0

Ang Mga Problema ng Mga Ahensiya ng Pamahalaan

Posted on Wednesday, 29 October 2014



Ang Mga Problema ng
Mga Ahensiya ng Pamahalaan
Ni Apolinario Villalobos

Hindi ito pagbabatikos, sa halip ay isang pamumuna na ang layunin ay makatulong…

Sa mga nagaganap na imbestigasyong sangkot ay mga ahensiya ng pamahalaan na pumuputok pa sa media tulad ng radyo at TV, pati na sa mga diyaryo, malaki man o maliit na karamihang nilalaman ay tungkol sa showbiz, lumilitaw na ang problema ng mga ahensiya ng gobyerno ay kawalan ng malinaw na internal procedures. Ang palasak na tawag dito ay “operating procedures” na dapat ay nakapaloob sa mga manual. Kaya kapag nagkaroon ng problema, nagkakatarantahan kung ano ang gagawin. Malinaw na walang magandang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya kaya kung may pumutok na kaso ay nagtuturuan.

Umiikot ang mga operasyon ng mga ahensiya sa mga alituntunin na nasa Civil Service Code, Labor Code, at mga maya’t maya ay pinapalabas na mga memo o kautusan kaya tagpi-tagpi ang mga batayan ng desisyon, na kadalasan pa ay may mga puwang, mga kakulangan – mga butas na ginagamit ng mga tiwali upang makapagnakaw at gumawa pa ng ibang kamalasaduhan.

Kung minsan nakakatawang marinig sa mga interbyu ng kinatawan ng isang ahensiya na wala silang alam sa mga nagaganap na dapat ay may kinalaman sila, dahil wala pa raw silang natatanggap na fax man lang tungkol sa mga ito, at sa diyaryo lang nila nalaman. Halimbawa, makailang beses nang naghukay sa mga kalye ng Maynila ang mga kontraktor subali’t hindi alam ng MMDA, kaya nagkakagulatan kapag buhul-buhol na ang trapiko na halos ay hindi pa umuusad. May mga ginagawa ang Malakanyang na hindi alam ng Senado o Kongreso officially, dahil malaman man ng mga mambabatas ay sa pamamagitan na lang diyaryo. Ang Malakanyang ay ganoon din…sa diyaryo na lang nakakaalam ng mga ginagawa ng mga mambabatas. Paano na lang kung may kinikilingan ang naglabas ng mga balita? Dito na nagsisimula ang turuan!

Hindi maikakaila na ang mga gawain ng bawa’t ahensiya ay kumakawing sa iba pa, kaya mahalaga ang mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ito, subalit hindi nangyayari dahil sa kawalan ng malinaw na sistema. Idagdag pa rito ang mga makalumang gamit sa komunikasyon. Maraming mga opisina ng gobyerno ang nakikihati sa paggamit ng mga fax machines. Marami rin ang hindi digitized, manu-mano ang operasyon, kaya ang pagdaloy ng komunikasyon at impormasyon ay hindi maaasahang epektibo. Marami pa ring opisina ang gumagamit at umaasa sa mga sinaunang makinilya. At, ang mga telepono, kung minsan ay putol ang linya, na gusto naman ng mga empleyado na tamad sumagot sa mga tawag.

Ang gobyerno ay umaasa sa mga nakasaad sa Civil Service Code na ang iba ay dapat tinanggal na dahil hindi na applicable sa mga kasalukuyang pangangailan. May mga batas na may kinalaman sa paggawa na dapat ay repasuhin nang naaayon pa rin naman sa mga patakaran ng  International Labor Organization, at dapat iangkop sa kalagayan ng Pilipinas, subali’t hindi ito ginagawa. Ang resulta tuloy ay, maraming mga empleyado ng gobyerno na napatawan na ng mga karampatang parusa dahil sa kanilang kaso, subali’t naka-float lamang, o di kaya ay inilipat sa ibang opisina. Ang ginagawang dahilan palagi ay “protektado” sila ng Labor Code o Civil Service Code. Isang halimbawa ay ang pagkabisto na ang ilang pulis na sangkot sa EDSA hulidap ay may mga kaso nang “nakabinbin” at yong iba ay may sintensiya na subali’t pinayagan pa ring mag-duty.

Ang mga nabanggit na bagay ay ilan lamang sa mga dapat na pinagkakaabalahan ng mga mambabatas upang mapaayos ang paggalaw ng mga ahensiya ng gobyerno. Hindi dapat maghintay ang mga mambabatas ng mga eskandalo na masasawsawan ng kanilang mga daliri, at makibahagi sa atensyon na bigay dito ng media. Ang mahirap sa mga mambabatas, ay matakaw sila sa media mileage, na magbo-brodkast sa taong bayan na may ginagawa kuno sila! Sabagay, kailangan nila ito bilang puhunan sa pagtakbo sa mga susunod na eleksiyon kung sila ay reeleksiyonista.




Discussion

Leave a response