0

Ang Kayabangan ng DOH

Posted on Friday, 10 October 2014



Ang Kayabangan ng DOH
Ni Apolinario Villalobos

Sa pagputok ng mga balita tungkol sa Ebola virus sa ilang bansa ng Africa, umiral na naman ang kayabangan ng Department of Heatlh (DOH). Hindi malaman kung ano ang gustong patunayan ng ahensiyang ito ng Pilipinas, pagdating sa pagtupad ng kanilang papel sa pagpangalaga ng kalusugan ng mga Pilipino. Baka gusto rin ng ahensiyang “isalang” ang mga sobra-sobrang mga narses at doktor na bumabaha sa bansa, mga nakaistambay at nagtitiyaga ng “allowance” na karamihan ay hindi pa umaabot ng sampung libong piso. Kung ang ikalawang nabanggit na dahilan ang gustong pairalin, parang gusto na rin ng ahensiya na magpakamatay ang mga Pilipinong narses at doktor sa Africa. May mga balita nang sa kabila ng halos balot-suman nang ginawa sa mga narses at doktor na nag-atupag sa mga pasyente sa mga bansang nasalanta ng Ebola virus, may mga nahawa pa rin.

Kayabangang maituturing ang pag-iingay ng DOH tungkol sa pagboluntaryo ng mga Pilipinong doktor at narses, dahil hindi nga nila magampanan ang inaasahan sa kanila dito sa ating bayan. Maraming mga barangay health centers na walang mga nars at doktor. Sana yong malaking budget na kinwestyon dahil inilagay ng DOH para sa research ng steam cell ay inilaan na lang sa mga allowances o sahod ng mga narses at doktor na itatalaga sa mga health centers. Kung ang mga barangay na nasa mauunlad na bayan at lunsod ay walang mga narses at doktor, paano na kaya ang mga liblib na barangay?

Dapat maghinay-hinay ang namumuno ng DOH na si Ona, sa pagsambit ng mga kung anong nasa kanyang diwa…na karamihan ay wala namang binatbat. Mas magandang asikasuhin niya ang mga sinasabing nag-eekspayrang mga gamot na nakaimbak lang, hindi maipamahagi dahil wala ngang mga doktor na mamamahala. Asikasuhin din niya ang mga nakatira sa mga iskwater na nakapaligid lang sa kanyang opisina, hindi ang magyabang ng kung anu-anong plano na hindi naman realistiko o makatotohanan. Ibig sabihin, tumigil siya sa pag-iingay upang mapansin ng media at makabawi sa kahihiyang tinamo sa kayang steam cell project na maliwanag na ang tinutumbok na makikinabang ay mga mayayaman!


Discussion

Leave a response