0

Ang Ka-epalan ng Mga Mambabatas

Posted on Tuesday, 28 October 2014



Ang Ka-epalan ng Mga Mambabatas
ni Apolinario Villalobos

Ang ibig sabihin ng “umeepal” ay nagyayabang, nagpapasikat, pumuporma, nagpapa-istaring, at iba pang gawaing may kinalaman sa katakawan ng atensiyon. Ganyan ang ugali ng mga mambabatas ng Pilipinas, naghihintay ng magandang pagkakataon upang maka-epal sa pagpatawag ng mga imbestigasyon na gagamiting batayan daw sa paggawa ng batas. Hindi naman sila bulag upang hindi makita ang mga bagay o mga araw-araw na pangyayari upang magamit ang mga ito bilang batayan sa paggawa ng mga batas. Ang mga hinihintay nila ay ang “pagputok” o “pagsabog” ng eskandalo na humahatak ng atensyon ng taong bayan. Kung walang eskandalo kasi, walang mga report sa diyaryo, TV at radyo, kaya walang “media mileage”.

Tulad na lang halimbawa ng nakaambang pagputok ng bulkang Mayon. Nagkukumahog ang mga epal na mga kongresista sa pagpunta sa Albay upang mangalap ng mga pagbabatayan para sa “imbestigasyon” ng sitwasyon, at pati ang mga Phivolcs na maayos ang trabaho, dinadamay. Noon pa man, alam na ng lahat na wala talagang instrumentong makakabasa ng mga mangyayari na may kinalaman sa pagputok ng bulkan. Sa kabila ng ganitong katotohanan, para sa mga kongresista, hindi maganda ang  pabagu-bagong pahayag ng Phivolcs, kaya dapat silang imbestigahan! Saan napunta ang katinuan ng mga kongresista? Bakit hindi na lang sila maghintay ng mga pahayag na katulad ng ginagawa ng iba pang Pilipino?

Kung ang gusto ng mga mambabatas ay magkaroon ng batas upang hindi na tirahan ang mga lugar na nakapaligid sa aktibong bulkan, maaari naman nilang gawin ito sa “tahimik” na paraan na bahagi ng kanilang responsibilidad, at sa Kongreso na nila pag-usapan, sa halip na mambulabog at manggulo sa Albay. Nagpakodak lang yata sila sa Albay upang may magamit sa press-release nila!

Sa isang banda, ang problema na dulot ng pagsisikip sa piyer dahil sa mga walang lamang container hanggang ngayon ay hindi nareresolba sa kabila ng mga impormasyong galing mismo sa mga negosyante na may kinalaman dito, subali’t hindi kinikibo ng mga mambabatas. Takot ba sila na makalkal ang eskandalo tungkol sa “maperang” kalakaran na bistado ng ultimong mga kargador? Anong batas ang ginawa nila tungkol dito?

Ang Bureau of Customs, alam na din ng buong bayan na lumulutang sa korapsyon…hanggang ngayon ay hindi pa rin nalilinis. Mismong ang bagong komisyoner ang umamin na talagag batbat ng korapsyo ang kagawaran, subali’t ang mga taong alam namang sangkot sa mga anomalya, ay hindi tinatanggal. Ang mga batas para sa kagawaran ay animo mga band-air lamang na tinatapal tuwing may anomalya…wala pang ngipin kaya sa katagalan ay binabalewala. Sa kainitan ng mga smuggling nagkaroon ng imbestigasyon, pero hanggang doon na lang. Hanggang ngayon ang mga batas na magpapabago sa imahe ng nasabing ahensiya ay pinapangarap pa lamang.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na butas-butas ang imahe dahil sa sunud-sunod na anomalya, ay pinamumunuan pa rin ni Dinky Soliman na noon pa man ay hiniling nang tanggalin dahil wala namang binatbat sa pamumuno, subali’t hanggang ngayon ay nakakapit pa rin sa pwesto na parang tuko. Walang batas na ginawa na dapat ay batayan sa maayos na pangangalaga ng mga donasyon, at puro imbestigasyong wala namang kinahihinatnan ang ginagawa.

Ilan lamang ang mga nabanggit na kaepalan ng mga mambabatas. Ang mga kaepalan nila ay kabilang sa mga sakit na unti-unting nagpapaagnas sa bansa. Kaya dahil dito, walang katapusan ang pagdurusa ng taong bayan….

Discussion

Leave a response