0

Ang Kawalan ng Simpatiya ni Pnoy sa Pagkamatay ni Laude

Posted on Friday, 24 October 2014



Ang Kawalan ng Simpatiya
Ni Pnoy sa Pagkamatay ni Laude
Ni Apolinario Villalobos

Sa sagot ni Pnoy na hindi siya pumupunta sa burol ng taong hindi niya kilala, nang tanungin siya kung pupunta sa burol ni Jeffrey Laude, ipinakita niya ang kanyang kababawan at kakulangan ng karakter bilang pinuno ng isang bansa. Si Jeffrey Laude ay hindi namatay dahil sa isang ordinaryong sirkumstansiya, kundi sa kamay ng taong bahagi ng isang kilusang sakop ng kinalamang pambansa, ang joint forces exercises, sa pagitan ng bansa at Amerika. Dahil sa nabanggit na kasunduan, nagkusa sana siya sa pakikiramay sa pamamagitan man lamang ng mga salita, at kahit hindi na siya dumalo sa burol. Ang mga inaasahang dapat niyang gawin ay bahagi rin ng makatao niyang obligasyon.

Lumilinaw ang tunay niyang pagkatao na unang napansin dahil sa kawalan niya ng simpatiya sa mga Pilipino na kasalukuyang dumadanas ng matinding kahirapang dulot ng mga nagsiritang presyo ng pagkain, kurudo, kuryente, tubig; pag-alagwa ng krimen; at kahinaan ng kanyang mga gabinete, lalo na ang may kinalaman sa mga trahedya at kapakanan ng mga Pilipino sa kabuuhan – ang Department of Social Welfare, Department of Transportation and Communication, at Department of Energy. Balewala sa kanya ang lahat sa kabila ng mga nagsusumigaw na headlines ng mga diyaryo at pagbatikos sa radyo at telebisyon. Akala niya ang pinapakita niya ay “katapangan” niya bilang isang pinuno na hindi nagpapadala sa mga “sulsol”. Sa mata ng mga Pilipino, ito ay kahinaan sa pagtupad ng obligasyon bilang Presidente.

Alam na ni Pnoy na ang Joint Forces Agreement ay isang mainit at maselang isyu dahil maraming Pilipino ang ayaw nito. Dapat ay may mga nakahanda siyang dapat gawin kung may mga hindi magandang pangyayari kung sakali, na may kinalaman sa kasunduan. Dapat ay naging leksiyon na ang kaso ni Nicole noon na ginahasa ng isang Amerikanong sundalo na bahagi rin ng joint forces execises. Subali’t dahil sa kahinaan ng sistema ng kanyang administrasyon, naulit na naman ang pinangangambahan ng sambayanang Pilipino…at mas masahol pa dahil hindi lang puri ng isang Pilipina ang nasangkot kundi buhay pa.

Ilang Nicole pa ang magagahasa at Jeffrey Laude ang mamamatay, bago mabuksan ang isip at mga mata ni Pnoy upang maunawaan niya na isinubo niya ang kapakanan ng mga Pilipino sa one-sided na kasunduan sa Amerika? Sa anong bansa pa siya makikipagsundo na ang isasalang niya ay kapakanan ng buong bansa?


Discussion

Leave a response