0

Rolando "Rollie" P. Perello...anyo ng tagumpay at pagsisikap

Posted on Monday, 6 October 2014



Rolando “Rollie” P. Perello
…anyo ng tagumpay at pagsisikap
By Apolinario Villalobos

Kung minsan, may mga hindi inaasahang pangyayari sa ating buhay. Tulad ng nangyari sa akin habang ako ay nagkakape sa isang kiosk sa Luneta, isang umaga. May nakakuwentuhan akong isang lalaki na may puwesto rin sa kiosk, subali’t ang tinitinda niya ay lugaw at dumplings. Nakarating ang paksa ng usapan namin tungkol sa trabaho, kaya nalaman ko na noon palang kasagsagan pa ng kanyang kabataan, naging Assistant Director siya ni Lino Brocka, isang multi-awarded na movie director. Lalo akong naging interesado sa mga kwento niya, kaya panay ang tanong ko, hanggang sa ibunyag niya na naging DJ din siya ng radyo at nagtrabaho din sa isang malaking advertising agency, pati na rin ang telebisyon at mga konsiyerto ng mga kilalang singers ay nasakop rin pala niya sa pagdi-direk. Naging interesado akong marinig ang iba pang bahagi ng buhay niya na sa tingin ko ay makulay.

Out of decency, sa simula ay hindi ko inalam kung ano ang pangalan niya. Subalit sa kalaunan ay hindi ko na matiis ang curiosity kaya tinanong ko na rin siya. Laking gulat ko nang sabihin niya na siya pala ay si Rolando “Rollie” Perello, na hindi lang kilala sa larangan ng show business, kundi pati na rin sa pag-oorganisa ng mga aktibong samahan para sa masa. Sa unang tingin, hindi aakalaing naging bahagi pala siya ng movie industry at national activism. Kung hindi uunahan ng kwento, tahimik lang siya at aakalain ding suplado. Subali’t kung makapalagayan ka na niya ng loob, mabait pala at mapagtiwala.

Inamin niya na ang inabot niya ay third year college level sa University of Sto. Tomas, bale undergraduate dahil maagang nag-asawa noong 1997. Upang kumita, pumasok siya bilang DJ sa DWSF (San Fernando, Pampanga), hanggang napalipat sa DWLM FM (Mareco Broadcasting) at ang programang hawak niya ay “Tunog Pinoy”. Mula sa radyo, nahatak siya ng Advertising noong 1982, at ang pinasukan niya ay ang kilalang IBEX, Intl. Agency na ang mga kliyente ay Philippine Charity Sweepstakes Organization (PCSO), Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), ZestO. Sa pagkaalala niya, ang namahala sa ahensiya noon ay si G. Percival Cruz, at nakatrabaho din niya sina Henry Angeles at Sonny Coloma.

Halos kasabay sa pagpasok niya sa Advertising industry ay ang pagpasok din niya sa larangan ng pelikula bilang scriptwriter at pag-aasiste sa pagdirek. Naging bahagi siya ng mga sumusunod na mga programa sa telebisyon:

Channel 4 - “Sa Paghawi ng Tabing”, “Bida-Bida”, “Bayani”, “Konsiyerto ng Apat”, “Bubungang
Lata”,  at “Isang Gabi Lang”.

Channel 7 – “Hiyas” (kinatampukan ni Rio Locsin, 150 episodes at nai-serye ng tatlong taon)

Channel 9 -  “Talambuhay”, at “Quiapo”

Channel 13- “Anti-Narcotic Task Squad (ANTS), at “Buhay TNT”       
Sa loob ng mga taong siya ay naging bahagi ng telebisyon, marami siyang natulungang mga nagsisimula pa lamang na mga manunulat tulad nina Helen Merez, Salvador Royales at Hilda Olviado.

Si Helen Merez ay isang nobelista na binigyan niya ng ideya na mag-condense ng mga isinulat nito upang maging “nobeleta” na madaling basahin. Ang ideyang ito ni G. Pellero ang nagluwal sa isang porma ng pagsusulat – ang “nobeleta”. Kalaunan, dahil na rin sa pagsunod ni G. Merez sa payong ibinigay sa kanya, naging mabili ang kanyang mga pinaikling nobela, na ang iba ay ginamit na rin sa telebisyon. Yumaman si Gng. Merez dahil sa tagumpay na tinamo niya dahil sa ipinayong gumawa siya ng mga “nobeleta”.

