0

Mga Malabong Gawin ng mga Opisyal At Mambabatas sa Pilipinas

Posted on Sunday, 19 October 2014



Ang Mga Malabong Gawin ng mga Opisyal
At Mambabatas sa Pilipinas
ni Apolinario Villalobos

Kung noon, ang isinulat ko tungkol sa mga dapat gawin ng mga opisyal at mambabatas sa Pilipinas ay inismiran at dinedma, palagay ko, sa pagkakataong ito, may mga papalakpak, sabay thumbs up, at bigkas ng, “yan ang tama!”.

1.      Malabong umamin ng kasalanan ang mga mambabatas na sangkot sa mga kasong tongpats o kickback, yaong may kinalaman sa mga pang-uumit nila sa kanilang pork barrel. Nahirapan nga naman silang magpalipat-lipat ng mga kinupit na pera, sa iba’t ibang bank accounts upang mabura ang paper trail…malaking sakripisyo yon sa kanilang panig. Kaya kahit na ikamatay pa nila, at kahit na masasakripisyo ang dangal ng kanilang pangalan, no way silang aamin.
2.      Malabong magpakamatay o mag-resign ang isang opisyal dahil sa kahihiyan at kapabayaan niya sa trabaho. Bawal daw kasi sa batas ng Panginoon ang kumitil ng sariling buhay, kaya talagang sumusumpa siya na wala siyang kasalanan, tamaan man siya ng kidlat, at sa mata ng Diyos, siya ay tapat sa tungkulin. Hindi rin siya magre-resign dahil ayaw niyang sumaya ang kanyang mga kalaban, at lalong ayaw niyang iwanan ang puwesto na masaganang bumabalong ng milyones na grasya!
3.      Malabong itakwil ng mga mambabatas ang mga kaalyado nilang hantaran nang napatunayang may ginawang kasalanan sa mga imbestigasyon ng Senado. Hindi maaaring itakwil dahil kahit libo mang pahina ng report ang maglilitanya ng kasalanan, wala ring mangyayari….puro pakita lang. Baka ang sinasabing may kasalanan ay maging Presidente pa ng Pilipinas…tagilid sila! Marami nang beses na napatunayan, na ang “dark horse” ay nagtatagumpay…ibig kong sabihin sa dark horse ay yong hindi inaasahan, hindi kulay ng balat.
4.      Hindi maaaring tanggalin ng Presidente sa puwesto ang kanyang mga BFF sa gabinete na malinaw na may mga ginawang hindi kaaya-aya,  dahil….BFF nga! Kulang na lang sabihin ng kanyang mga tagapagsalita sa mga Pilipino: “…asa pa kayo… ano kayo sinisuwerte?!”. Paano ang kanyang matuwid daw na daan? Ah, para sa kanya hindi problema….dahil pangako lang iyan. Hindi lang alam ng mga nagtataka kung saang libro o eskwelahan niya natutunan ang prinsipyo ng “ pagpako sa pangako”. Sa prinsipyo niyang ito, dapat isa lang ang gawin ng ng tao kung mangako siya….hanggang diyan na lang, at kailangang nakapako na. Nakasanayan na niya ang ganitong prinsipyo na buong tamis na pinamumutawi sa mga bibig, sabay ngiti ng ngiting aso na pagkatamis-tamis!
5.      Hindi maaaring magsalita ang Presidente laban sa Amerika, kahi’t may Pilipino nang namatay sa kahindik-hindik na paraan sa Olongapo kung saan ay nakahiligang palipasan ng libog ng mga walang konsiyensyang Amerikano. Kung paalisin nga naman ng Presidente ang mga Amerikano sa Pilipinas, pagpipiyestahan naman tayo ng Tsina. Hindi madaling manikluhod sa Amerika upang mag-display ito ng lakas sa kanlurang bahagi ng Pilipinas, makapanindak man lang sa Tsina. Siguro para sa kanya, hindi kawalan ang isang buhay sa isandaang milyong populasyon ng Pilipinas, kaya hanggang ngayon ay hindi man lang siya umiimik…ni hindi man lang nakiramay sa namatayan!
