0

Genaro "Amy" Pacana...nakalimutang boksingero ng Pilipinas

Posted on Thursday, 3 November 2016

GENARO “AMY” PACAA
…nakalimutang boksingero ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos


Sa simula ay medyo ilag ako kay Amy dahil kahit hindi matalim ang tingin ay hindi naman kumikibo maliban na lang kung makipag-usap sa talagang mga kaibigan niya sa kanto ng F. Torres at Recto sa Sta. Cruz district ng Maynila. Bodyguard siya ng isang negosyante na namimili ng ginto at mga alahas sa bahaging ito ng Sta. Cruz. Ang kabilang kalye papuntang Divisoria ay ang tanyag na “Arranque”, naging sikat noon na bagsakan ng mga nakaw na kalakal, at puntahan ng mga mahilig sa antique na relo at alahas. Hanggang ngayon ito ay sikat pa rin dahil sa mga natirang puwesto na nagbebena ng ginto, pilak, at mga alahas, subali’t may mangilan-ngilan pa ring nagbebenta ng mga antique na galing sa mga nagsarang puwesto sa Mabini (Ermita).

Kahit bodyguard ang naitalagang trabaho sa kanya ay makikita rin si Amy na nagwawalis sa harap ng puwesto ng kanyang boss. Sa harap ng puwesto ay ang kanyang tirahan – isang kuwarto sa ikalawang palapag ng lumang building na nakaharap sa Recto.

Kahit hindi ko pa siya nakilala at nakausap ay may hinala na akong nakikipaglaban siya sa ibabaw ng kuwadradong lona dahil sa mga palatandaan – makapal na kilay, malalaking braso at kamao, malapad na kaha o dibdib, matibay na ilong at tingin na tumitiim kahit hindi galit. At may hinala din akong siya ay Bisaya dahil narinig ko ang punto niya nang makipag-usap sa isang kaibigan kong Bisaya pero ang gamit nila ay Tagalog.

Mabait naman pala si Amy dahil nang batiin ko siya isang araw nang mamasyal uli ako sa lugar na yon ay ngumiti at sumagot. Inunahan ko siyang kausapin sa Bisayang Cebuana kaya napilitan siyang sumagot sa ganoong dialect. Totoo lahat ng hinala ko tungkol sa kanya…dati nga siyang boksingero. Hindi ko siya binigla tungkol sa balak kong pagsulat ng kanyang buhay upang hindi maasiwa. Mula noon ay tinawag ko na siyang “Dodong” sa halip na “Amy” na fighter’s name lang palay niya, at hindi ko na inungkat kung bakit napakalayo sa tunay niyang pangalang “Genaro”. At na-swak ko ang pagtawag sa kanya na “Dodong” dahil ito pala ang tunay niyang palayaw.

Tubong Pagadian City siya, pito silang magkakapatid at pang-lima siya mula sa panganay.
Labing-apat  na taong gulang siya nang dalhin siya sa Manila ni Noe Camino, isang kababayang boksingero. Pinagsanay siya sa dating L&M Gym sa Paquita St., Sampaloc, na binili ni Manny Pacquiao, inayos at pinangalanan na ngayong MP Tower.  Makalipas ang dalawang taon ay isinabak na siya sa boksing. Unang laban niya noong 1980 para sa kategoryang may bigat na 122 libra, o featherweight. Maraming bansa ang narating niya tulad ng Japan at Amerika dahil sa boksing. Subalit noong 1989 ay tumigil siya at nagtrabaho bilang guwardiya ng isang ahensiya, at nagkaroon din siya ng pagkakataong maging driver ni Congressman Atong Asilo ng Manila. Nagsimula siyang maging bodyguard ng kanyang boss sa kasalukuyan, noong 2010.

Nang tanungin ko siya tungkol sa sarili niyang pamilya, may binanggit siyang isang babaeng nabuntis sa Hawaii kung saan nagkaroon din siya ng laban. Subalit hanggang sa naipanganak daw ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan ay wala na siyang balita sa mag-ina.

Nag-iisa sa buhay ngayon si Dodong. Kung araw ng Linggo, makikita siyang nakaupo sa labas ng pinto ng kanyang tirahan. Dahil mabait, napaunlakan niya ang pakiusap kong mag-pose siya para sa mga larawang kailangan ko sa isinulat kong ito.

Maraming tulad ni Dodong na nakalimutan ng mga kababayan pagkatapos magbigay ng karangalan sa bansa. Ang iba ay nagkaroon ng bisyo tulad ng isang dating kampeong nasa General Santos City (Mindanao) ngayon, at ayon sa mga kuwento ay nagsisiga-sigaan sa palengke upang makapanghingi ng pera. Ang iba ay naging inutil na nagsimula sa pagkaduling ng mga mata hanggang maging pilay na humantong pa sa pagkalumpo. Ang iba nama’y naratay na lamang sa kama dahil sa matinding pagka-kalog ng utak kaya naghihintay na lamang ng kamatayan sa kinahihigahan.


Sa larangan ng boksing, isa ako sa mga nagtatanong kung may isa pang Pacquiao na lulutang – matalino, pursigidong matuto, at higit sa lahat ay mapagmahal sa pamilya at magulang, at lalong higit, ay may takot sa Diyos…isang boksingero na masasabing nagtagumpay. 


Discussion

Leave a response