0

Huling Hirit sa Badyet

Posted on Friday, 31 October 2014



Huling Hirit sa Badyet
Ni Apolinario Villalobos

Ayaw kong sabihin ang eksaktong halaga ng badyet para sa taong 2015 na alam na rin naman ng lahat, dahil nakakalula, nakakahilo. Basta ang sabi sa mga balita ay pinakamalaki sa kasaysaysan ng Pilipinas. At, ang may pinakamalaking bahagi ng badyet ay opisina ng Presidente na pinuputakte na ng mga batikos at katanungan dahil sa hindi maipaliwanag nitong Development Acceleration Program (DAP). Higit na malaking eskandalo ang pagkadispalko ng mga badyet na galing sa DAP kung ihahambing sa eskandalo ng pork barrel ng mga mambabatas na kinasangkutan naman ng mg ghost NGOs ni Janet Lim Napoles.

Ang tinatagong intension sa badyet ay nabulatlat nang ilabas ang mga pagwawasto sa mga “errata” nito,  mga pagkakamali. At ang inaasahang mga pagkakamali na dapat sana ay tungkol sa pagbaybay ng mga salita, paglagay ng tuldok o kudlit sa tamang bahagi ng mga talata, na kung sa English mga typographic error, ay inabot ng kung ilang daang pahina! At lumabas na hindi lang mga typographic error ang iwawasto, kundi pati na mga mahahalagang provisions lalo na ang mga halaga ng badyet! Hindi pa man naipapasa sa Senado, ang mga kongresista ay naglalaway na sa inaasahang makakamkam nilang pera ng bayan!

At dahil opisina ng Pangulo ang may pinakamaking bahagi, siguradong papasok na naman ang salitang “discretion” o pansariling niyang desisyon na siyang magbibigay hustisya sa mga gagawin nito upang “magamit” ang pondo sa mga “programa o proyekto” na hindi man lang tinutukoy. Siguradong babanggitin ng mga tagapagsalita niya ang  tungkol sa tiwalang dapat ibigay sa kanya. Nakakalungkot sabihing, ang taong bayan ay wala nang tiwala sa Presidente, lalo na at napapaligiran pa rin siya ng mga taong mula pa man noon ay questionable na ang mga pagkatao. Kaya ang malaking tanong ay: saan o kanino ipagkakatiwala ng Pangulo ang nakakaeskandalong pondo na nakalaaan sa kanyang discretionary fund? Kung sasabihin ng Malakanyang na gagamitin ang pondo sa pagpapatuloy ng mga repormang nagawa niya…ang tanong ay ano ba ang nareporma niya? Nakakahiya ngang sabihin na lalo pang lumala ang mga dati nang malalang mga sitwasyon na ibinibentang niya palagi sa nakaraang administrasyon ni Arroyo! Sa madaling salita, wala na ngang ginawa… lalo pang nagpalala! Hindi tanga at bulag ang taong bayan…

Padating na ang eleksiyon 2016 na bubulaga na lang sa taong bayan dahil sa bilis ng takbo ng panahon. Ang mga interesadong maging Presidente ay nag-iingay na lalo na si Jejomar Binay na lahat ay gagawin upang makalusot, sa harap ng mga kasong gumugutay sa kredibilidad niya. Kailangang maging Presidente ni Binay upang lalo niyang mapalakas ang kanyang kapangyarihan na gagamitin niya sa pagbura ng kanyang mga kaso, pati na ang mga ibinibentang sa mga miyembro ng kanyang pamilya.

Kailangang magkaroon ng mekanismong pinansiyal ang administrasyon upang malabanan ang isang katulad ni Binay. Ang malaking badyet ang tanging pag-asa ng administrasyon na siguradong idya-juggle na naman upang mailabas sa kaban ng bayan nang hindi obvious o halata, at kung batikusin man ay siguradong wala ring kahihinatnan. Nangyari na yan at bistado na ang sistema kaya nga patuloy na binabatikos ang Presidente tungkol diyan. Subalit hindi na siya nadala. Ang pinapakinggan pa rin niya ay ang mga nakapaligid sa kanya.

Ang badyet 2015 ay lalong magbabaon sa Pilipinas sa lampas- taong kumunoy ng pagkakautang. At kung aaprubahan ng Presidente ang nakakawindang na halaga, ito  ang magiging ugat ng pamana niya sa mga Pilipinong nakanganga sa kawalan,  pagbaba niya sa puwesto. Ang nakakalulang halaga ang siyang magiging basehan ng mga susunod na gagawing mga badyet… kung hindi man dapat pantayan ay dapat lalong taasan pa. Dapat isipin na walang ginawang bagong badyet na mas mababa sa sinundan nito. Kaya, pagkatapos ng eleksiyon 2016, asahan na ang matinding inflation…kawawa ang papalit kay Pnoy, lalong kawawa ang mga Pilipino. Inaasahan na ni Pnoy ang mangyayari kapag naipasa ang badyet kaya malakas na ang loob niya sa pagsabing hindi na siya interesadong ipagpatuloy pa ang kanyang panunungkulan. Nakaganti na siya sa mga taong umaalipusta sa kanya!

Ang ipapamanang ugat ng mga utang ay lalago habang umuusad ang panahon,  titibay ang puno at mga sanga, yayabong ang mga dahon, mamumulaklak at magigig hitik ito sa mga bunga – kahirapan, kawalan ng trabaho, krimen, at marami pang iba. Matataranta ang papalit sa kanya sa paghabol sa mga bayarin, na ngingitian lamang niya habang nakatanaw from a distance. Diyan maaalala ang isang Pnoy na minsan nang naging Presidente ng isang kaawa-awang bansa sa isang sulok ng Asya…ang Pilipinas…na lalong naging kaawa-awa ang kalagayan sa kapanahunan niya!

Discussion

Leave a response