0

Nagsalita na Ang Commission on Audit (COA)

Posted on Friday, 3 October 2014



Nagsalita na Ang Commission on Audit (COA)
By Apolinario Villalobos

Sa pagsimula pa lamang ng hearing sa Senado, umaga ng October 2, 2014 tungkol sa anomaly ng Makati City Building 2, nagpahiwatig na agad ang abogado ng mga Binay ng pagtutol sa pagpatuloy nito, subalit hindi pinagbigyan at kaya pala ngmadaling umalis ay dahil pinareserba ang kwartong katabi lang pinagdadausan ng hearing para naman sa gagawing presscon na ini-arrange ni Senador Nancy Binay, para sa nasabing abogado. Gustong sabayan ang hearing upang mahati ang atensiyon na binibigay sa huli.

Malinaw ang intensiyon ng mga Binay na ayaw nilang mabulgar pa ang ibang mga korapsyon ng pamilya dahil nagkawing-kawing na nga, lalo pa at ang tampok sa hearing ng komite ay si Heidi Mendoza, ang bagong hirang na kosmisyoner ng COA, na ang pinasabog ay ang “kahindik-hindik” na overpricing ng mga gamit para sa Ospital ng Makati noong kapanahunan ni Mayor Elenita Binay, ang asawa naman ng Bise Presidente Jejomar Binay. At hindi lang overpricing ang nabulgar, kundi pati na rin ang pagbili ng mga itinigil na sa pagbentang mga equipment dahil nakitaan ng mga depekto, at pagmamadyik ng mga dokumento sa pamimili.

Kung magbabalik-tanaw, matagal na panahon bago naging komisyoner si Mendoza, halatang may humaharang. Ito din yong panahong dinidinig ang kaso ni dating Mayor Elenita Binay na may kinalaman sa overpricing ng mga gamit sa Ospital ng Makati. Noong panahon na yon, hindi na nga nako-confirm si Mendoza ay may nilooban pa ang kanyang bahay hanggang sa may mawala…ang original copy ng mg dokumento na nagdidiin sa dating mayor Elenita Binay sa kaso. Nangyari ang mga pagraransak sa bahay niya nang napilit siyang sabihin sa hearing ang kanyang address na sa umpisa ay pinakaingat-ingatan niya dahil natatakot siya sa kanilang seguridad. Nang malaman kung saan siya nakatira, nangyari ang pinangambahan niya. Nang nawala ang mga original na mga dokumento, saka pa lamang siya na-confirm bilang komisyoner ng COA!

Sa mga hearing ngayon, hindi na dapat pang nagbanta pa ang komite na ipapabusisi ang mga bank accounts ng mga pinaghihinalaang dummies pagkatapos nilang malaman na may mga massive withdrawals daw sa mga account ng mga taong unang nabanggit na pinaghihinalaang mga dummy at sangkot. Sa nangyaring pagbrodkast ng banta, by the time na pumasok ang investigating team upang mag-check ng mga accounts, sarado na ang mga ito – wala nang laman…sisihan na naman.

Tulad ng inaasahan, pilit na pinagtakpan ng mga resource speakers na involved sa construction ng Makati building ang dating mayor na si Jejomar Binay. Napulaan tuloy ang University of Sto. Tomas kung saan nagtapos ang engineer na nagdesign ng building dahil ang sagot ay tulad din ng iba na “wala akong alam”. Sabihin ba naman ng building designer na hindi daw niya alam kung ang ginawa niyang design ang sinunod sa construction ng building. Kapag kasi walang makuhang impormasyon sa kanya, magkakaroon ng gap o patlang ang mga testimonya. Ang nagagawa nga naman ng pera…! Hindi naman puwedeng pagtaasan ng boses ng mga nag-iimbistiga dahil baka hindi na bumalik.

Sa pagsalita ng mga taga-COA, ano na naman kayang kontra-bintang ang bibitiwan ng mga Binay? Sasabihin kaya nila uli na pinupulitika lamang sila?

Panahon na sigurong suriin din ang mga record ng mga foundation na matatagpuan sa Makati City dahil malamang na ginamit silang conduit ng mga pinatalsik na mga pondo. Subali’t ang nakakalungkot, hindi yata ito ginagawa hanggang ngayon. At kung sakali mang gawin “pagdating ng panahon”, dissolved na ang mga foundations at hindi na rin mahahagilap ang mga taong dapat kunan ng statements…sisihan na naman. Ang personal secretary ni Bise Presidente, hanggang ngayon hindi mahagilap, pati ang isang bunyag na bunyag na dummy.

Ang problema sa mga imbestigasyon sa Pilipinas, palaging huli ang mga nararapat na aksiyon. Inuuna ang pagbulgar sa media ng mga gagawin nilang hakbang, na nagbibigay tuloy sa mga taong sangkot upang gumawa ng mga karampatang hakbang at makaiwas sa imbestigasyon. Kaya kadalasan, ang mga taong akusado ay nakakapuslit palabas ng bansa, ang mga nakaw na perang inilagak sa mga accounts na labag sa anti-money laundering law ay nawi-withdraw, at marami pang iba.

Ang kunswelo na lang ng taong bayan sa nagaganap na hearing ay hayagan itong ginagawa kaya nalalaman agad ng mga Pilipino. Yon nga lang, kung isang beses isang linggo ang hearing, at kung aabot hanggang kalagitnaan man lang ng 2015, lamog na lamog na si Jejomay Binay at malabo na ang tsansa niya na maging presidente ng Pilipinas sa 2016. Maliban na lang kung magpapamudmod ng limpak-limpak na salapi na dati na rin namang ginagawa tuwing election campaign saan man sa bansa, pero sa pagkakataong ito, siguradong nakakahilo ang halagang mai-involve!

Bilib ako sa nagaganap na Senate hearing laban sa mga Binay, subalit malinaw din ang pakay ng mga nangunguna sa  pag-akusa na sina senators  Cayetano at si Trillanes dahil sila man ay interesado sa pinakamataas na dalawang puwesto ng Pilipinas – ang Presidente at Bise-Presidente.

Yan ang Philippine politic Olympics na ang nakasangkalan ay mga kawawang Pilipino!

Discussion

Leave a response