6.      Hindi maaaring hindi saluhin ng Department of Justice ang mga saltik ng pagbatikos sa Presidente dahil, yong Secretary ay nakalinya yatang isama sa lista ng mga kandidatong senador ng administrasyon sa 2016 eleksiyon…kaya kunting pakitang gilas naman! Sa pagkamatay ng isang transpinay sa Subic na si Laude, itinuro ng Malakanyang ang DOJ na siya nang bahala…kaya naman, salo na lang ito ng salo at inda ng mga pagbatikos ng bayan….for the sake of 2016 eleksiyon. Sigurado ay pakiyeme pang sasabihin ni de Lima na ano ang magagawa niya kung isinali siya sa listahan ng mga “mananalong” senador ng administrasyon.
7.      Hindi maaaring bilisan ang paglitis sa mga kaso sa mga bulwagan ng mga hukuman. Masuwerte nang may kasong matutuldukan sa loob ng limang taon. Nakakagulat ngang marinig sa balita na may mga kasong natuldukan makalipas ang labing-apat na taon! At ang kaso…pagnanakaw daw ng isang maliit na empleyado ng pamahalaan at ang sangkot na halaga ay wala pang limampung libong piso! Sinasabi ng ahensiya kulang sila ng mga abogado, walang budget. Sa pagdinig ng budget deliberation naman, sisisihin ng senado ang ahensiya kung bakit hindi ipinaglaban ang kakulangan ito, sabay tapyas sa budget nitong aaprubahan…nantakaw lang! At ang Supreme Court na walang magawa, tatahimik na lang kaya, kaya kahit na ang karumal-dumal na krimen, lalo na ang Maguindanao massacre, ay hindi pa rin nalulutas sa kabila ng mga ebidensiya, at makalipas ng mahabang panahon. Ni hindi rin kinu-convict ang mga promotor na mag-aamang Ampatuan.
8.      Hindi maaaring pagdadamputin ng DSW ang mga naglilipanang mga batang sumisinghot ng rugby, mga palaboy, mga nakatira sa bangketa, at mga nagkakalakal ng laman sa Avenida, Quezon Boulevard, Cubao, at iba pang sulok ng prostitution sa Maynila. Para sa ahensiya, palamuti ang mga ito ng isang third world country na bansa tulad ng Pilipinas…mga requirements upang makakalap ng mga donasyon, grants, at kung anu-ano pa mula sa ibang bansa. Masisira ang na-facial na mga mukha ng mga social workers kapag lumabas sila at mainitan. Bago matapos ang taon, magpapakita uli sila sa mga tv camera habang nag-iikot kuno, sa gabi, upang ipunin ang mga taong ito at “matulungan”. Pagkalipas na ilang buwan, balik na naman sa square one ang lahat, dahil hindi sila consistent sa kanilang trabaho. Kung sa bagay, may mabigat silang dahilan…mahirap kasi ang maging seryoso sa trabaho!
9.      Hindi maaaring bilisan ang paggawa ng mga evacuation shelters sa Leyte, Samar at kung saan pa mang nasalanta ng bagyo. Kailangang pitik-pitik ang mga project upang may panahon sa pagkuwenta ng maki-kickback mula sa pagbili ng mga materyales na mababa ang kalidad. Ganito rin kabagal dapat ang mga paggawa sa mga relocation shelters ng mga na-relocate na mga pamilya sa Maynila. Kailangan ding walang pasilidad upang mainis ang mga na-relocate na squatters at bumalik uli sa mga gilid ng ilog sa Maynila….masaya na naman ang kumikita sa relocation projects!
10.  Hindi maaaring magsabatas ng anti-dynasty dahil mawawalan ng tsansang umupo sa puwesto ang mga asawa, anak, uncle, auntie, pinsan, pamangkin, pati na driver at katulong upang tuloy ang piyesta ng pangurakot.
11.  Hindi rin maaaring isabatas ang freedom of information dahil ibibisto ng matatapang na mga taga media ang mga kademunyuhan ng mga tao sa gobyerno – opisyal, mambabatas, empleyado at mga kakutsaba nila!

Sa Pilipinas, dahil malabong asahan ng taong bayan ang mga dapat gawin ng mga opisyal at mga mambabatas, upang hindi ma-disappoint, dapat asahan na lang ang hindi ginagawa at magagawa ng mga buragwit at kawatang ito!

Discussion

Leave a response