Nang Sumaya at Mapaluha si "Mamang dahil sa Electric Organ na Second Hand
Posted on Saturday, 19 November 2016
NANG SUMAYA AT MAPALUHA SI “MAMANG”
DAHIL SA ELECTRIC ORGAN NA SECOND HAND
Ni Apolinario Villalobos
Nai-blog ko na noon si “Mamang” na ang
tunay na pangalan ay Erlando Almaez Ayuste. Tulad ng sinabi ko noon sa blog,
nag-iisa sa buhay si Mamang at ang pinagkikitaan ay ang paggawa ng mga alahas
na beads at pagtinda ng kape sa bangketa ng F. Torres St., sa Sta. Cruz
district ng Manila. Nakakalibre siya ng tirahan dahil siya ang pinangasiwa ng
may-ari ng tinitirhan niyang lumang commercial/residential building. Kasama sa
responsibilidad niya ay ang paglinis dito. Sa labas lang ng pinto ng building
nagpupuwesto si Mamang gamit ang isang lumang maliit na mesang pinapatungan
niya ng mga tasa para sa tinitindang kape at mga materyales sa paggawa ng bead
jewelries. Ang dinidispleyhan ng ilan lamang sa mga nagawa niyang alahas ay ang
poste kung saan nakasabit ang mga ito, pero kung may gustong tumingin ng iba pa
ay saka niya nilalabas upang mapagpilian. Mura ang benta niya ng mga alahas at
madalas ding wala siyang benta kaya ang inaasahan niya ay ang kape.
Natutong tumepa ng teklado ng piyano si
Mamang sa pamamagitan ng pagmasid sa piyanista ng simbahan ng Sta. Cruz church.
May organ siya noon subalit nasira ng baha, kaya mula noon ay hanggang pangarap
na lang ang kanyang ginagawa tuwing makita niya ang mga musical scores na
naipon niya. Tuwing mag-usap kami ay palagi niyang nababanggit ang masasayang
araw niya noong may organ pa siya.
Noong November 11, nang pasyalan ko siya ay
masaya niyang ibinalitang magbi-bertdey siya at aabot na siya sa gulang na 80
taon, subalit naging matamlay uli nang banggitin niya ang organ. At, dahil sa
desperasyon ay nasabi niya na gusto niyang sumulat kay presidente Duterte upang
humingi ng tulong sa pagkaroon ng organ. Muntik na akong mabilaukan ng kape sa
sinabi niya, pero dahil nakita kong seryoso talaga siya ay nangako akong ako na
ang gagawa ng sulat niya at sisiguraduhin kong makabagbag-damdamin. Talagang
bilib siya sa pagka-mahirap ni presidente Duterte kaya may pagka-inosente na pati
ang pangarap niyang organ ay gusto niyang ilapit dito. Hanggang sa umuwi ako ay
hindi nawala sa isip ko ang sinabi ni Mamang dahil awang-awa ako sa kanya, lalo
pa at simple lang ang pinapangarap upang sumaya siya kahit nag-iisa sa buhay at
hindi na rin siya tatagal sa mundo.
Nang banggitin ko isang umaga, sa isang
kaibigan ang tungkol kay Mamang sabay tanong kung may kakilala siyang
nagbebenta ng pinagsawaang organ ay nabanggit niya ang ginagamit niyang may
kaunting diperensiya – biyak sa isang kanto at isang teklado sa bandang “itaas”
o isa sa higher notes na hindi
tumutunog. Sa sobrang tuwa ko ay sinabi kong pwede na, kahit hindi pa niya
sinasabi kung ibebenta niya ito at kung magkano. Lalo akong natuwa nang pumayag
siya kahit wala pa kaming napag-usapang presyo. Isinama ako ng kaibigan ko sa
loob ng bahay at tinesting ang organ na buo nga.
Nang hapong yon ay binalikan ko si Mamang
at pinangakuang ihahatid ko ang organ
kinabukasan, Sabado ng madaling araw, bandang alas singko. Naisip ko yon upang
makaiwas sa trapik mula sa Cavite, at ang pinakamahirap ay ang paghagilap ng
malaking taksi na dapat ay ang modelong “Avanza” dahil hindi ko na tinanggal
ang pagkakabit ng mga bahagi o ini-dismantle.
Kinabukasan, alas dos pa lang ng madaling
araw ay gumising na ako upang maghanda, pero tiyempo namang umulan subalit
naging ambon na lamang bandang alas kuwatro, kaya nakapag-abang ako ng taksi sa
highway at dahil madalang, ay inabot ako ng lampas alas kuwatro bago nakakuha.
Sa madaling salita ay nakarating ako kay Mamang pasado alas singko na. Kahit
umaambon ay napansin kong nagpapakulo siya ng tubig sa lutuan niyang
ginagamitan ng gaas (kerosene) sa bangketa para sa ibebentang kape. Alas
kuwatro pa lang pala ng madaling araw ay inabangan na niya ako, kaya mabuti na
lang at natuloy ang paghatid ko ng organ.
Maluha-luha pero tuwang-tuwa si Mamang
habang hinihimas ang organ. Ayaw ko sanang gawin dahil sa pangakong hindi ko
kukunan ng retrato ang mga nababahaginan ng biyaya, subalit naalala kong
nabigyan ko pala siya ng printed copy ng unang blog ko sa kanya at nandoon ang
tunay kong pangalan, kaya itinuloy ko na lang ang pagkodak sa kanyang nakatayo
sa likod ng organ dahil nang madaling araw na yon ay naka-shorts lang siya.
Masaya kaming nagkuwentuhan tungkol sa mga unang tutugtugin niyang piyesa. Next
na project ko sa kanya ay ang paghagilap ng mga piyesa upang maipandagdag sa
collection niya.
Ang nakakatuwa kay Mamang ay hindi niya
alintana ang pagiging otsenta anyos na niya dahil hanggang ngayon ay nagsisilbi
pa rin siya sa simbahan bilang miyembro ng Sta. Cruz Church Choir.
(Huwag sanang isipin ng mga nakakabasa nito
na mayaman ako dahil nagagawan naman ng paraan kung paanong ang biyayang tulad
ng pinangarap ni Mamang ay matatamo….maraming paraan.)
Discussion