Ang Mga Senaryo ng Pulitika sa Pilipinas
Posted on Monday, 6 October 2014
Ang
Mga Senaryo ng Pulitika Sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
May naglalabas na ng paid advertisement sa
radyo na nagpaparating ng mensaheng dapat na ipagpatuloy ni Pnoy ang kanyang
panunungkulan bilang Presidente. Wala daw kinalaman dito ang Malakanyang sabi
ng mga tagapagsalita. Iyan ang sabi nila…
Nag-uumpisa na ang senaryo para kay Pnoy.
Sa kabila ng kabi-kabilang panawagan upang tuldukan na niya ang mga
espekulasyon, pabali-baligtad ang sinasabi niya…isang araw sasabihin niyang
hindi na siya hihingi ng extension, sa mga susunod na mga araw, uulitin niya
ang pudpod nang monologue na: “pakikinggan ko ang mga boss ko…”
Ang isang survey kamakailan lamang, malinaw
ang mensahe ng mga Pilipino…ayaw na nila kay Pnoy. Ang mga kaparian sa Cebu,
nagpadala rin ng mensahe na bumaba na siya sa puwesto sa 2016, binasura din ito
ng Malakanyang. Kamakailan pa rin, sinabi ni Pnoy na kailangang maipagpatuloy
daw ang mga “reporma” ginawa niya. Anong mga reporma? – yan ang tanong mga
Pilipino.
Dahil ipinagpipilitan talaga ng partido ni
Pnoy na kailangan niyang ipagpapatuloy ang paglilingkod sa bayan, inilutang
naman nila ang posibilidad na tatakbo siya ngunit bilang Bise ni Mar Roxas.
Kung ito ay kakagatin, malamang na ganito na ang mangyayari dahil wala nang
poproblemahin pa sa pagbago ng Saligang Batas. Magtutulungan ang dalawa, hindi
na rin gagalawin pa sa puwesto ang mga dati nang naitalaga na tulad nina Abad
sa DBM at Abaya sa DOTC.
Walang nakikitang lakas sa personalidad ni
Roxas at sabi pa ng karamihan, pati na ang mga taga-media, puro lang daw salita
at paporma, subalit pagdating naman sa kalinisan ng pagkatao, may puntos na
siya. Kung silang dalawa ni Binay ang pagpipilian, malamang madugo ang labanan
dahil malakas pa rin ang hatak ni Binay kahit na hayag na ang mga anomaly sa
Makati noong kapanahuna nito.
Si Allan Peter Cayetano naman, noon pa man,
maingay na sa pagpapahiwatig ng kanyang ambisyon na maging presidente at
idiniin pa ng salitang, “sino ba ang ayaw ng mas mataas na puwesto?”. May bahid
man ng katiwalian, kung ikukumpara sa ibang mga senador, mantsa lang ang
nakulapol sa kanya. At upang masiguro ang kanyang exposure sa mga tao,
nagpapalabas ang kampo niya ng mga ads sa TV subalit ang sinasangkalan ay ang
baluwarteng Taguig. Kinukumpara niya ito sa Makati at tahasang pinapakita ang
kaibahan ng paggastos sa mga proyekto…na para bang sinasabi na ang mga proyekto
sa Taguig ay nagawa pero hindi pinagkitaan, hindi tulad ng mga sa Makati na
malalaki nga subalit pinagkitaan naman. Idiniin ang mensahe ng mga salitang,
“pwede naman pala…”. Problema lang ni Cayetano kung sino ang bibitbiting Bise,
dahil malabo si Trillanes dahil wala naman itong malakas na hatak sa mga tao.
Kung ang magka-tandem na Roxas/Aquino ay
wala nang problema sa ngayon pa lang, dapat si Binay ay kailangan nang
magpalutang din ng posible niyang ka-tandem bilang Bise, na ang inaasahan ng
marami ay si Pacquiao naman. Kung ambisyon ang paiiralin ni Pacquiao, malamang
tatanggapin niya ang alok…without thinking. May dahilan si Pacquiao na kagatin
ang alok ni Binay kung sakali, at ito ay ang hinanakit niya sa administrasyon
na hindi man lang siya tinulungan sa kanyang kaso laban sa BIR na naghahabol sa
kanyang mga kinita. Sa hanay ng mga senador, wala nang makukuha si Binay, kahit
nandiyan ang posibilidad na maaaring mapilitang tumakbo sa pagka-Bise si Grace
Poe. Ang popular na kasabihan ngayon sa Senado at Kongreso ay, parang
nagpahalik daw sila kay Hudas kung dumikit sila kay Binay.
Si Miriam Defesor Santiago naman, sana ay
magbago na ang isip at huwag na lang tumakbo sa kahit anong puwesto, Presidente
man o Bise, dahil sa kanyang kalusugan. Sa mga hearing pa nga lang sa Senado,
halos himatayin na siya dahil sa mga pasaway na mga kasama, lalo na siguro kung
buong Pilipinas na ang hahawakan niya. Marami siyang magagawa bilang consultant
o adviser ng kung sinong uupo na may tiwala sa kanya. Ang galit lang naman sa
kanya ay si Enrile, kaya wala siyang dapat ipangambang mawawala siya sa eksena
ng pulitika.
Discussion