0

Felizardo Lazado: katangi-tanging kaibigan...at nakakabilib na Notre Damian

Posted on Friday, 17 October 2014



Isa itong tulaysay, sarili kong style sa pagsulat na pantanggal ng umay….hybrid ito ng tula at salaysay, kaya tinawag kong “tulaysay”…


Felizardo Lazado:  katangi-tanging kaibigan
…at nakakabilib na Notre Damian
Ni Apolinario Villalobos

Ang una kong napansin sa kanya
Noong una ko siyang makita
Ay ang kanyang pagkamaka-totoo
Palatawa siya, at napaka-maginoo.

Isa si Felizardo sa mga student leaders ng Notre Dame of Tacurong, high school student pa lamang siya. Hindi nawawala sa Dean’s List ang pangalan niya bilang isa sa mga topnotcher. Dahil mahina ang katawan at payatin, hindi nabigyan ng pagkakataon ni G. Ric Jamorabon (istriktong in-charge sa PMT at ROTC), na maging Corp Commandeer ng PMT, kaya ang gamit sa drills ay kahoy na riple, sa halip na tansong sable. Magaling siyang debater at orator, kaya maraming bilib sa kanya, campus personality, wika nga, subali’t among the boys lang dahil nasa kabilang bakod ang mga babaeng Notre Damians at nasa istriktang pagsubaybay ng mga Dominican (O.P.) sisters. Ang amin naman - Boys’ Department ay mga Oblates of Mary Immaculate (OMI) namang mga pari ang nagsusubaybay.

Ding, ang palayaw niya…matunog
At mataginting din kung bibigkasin
Tunog ay kinalembang na batingaw
Na abot sa malayo ang alingawngaw.

Katunog ng pangalan niyang mataginting kung bigkasin ay ang alingawngaw ng batingaw, lalo na ang kanyang halakhak na bigay-todo para hindi mapahiya ang nagkukuwento ng nakakatawa, kahit may pagka-corny ang dating. Simple lang siya kung magsingit ng jokes subali’t may dating dahil mapapa-ihi ka sa pantalon kung mahina ang kontrol mo sa iyong pantog. Malayo ang inaabot ng kanyang halakhak na wari ba ay nagpapahiwatig na nais niyang makapagpasaya ng kapwa, kahit sa pamamagitan man lamang ng kanyang halakhak na hinugot niya ng buong tiyaga mula sa kaibuturan ng kanyang puso – at para ring batingaw na umaalingawngaw.

Malikhain si Ding, magaling sumulat
Kung siya’y nasa mood, tatahimik bigla
At parang nawawala sa sariling nakayuko -
Sandali lang, may naisulat na sa kwaderno!

Normal siyang tao dahil may mga mood tulad ng iba. Sa mga pagkakataong masaya siya, no holds barred kung magbiro siya. Kung bigla namang may maisip na isulat, tatabi na lamang at maglalabas ng notebook at ballpen, sabay sulat, animo ay sinaniban ng ispiritu ng isang namayapang manunulat, kaya hinahayaan na lamang siya ng mga nakakaunawa sa kanya. Nangyari ito nang kami noon ay nasiraan ng sasakyan, galing sa ekskursiyon at pauwi na. Bigla siyang humiwalay at nawala…akala namin ay sumagot siya sa tawag ng kalikasan, pero sabi ng iba, wala naman daw dalang toilet paper. Yon pala, nasa isang sulok ng highway, natatabingan ng mga talahib mula sa init ng papalubog na araw, at nagsusulat.

Hindi niya alam ang salitang maramot
Dahil kapos man ang pamilya nila noon
Itinanim sa isip nila ang salitang “tulong”-
Kailangang ibahagi, ano mang pagkakataon.

Hindi ikinahihiya ni Ding ang kakapusan nila noong bata pa siya, kaya natuto silang magkapatid na magsumikap upang makatapos ng pag-aaral. Naging student assistant siya sa Notre Dame of Tacurong hanggang makatapos siya ng kursong Bachelor of Arts (English/History). Sa kabila ng kakapusan, matulungin si Ding sa abot ng kanyang makakaya. Hindi lang sa pamamagitan ng pera ang ginawa niyang pagtulong sa iba. Marami rin siyang nabigyan ng payo – mga estudyante na hirap din sa buhay, lalo na noong siya ay nagturo na rin, sa Notre Dame din mismo kung saan siya nagtapos. Malaking bagay ang ginawa niyang paggabay, na maliban sa payo ay ang pagpakita ng sarili niya mismo bilang isang halimbawa ng pagsisikap.

Mga salitang umaalagwa sa kanyang utak
Ang nababalangkas ay mga kuwento at tula
Adhikaing hindi titigilan ano mang mangyari
Dahil bigay ng Diyos at kailangang ipamahagi!

Alam ni Ding na ang kakayahan niya sa pagsulat ay galing sa Diyos at siya ay may pakay sa mundo. Hindi niya kailangang pumunta sa Africa upang tumulong sa mga biktima ng ebola virus, lalo pa at sakitin siya, kaya baka siya pa ang i-stretcher bigla at isakay sa ambulansiya, o di kaya ay makipagbakbakan sa mga hinayupak na miyembro ng ISIS sa Syria, o di kaya ay makipagbrilan sa mga buragwit na miyembro ng Abu Sayyaf sa Basilan at Jolo. Alam niyang ang mga linyang kinapapalooban ng mga salitang lumalabas sa kanyang utak ay may ibig sabihin. Kaya saan man siyang dako ng mundo…pinipilit niyang gawin ang sa kanya ay nai-atang noon pa man…kapalarang nakaguhit sa kanyang mga palad. At yan ay hindi mahirap unawain…ang magpakalat ng mga mensahe tungkol sa pagkakaisa at pagmamahalan gamit ang power of the pen.

Bilang teacher ng NDTC, ginawa niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya.  Inilatag niya ang pundasyon “sana” ng isang museum subalit sa kasamaang palad ay hindi tumagal, although, binigyan ko na siya ng babala tungkol dito dahil sa kawalan ng long-ranged plan para sa proyekto. Naging bahagi din siya ng mga unang selebrasyon ng Talakudong Festival. Marami pa sana siyang mga pangarap para sa NDTC at Tacurong, pero ang payo ko kanya noon bago mag-retire, ay magpahinga muna dahil marami pa namang pagkakataon ang darating…habang buhay siya.

Discussion

Leave a response