Si Salvador Royales, ayon kay G. Pellero ay dating kartero naman na kanyang tinulungan upang makapasok sa industriya ng brodkasting na hindi na nito iniwan hanggang sa siya ay nakuha ng DZRH, kung saan siya ay kinilala ng lubusan ang kanyang kakayahan.

Si Hilda Olviado naman ay isa sa mga tanyag na nobelista at kwentista ng nagiging popular na Tagalog pocket books. Dahil kaya ng masa ang halaga, naging tanyag ito sa lahat ng dako ng bansa. Kalat ang mga pocket books na naglalaman ng mga kwento niya, at nabibili kahit sa mga puwesto sa palengke at bangketa.

Dahil sa kagustuhang lumawak pa ang kanyang exposure bilang isang artist, pati ang pagdirek ng mga konsiyerto at palabas sa entablado ay pinasok na rin ni G. Pellero. Naging bahagi siya sa pagpalabas sa Folk Arts Theater ng “Dangal at Bangkeba” na nai-produce ng dating Imelda Marcos, at iba pang mga produksiyon na hindi na niya matandaan.

Sa larangan naman ng musika, dinirek niya ang mga konsiyerto nina Vernie Gonzales (Bodega City); Imelda Papin (Lubao at San Fernando, Pampanga); at Eva Eugenio.

Mula sa Advertising, radyo at  telebisyon, pumalaot naman si G. Pellero sa larangan ng pelikula kung saan ay gumawa rin siya ng pangalan sa paggawa ng mga script na sinabayan pa niya ng pagiging Assistant Director. Ang pinakamadalas niyang alalayan noon bilang Assistant Director ay si Lino Brocka, isang multi-awarded na movie Director, at Mel Chionglo na ang kakayahan sa pagdirek ay hindi rin matatawaran.

Mula 1986 hanggang 1997 ay naging bahagi siya ng mga sumusunod na pelikula:

            Bunso                          -tampok si Jeric Raval
            Leon Guerrero           -tampok si Raymart Santiago
            Alipin ng Tukso          -tampok si Alena Perez (kumita ng Php30M sa Manila)
            Biktima                       -tampok si Sharon Cuneta at Boyet de Leon
            Kislap sa Dilim                        -tampok sina Lorna Tolentino, Boyet de Leon, at Gabby  
  Concepcion
Makiusap Ka sa Diyos- tampok sina Ruffa Guttierez at Boyet de Leon
            Sa Kabila ng Lahat     -tampok sina Dina Bonnevie at Tonton Guttierez
            Ama, Bakit Mo Ako Pinabayaan? – tampok sina Ariel Cruz, Jestoni Alarcon, at Gretchen
  Barreto
            Huwag Mong Salingin ang Sugat – tampok sina Dinna Bonnevie at Boyet de Leon
            Mapanukso                - tampok si Clarissa Mercado
            Penoy Balut               - tampok sina Nora Aunor at Tirso Cruz III
            Gapos Gang                - tampok si Ronnie Rickets
            Estudyante Blues       - tampok sina Raymart Santiago, Gellie de Belen, Joko Diaz, Vina
   Morales, Kier Legaspi, at Charmine Arnaiz
            Rosang Tattoo                       - tampok si Monica Herrera
            Maganto: Leon ng Maynila- tampok si Bong Revilla, Jr.

Bilang scriptwriter at Assistant Director, iba’t ibang kumpanya ng pelikula ang humirang sa kanya tulad ng Viva Films, OctoArts, Regal Films, Seiko Films, Bonanza Films, at Leo Films.
           
