Ang Maging Successful na Corrupt Government Official, Pulitiko, At Kasabwat
Posted on Friday, 3 October 2014
Ang
Maging Successful na Corrupt
Government
Official, Pulitiko, At Kasabwat
Ni Apolinario Villalobos
Mahirap din ang maging corrupt na pulitiko,
government official, o ordinaryong citizen na kasabwat. Hindi basta-basta ang
pumasok sa karumal-dumal at umaalingasaw na animo ay pusaling larangang ito.
May mga investment at may mga isasakripisyo. May mga requirements wika nga,
tulad ng mga sumusunod:
- Dapat ay nananalaytay sa mga ugat mo ang dugong kulay itim na siya ring nagpapaitim ng budhi at naglulusaw ng konsiyensiya. Ibig sabihin, may lahi kang kawatan, mandarambong, sinungaling, makapal ang mukha, at asal-demonyo. Habang lumalaki ka ay nahuhubog ang pagkatao mo sa isang buhay na walang kinikilala kundi ang kapangyarihan ng pera. Sa madaling salita, nabe-belong ka sa isang tiwaling pamilya na kung tawagin sa English ay “political dynasty”.
- Dapat ay wala kang “tunay” na pananalig sa Diyos. Ibig sabihin, kung makita ka sa simbahan o may hawak na rosaryo, ito ay pakitang-tao lamang. Importante ito dahil, makikipagkutsabahan ka rin sa mga tiwaling alagad ng simbahan na babayaran mo upang mag-manage ng ipapatayo mong retreat house.
- Dapat nakapag-aral ka ng Public Administration man lamang, pero mas mabuti kung abogasya na. Importante ito upang makabisado mo ang mga batas ng Pilipinas na maraming butas. Kung abogado ka, kaya mong sumagot sa media na alam mo ang ginagawa mo dahil abogado ka, tulad noong hangal na isang opisyal ng MRT.
- Dapat kulay kayumanggi ang balat mo. Kung maputi ka kasi o mestisuhin at mestisahin, halata kung ikaw ay napapahiya dahil magba-blush ka. Hindi baleng pandak ka at hindi makita kung paligiran ka ng sangkaterbang mga bodyguards, huwag lang magka-stampede at baka mapitpit ka na ng mga rumaragasang paa.
- Kailangan mong magtiyagang magpraktis umaga, tanghali at gabi sa harap ng salamin, na dinuduro at minumura mo ang sarili mo. Lahat ng mga kadupangang* salita dapat isigaw mo sa sarili mong kaharap mo sa salamin, dapat dura-duraan mo pa – upang masanay ka pagdating ng panahong nasa actual na sitwasyon ka na. Ngingiti ka na lang kahit na natutulig ka na sa mga pagmumura ng tao, at ang nasa isip mo na lang ay…”inggit lang kayo dahil wala kayong bilyones na nakurakot”, sabay finger sign in your mind at dagdag ng: “to hell to all of you, suckers!”. Ibig sabihin noon, talagang sagad-buto na ang kayudiputahang** ugali mo.
- Kailangang pumunta ka sa isang reputable university o college man lamang. Tumayming at magbayad ng mga estudyante na magbabato sa yo ng mga nilamukos na papel, sabihan mo silang huwag magkamaling gumamit ng bato, habang sumisigaw ng “corrupt…corrupt”, habang ikaw naman ay parang sira-ulong nakangising-aso. Isang linggong practice nito pwede na, gagastos nga lang sa pambayad ng mga estudyante. Mas maganda sa UP, mga iskolar ng bayan ang mga nandodoon, at baka makalibre ka pa.
- Kailangan mong magpa-semi kalbo na gupit o di kaya ay pakalbo na lang upang kung sa actual na sitwasyon na at may matuwang magbato sa yo ng bulok na kamatis o bugok na itlog at tumama sa ulo mong walang buhok, kunting shampoo lang ang gagamitin mo sa paglinis nito.
- Kailagang mong magpatubo ng bigote, para kunwari ikaw ay kontra-bida sa pelikula, na dapat lang dahil bilang corrupt, kontra-bida talaga ang papel mo tunay na buhay, di ba? Kung di mo type ang magpatubo ng bigote, clean look na lang para kung masukol ka ng mga nanggagalaiti sa galit na mga tao, sisigaw ka lang ng: “please maawa kayo, sister ako!” Marami namang ganyan sa gobyerno, nagpapaka-macho pa nga kaya walang problema…nagtatakipan ng kasalanan. Nagkakahawahan na kasi, hindi lang sa pagiging “gitna” kundi pati na rin sa pangangawat sa kaban ng bayan…mga “birds of the same feather” nga ang tawag!...yan ang sabi ng mga taga-barber shop, beauty parlor, at bilyaran.
- Kailangang buo ang loob sa pagsabi ng “litseng pulitika, nabiktima na naman ako” with matching emotion na pa-humble. Bitsinan ng mga paawang salita na: “galing ako sa hirap at nakatapos ako ng abugasya dahil nagsikap ako”. Pero ang mga ito ay sa isang press conference lang dapat sabihin, hindi pwede sa hearing dahil masusungalngal ka ng mga tanong na hindi mo masagot at kung maliit ka, baka lalo kang manliliit, at kung maitim ka na, baka lalo ka pang matusta sa kagi-grill ng mga kapwa mo kawatan na nagmamalinis!
- Kung ikaw ay nasa poder na, dapat kung ilang patong ng balat sa kawalan ng hiya ang meron ka sa pagsabi na hindi ka aalis sa puwesto dahil gusto mong ipagpatuloy ang mga “pagbabago” kahit para kang hunghang**** sa pagsasabi nito na wala namang katotohanan, dahil wala ka naman talagang nagawa. Tingin lang ng iba ay dapat kumita pa ng milyones ang ibang kaalyado bago mag-goodbye sa puwesto.
- At panghuli, dapat “do or die” ang stance mo. Kung baga sa pelikula, para kang bida na tinadtad na ng bala ay humihinga pa rin, upang mapangatawanan mo ang pagkaitim ng iyong budhi at kawalan ng konsiyensiya. Alalahanin mo ang mga kung ilang dekadang pangangawat mo sa gobyerno, tapos binabantaang mawala? Ano sila sinuswerte? Yong maraming nauna nga, ngayon ay naghahalakhakan dahil barya lang sa nakulimbat nila ang “nabawi”…ang iba hindi pa nabibisto!
Postscipt….Malaki
ang pasalamat ng mga taong tiwali dahil ang nakalaang parusa ng Diyos sa mga
nagkasala sa lupa ay impiyerno. Nagpapasalamat sila dahil HINDI SILA NANINIWALA
SA DIYOS!
Mga ibig sabihin ng mga exotic na salita:
kadupangan* -hi-tech
na kababuyan
kayudiputahan** -hi-tech na kahayupan
kawatan*** -hi-tech
na magnanakaw
hunghang**** -hi-tech na baliw
Discussion