Ang Nakalulungkot na Sitwasyon ng Larangan sa Palaro ng Pilipinas
Posted on Tuesday, 7 October 2014
Ang
Nakalulungkot na Sitwasyon
Ng
Larangan sa Palaro ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Hindi lang nakakalungkot kung hindi ay
napakalungkot ang sitwasyon ng larangan ng palaro sa Pilipinas ngayon. Kung
hindi nagagamit sa pulitika, ninanakawan din ng pondo ng mga tiwaling mga
opisyal na itinalaga para dito. Lumutang ang mga kakayahan ng mga atletang
Pilipino na tulad nina Elma Muros, Lydia de Vega, at marami pang iba noong
panahon ni Marcos. Seryoso ang ginawang pamahala, dahil hindi ginutom ang mga
atleta, binigyan ng karampatang allowances at kung anu-ano pang mga
pangangailangan nila at incentives upang masuklian naman nila ng bigay-todong
performance pagdating sa mga pandaigdigang kumpetisyon. Hindi ko idolo si
Marcos, sinasabi ko lang ang katotohanan na malayung-malayo sa mga nangyari
nang pinatalsik na siya dahil sa kanyang pagka-diktador. Lalong nalubog sa
lusak ng siphayo ang larangan ng palaro sa ilalim ng kasalukuyang
administrasyon. Sinabi pa nga ng tagapagsalita ng Malakanyang na pumili na lang
ang mga Pilipino ng mga larong angkop…saan angkop kaya ang ibig niyang sabihin?
Sa height kaya…dahil ang pinakahuling dagok ay ang sunud-sunod na pagkakulelat ng Gilas Pilipinas sa lahat ng
kumpetinsiyang sinalihan nito.
Nang mawala si Marcos, nagkaroon na rin ng
free-for-all na pang-abuso sa sektor ng palaro. Puro plano ang nangyari, gamit
ang mga atleta, naglaan ng budget na hinayaang manakaw. Yong sinasabing
“quartering” ng mga atleta, walang nangyari dahil ang ipinangakong allowance ay
hindi naman ibinigay ng maayos at ang mga tirahan nila sa Rizal Coliseum ay
hindi maayos, animo “kuwadra” daw nang i-describe ng isang manunulat, wala
silang nutritionist na dapat ay namamahala ng mga pagkain, at mga atleta mismo
ang nagluluto. Mismong mga atleta ang naglabas ng kanilang mga hinaing sa
pamamagitan ng mga interbyu sa radyo. Yong iba, umuwi na lang sa kanilang
probinsiya upang magtrabaho kaysa magutom ang kanilang pamilya na dapat sana ay
nasusustentuhan nila gamit ang ipinangako subalit hindi ibinigay na allowance.
Malaki ang problema ang larangan ng palaro
sa Pilipinas dahil kinakain ng mikrobyo ng korapsyon…hindi na rin ito pinatawad
ng mga taong ang isip ay umaapaw sa kasakiman. Nakakatawang isipin na matayog
ang pangarap ng lahat ng mga iniinterbyung opisyal at mga “concerned parties”
tungkol dito – hanggan doon nga lang…sa ngalngalan nila. Yan ang problema natin
sa ating mga namumuno, may ugaling nagmamadali at may kayabangan pa. Kung
magkukumpara ng ating mga atleta at mga kalakaran ay sa malalaking bansa agad,
tulad ng Amerika, Japan, at Tsina, kaya hindi makatotohanan.
Dapat tingnan muna ang sitwasyon ng mga
malalapit na karatig-bansa sa Timog-silangang Asya. Isang tanong lang naman ang
kailangang sagutin….ano ang sistema ng mga karatig-bansa natin sa
Timog-silangang Asya, at nakakakuha sila ng ginto o silver man lang na mga
medalya? Ang tinutukoy ko ay ang Thailand, Cambodia, Malaysia, Indonesia, at
Myanmar. Hindi na nga natin mapantayan ang mga ito, nag-aambisyon pa tayong
mapahanay sa Tsina, Japan, at Amerika.
Hindi masama ang mangarap, subalit dapat ay
maging makatotohanan tayo sa harap ng mga nangyayari sa ating bansa at uri ng sistemang
umiiral na batbat ng korapsyon. Ang gobyerno sa kabuuhan ay namumutiktik ng mga
kawatang mambabatas at mga opisyal!
Yong mga maiingay na mga mambabatas at mga
opisyal na susuporta daw sa mga atleta, dapat ay maglabas ng pondo upang
magamit man lang na pamasahe at allowance ng mga grupo na walang sinasandalang
permanenteng sponsor. Isang halimbawa dito ay ang Dragon Boat Team na
kamakailan lamang ay nakakopo ng mga medalyang ginto sa sinalihan nilang
kompetisyon. Nagkabitin-bitinan at nagkatarantahan pa dahil wala silang
kapera-pera upang magamit na pamasahe, panghotel at pangkain, ilang araw na lang bago ang takda nilang
pag-alis. Mabuti na lang at may nagmagandang –loob. Nakabalik na sila’t lahat
dala ang mga gintong medalya, ni ha, ni ho, mula sa mga ahensiyang may
kinalaman sa palaro ay walang narinig, lalo na ang Malakanyang.
Sa larong bilyar, kung hindi pinakita ng
dating tambay sa bilyaran na ngayon ay internationally-recognized na, si Bata
Reyes, at iba pang mga manlalaro, malamang hindi rin sila papansinin ng
pamahalaan. Nagsariling sikap ang mga bilyarista hanggang sila ay makilala, at
saka pa lang nang-agaw ng eksena ang mga opisyal ng pamahalaan…namulitika lang,
nakibahagi sa limelight!
Sa chess, ang Pilipinong si So na
kinikilala na sa buong mundo ay nasa Amerika na at sa isang panayam ay
nagpahiwatig na mas gugustuhin pa niyang lumipat sa kalinga ng Amerika dahil
hindi siya inaasikaso ng ahensiya ng Pilipinas na may kinalaman sa larangan ng
chess. Kapansin-pansin noon pa mang nasa bansa si So, kahit namamayagpag na
siya sa larangan ng chess, halos hindi man lang maimbitahan sa Malakanyang,
samantalang yong ibang nasa ibang larangan ay halos labas-masok dito upang
tumanggap ng parangal mula sa Pangulo. Hanggang diyaryo lang ang “balita”
tungkol sa mga panalo ni So, simula pa noong tin-edyer siya. Yong ibang balita
nga ay nakalatag sa kakarampot lang na bahagi ng diyaryo. Ang pamilya ay dating
nanirahan malapit sa amin at madalas kong kakuwentuhan kakuwentuhan ang tatay
ni So na umaming wala silang natanggap na suporta mula sa gobyerno.
Hindi madaling ayusin ang problema ng
Pilipinas sa larangan ng palaro, sa totoo lang. Kung ihahambing sa sakit, kalat
na ang kanser sa kabuuhan nito…kanser na dulot ng korapsyon na hindi na nawala
sa sistema ng gobyerno at kultura ng Pilipino. Nakakalungkot, subalit hindi ito
dapat maging dahilan upang mapanghinaan ng loob ang mga may mga kakayahang
magpakita ng galing upang makapagwagayway ng bandila ng Pilipinas….kahit
pinagkaitan ng suporta ng korap na gobyerno ng Pilipinas!
Discussion