Ang pagiging malapit ni G. Pellero sa masa ang nagbunsod sa kanya upang iwanan ang industriya ng show business at musika noong huling bahagi ng 1997. Sumapi siya sa KADAMAY, isang cause-oriented group na tumutulong sa mga ordinaryong mamamayan. Isa sa naging tungkulin niya ay ang pagbuklurin ang mga maliliit na namumuhunan sa isang samahan upang mapadali ang paglabas nila ng kanilang mga saloobin. Sa loob ng panahong 1997-2003, nagawa niyang pisanin ang mga maliliit na namumuhunan sa mga organisasyong tulad ng:  Tourist Belt Vendors’ Association (TBVA) na ang saklaw ay Divisoria, Sta. Cruz, hanggang Vito Cruz; at ang People’s Vendors and Hawkers’ Association (PEDVHA).

Dahil sa masidhi niyang hangaring makatulong sa mga nangangailangan, halos naubos ang kanyang naipon noong siya ay nasa industriya ng brodkasting at show business. Bilang isang volunteer para sa kapakanan ng masa, napasama siya sa mga rally at demonstrations na nagmartsa sa Malakanyang upang maglabas ng mga hinaing.

Bago magtapos ang 2003 ay bumalik si G. Pellero sa industriya ng pelikula, bilang scriptwriter at Asst. Director pa rin, subali’t para lamang sa mga piling proyekto dahil aktibo pa rin siya sa KADAMAY kaya nakatutok pa rin siya sa mga itinayo niyang mga organisasyon ng masang mamumuhunan.

 Noong 2010, pinisan niya ang mga dati ay watak-watak na mga vendors ng Rizal Park sa samahang Rizal Park Vendors and Consumers Cooperative (RPVCC). Ito yong panahon na malaki ang natipid ng namamahala ng liwasan dahil ang mga vendors mismo ay boluntaryong nakibahagi sa paglinis ng kabuuan nito. May mga bahaging nakatoka sa bawa’t vendor na miyembro ng kooperatibang itinatag ni G. Perello.

Upang lalong mapalapit sa mga kasapi sa grupo, nakiisa na rin si G. Perello sa kanila sa pamamagitan ng pagkuha ng sarili niyang maliit na puwesto na ginamit niya sa paglako ng lugaw at siomai, at pinangalanan niyang “Lugaw King”. Ang maliit na mala-karitong puwesto ay makikita sa kanang bahagi ng bukana ng kiosk na nasa tabi ng opisina ng Rizal Park Security. Maligaya siya sa kanyang ginagawa, at wala na siyang mahihiling pa sa Diyos.
Dahil nakapanghihinayang kung hindi niya maibahagi ang kanyang kaalaman sa scriptwriting at directing, tinanong ko siya kung payag siyang gawin ito sa mga estudyante na kumukuha ng mga kursong may requirement para sa mga ganitong kaalaman. Ayon sa kanya, basta kaya ng kanyang panahon, ay hindi niya ipagmamaramot ang kanyang kaalaman. Iba kasi ang kaalamang galing sa aktwal na trabaho kaysa sa natutunan mula sa libro. Ang kaalaman galing sa aktwal na trabaho ay subok na, samantalang ang galing sa mga libro ay susubukan pa lamang. Sa ganang ito, ang mga interesadong makipag-ugnayan sa kanya ay maaaring magtext o tumawag sa 09991560628.

Napatunayan ni G. Perello na hindi kailangan ang malaking kayaman upang maging maligaya at maging bahagi ng buhay ng kapwa bilang pagtupad sa ating layunin sa mundo. Napatunayan niya na hindi kailangan ang mamahaling kurso upang matupad ang isang pangarap sa buhay. At, napatunayan din niya na ang minimithi ng isang tao ay nanggagaling sa kaibuturan ng puso, hindi sa libro at kung ano pang mga sinasaulo sa loob ng silid-aralan. Nakakatulong ang paaralan, mga guro, at mga batayan sa pag-aaral tulad ng libro, subali’t ang ikatatagumpay ng isang tao ay batay na rin sa kanyang pagsisikap sa buhay. Ito na yong sagot sa kasabihang: tinutulungan ng Diyos ang taong tumutulong sa kanyang sarili…at kung ihahalintulad sa buhay ni Rollie Perello, siya ay maituturing na nagtagumpay sa buhay.


Discussion

Leave a response