0

Maynila...sa mata ng Bagong Salta

Posted on Thursday, 9 October 2014



Maynila…sa mata ng bagong salta
ni Apolinario B Villalobos


Hindi ko na maalala pa
Ang ibang yugto ng aking buhay
Mula’t sapul nang ako ay lumisan
Sa aking sinilangang bayan
Kung saan ang nakagisnang pagdarahop
Ay bahagi na ng buhay
Ng mga taong kakambal ay hirap
Nguni’t hindi nagsisisihang magkakapitbahay.

Musmos na isip at murang katawan
Ang nagpati-anod sa tawag ng pangako
Kumukulo ang tiyan sa kawalan ng laman
Dahil iilang pirasong barya
Hindi magasta-gasta
Sa pag-aalala   na kapag mga ito’y nawala sa bulsa
Sa laot ng buhay na malupit pala
Ay lalo akong magmumukhang kawawa.

Puyat at pagod ay di ko inalintana
Sa pag-aakalang bukas ako’y may pera na
Kaya halos hilahin ko ang araw
Sa kanyang pagbaba doon sa  kanluran
Para mapadali ang pagdatal ng kinabukasan
At mga ilang araw pa nga ang nagdaan
Narating ko ang Maynila
Lunsod ng iba’t- ibang kulay at mukha.

Hindi ko mawari ang unang naramdaman
Nang ako ay unang tumapak sa pantalan
Para pa rin akong namamalikmata
Sa aking mga narinig at nakita-
Walang kapatirang daloy ng tao
Ingay ng nagtatawanan at naglalako
Kaya’t ang dating masaya
Kagya’t na pumalit ay takot
Nabahid sa aking mukha…
Sa sarili, nasabi ko na lang -
“Ah, ito pala ang Maynila”.

(Batay sa kuwento ni Ramon na taga-Calbayog, Samar…namulot ng plastik at lata, pati tirang pagkain sa mga burgeran upang ilutong batsoy, may makain lang ang asawa at anak. Tumira  sa Baseco Compound, Tondo, nguni’t bumalik sa probinsiya pagkalibing ng anak na namatay sa dengue, noong huling linggo ng Setyembre 2014.)



Discussion

Leave a response