0

May Kapalit ang Pagtitiyaga...tungkol ito kay Wilfredo Bautista

Posted on Saturday, 25 October 2014



May Kapalit Ang Pagtitiyaga…
(tungkol ito kay Wilfredo Bautista)
Ni Apolinario Villalobos

May kasabihan tayong “kapag may tiyaga…may nilaga”
Ganyan ang nangyari sa buhay ni Wilfredo Bautista
Sa Kenram, ang pamilya niya ay unang napatira
Na kalaunan ay napadpad sa New Isabela.

Nasa elementarya pa lang ay matikas na ang pangarap
Maging sundalo, tagapagtanggol ng mga mahihirap
Hindi masisisi dahil sa mga nakitang nagaganap -
Mga karahasang nagpapadilim ng hinaharap.

Sa murang gulang, gabay niya ang nagisnang kahirapan
Lakas na sa kanya ay nagtulak upang pagsumikapan
Na matamo, pangarap na maalwang kinabukasan
Pipilitin niyang makamit sa malinis na paraan.

Nang mag-high school ay nabago ang kanyang minimithi
Maging CPA na katumbas ng kanyang pagpupunyagi
Subali’t sa tulad man niyang mahirap, ‘di ito madali-
Abut- abot pa rin ang kanyang pagbabakasakali.

Nangyari nga ang kaniyang kinabahala, ang agam-agam
Kahi’t noong sila ay nakatira pa sa malayong Kenram
Na sa kahirapan, pangarap niyang kay tagal inasam
Malabong makamit, masakit man sa pakiramdam.

Sa isip natanim ay pagpursigi, at Diyos sa kanya ay gagabay
Mayroon pa naman siyang lakas, lusog, at may buhay
Pupuhunaning tiwala sa sarili’y dagdag na kaagapay
Sa pagtahak ng daan tungo sa hangad na tagumpay.

Ang dalawang taon sa kolehiyong inabot ng pagsisikap niya
Ay malaking bagay na, basta sa sarili’y mayroong tiwala
Sa paghanap ng kapalara’y narating niya ang Maynila
Kaya pati mga dasal ay sinamahan na rin ng pag-asa.

Masalimuot ang buhay sa Maynila, nakakagupo ng mahihina
Subali’t wala iyan kay Wilfredo…taga-Tacurong yata siya!
Hindi niya kinalimutang sa bayang pinanggalingan niya
Walang mahinang loob, lahat matatapang, isa na siya!

Naging welder, trabahong pinasok ay lakas-loob ang puhunan
Mabuti na ito, sabi sa sarili, kesa magpalaboy sa lansangan
Tama din ang desisyon dahil sa naipon niyang karanasan
Nagkaroon siya ng tsansang makapagpangibang-bayan.

Siya’y nakarating sa Middle East, pangarap ng mga kababayan
Pagka-welder na kakayahan ang bitbit niya at isinangkalan
Mga amo naman ay napabilib niya sa kanyang kakayahan
Kaya naging supervisor agad ang pwesto, hindi kalaunan!

Ngayon, maayos na buhay ang tinatamasa sa piling ng pamilya
Kalagayan nila’y payak, ‘di maluhong buhay ang tinatamasa
Nguni’t  pagmamahal naman ay umaapaw sa tahanan nila
Kaya sa Panginoon, si Wilfredo’y wala nang mahihiling pa.

(Nagtapos si Wilfredo sa NDT Boys’ at napangasawa niya si
Fely Casama na nagtapos naman sa NDT Girls’. Nabiyayaan
sila ng dalawang supling – isang lalaki at isang babae.)

Discussion

Leave a response