Owen Reyno. Andrada...taga-PAL na walang pahinga
Posted on Wednesday, 16 November 2016
Owen Reyno S. Andrada
… taga-PAL na walang pahinga
Ni Apolinario Villalobos
Natapos ni Owen ang kursong Marin
Engineering sa Philippine Merchant Marine Colleges (Manila) sa tulong ng
trabaho bilang isa sa mga janitor ng Stella Janitorial Services at ang assignment
niya ay ang Manila Domestic Station. Hindi lang paglilinis ng mga opisina at
kung minsan ay pagmi-messenger bilang pakisama ang kayang ginawa, dahil
tinanggap din niya ang dagdag-trabaho na “timekeeper” ng janitorial agency para
sa shift niya. Tiyempong nakatapos na siya sa kanyang pag-aaral nang mapasama
siya sa mga na-absorb ng Philippine Airlines noong 1989, panahon ni Joe Medrano
bilang Director ng Manila Station-Domestic. Ang pag-absorb ay ibinatay sa
magandang performance at ugaling mapagkatiwalaan. Dahil sa nangyari, dinoble pa
ni Owen ang sipag, kaya binigyan din siya ng pagkakataong ma-expose sa ibang
uri ng trabaho sa airport tulad ng clerical at pagmaneho ng mga ground
equipment na ginagamit ng PAL sa operation. Ang hindi alam sa opisina ay
nakakapag-sideline pa si Owen bilang “on call” driver upang magmaneho ng van
kung may ihahatid o susunduin sa airport, kung day-off niya.
Noong 1991 ay ipinadala si Owen sa Cauayan
Station, sa Isabela, at kahit hindi nabago ang kanyang position title na
Station Loader ay hindi siya nagreklamo. Lalong nadagdagan pa ang kanyang
trabaho nang mapasabak siya sa provincial station operation dahil pati Counter
Handling ay ginawa rin niya. Noong 1994 ay inilipat siya sa Tuguegarao Station
at nang sumunod na taon ay ibinalik siya sa Manila Domestic Station, at nang
sumunod pang taon ay itinalaga siya sa Area Office bilang office clerk hanggang
1996, subalit hindi siya nagtagal dahil ipinadala naman siya sa Laog. Sa Laoag
ay na-promote si Owen noong 1998 bilang Ticket/Freight Clerk.
Dahil sa sobrang sipag at madiskarte, liban
pa sa palakaibigan, naging malapit siya sa may-ari ng dormitoryong tinirhan
niya habang siya ay nasa Laoag. Kinausap siya ng may-ari ng dormitoryo at
pinakiusapang siya ang “mag-manage” nito at ang kapalit ay 50% discount sa
inuupahan niyang kuwarto. Hindi naman ito nakaapekta sa kanyang trabaho sa PAL
dahil para lang siyang “tatay” na nagbabantay ng mga “anak” kung nasa bahay na
siya. Ikinuwento niyang istrikto siya sa naging patakaran niya sa mga boarder
dahil pinairal niya ang “segregation” ng mga basura, na siyang pinapatupad ng
gobyerno ngayon…pero lumalabas naisip na niya maraming taon na ang nakalipas.
Noong nasa Laoag siya, taong 1998 ay
nagkaroon ng strike ang mga Piloto kaya tumigil sa operation ang Philippine
Airlines na nakaapekto sa mga ground personnel.
Noong taong 2000 ay nagbukas uli ang
Philippine Airlines at na-rehire si Owen. Itinalaga siya bilang Office Clerk sa
opisina ng Country Manager-Philippines na nasa ilalim ni Jing Javier.
Balik-Laoag na naman siya noong 2006 at dahil sa training niya sa pagmaneho ng
mga sasakyang pang-airport operation ay nabigyan siya ng pagkakataong magmaneho
ng tug/tow car at iba pa, na nadagdag sa dati na niyang ginagawa tulad ng
pag-check in ng mga pasahero at pagtanggap ng mga cargo, pati pa-issue ng
tiket.
Taong 2015, dahil sa ipinakita niyang gilas
ay inilipat siya sa Terminal 2 PAL Ticket Office bilang Sales and Services
Agent. Hanggang ngayon ay nasa nasabing puwesto at opisina pa rin siya, subalit
dahil sa kasipagan ay nagagawa pa rin niyang isingit ang pagbisita sa kanyang
palayan sa Cauayan na naipundar niya noong una siyang ma-assign sa Laoag. Dahil
sa ginagawa niyang pag-asikaso sa kanyang palayan ay nasunog ang kanyang balat
pero hindi naman niya alintana, lalo pa at nagmukha lang siyang tunay na
taga-norte.
Mahigit 40 na taong gulang pa lang si Owen
subalit nakapagpundar na ng mga palayan, at lahat ng pagsisikap niya ay kanyang
napagtagumpayan dahil sa suporta ng asawang si Nancy. Dalawa ang anak nila,
sina Sheila Marie, 24 taong gulang at IT graduate; at si Hanna Camille na
nag-aaral pa sa kolehiyo.
Magandang leksiyon si Owen sa mga nagtatrabaho
ngayon na hirap magtagumpay dahil sa halip na mag-ipon at magsikap sa trabaho
ay bisyo ang inaatupag tulad ng chain smoking at pag-inom ng alak tuwing walang
pasok, at idagdag pa diyan ang mga luho sa katawan dahil inaasahan ang 15/30 na
suweldo. Kung maraming Owen sa Pilipinas, na animo ay ay “curacha” kung kumilos
dahil walang sinasayang na oras, wala sanang problema o maski papaano ay
nababawasan ang problema sa unemployment.
Discussion