang siya.
Sa kabuuhan nito, ang debate ay gagamitin lamang upang
madiin ang pagsisinungaling ni Binay, kaya tama ang sinabi ng isa niyang
kaalyado sa partido na ito ay isang patibong upang lalong maipakita sa taong
bayan na walang karapatan si Binay na maging Presidente ng Pilipinas.
Discussion