Inupuan ng mga Presidente ang mga Isyu Laban kay Marcos
Posted on Saturday, 19 November 2016
INUPUAN NG MGA PRESIDENTE
ANG MGA ISYU LABAN KAY MARCOS
Ni Apolinario Villalobos
Nang palitan ni Cory Aquino si Ferdinand
Marcos bilang presidente, ang nahirang na mamuno sa Philippine Commission on
Good Government (PCGG) ay si Jovito R. Salonga. Pero sa librong isinulat niya
na, “Presidential Plunder (The Quest for Marcos Ill-gotten Wealth)”, nakasaad
doon
ang orihinal na pakay ng PCGG na para sa pangkalahatang
pagbago tungo sa kabutihan ng pamahalaan. Nang aminin ni Salonga na hindi niya
kaya ang responsibilidad, niliitan ang masasakop ng PCGG sa pagbawi na lamang
ng nakaw na yaman. Sa kabila ng desisyong iyan ay hindi pinalitan ang pangalan
ng komisyon na dapat sana ay limitado na ang tinutukoy sa ill-gotten wealth.
Ito ay isang indikasyon na sa panahong yon ay walang direksyon ang
administrasyon ni Cory Aquino, lalo pa at nakasaad din sa libro na bandang huli
ay nahirapan na si Salonga na makipag-usap sa kanya dahil napaligiran na ito ng
mga malalapit na kaibigan at kamag-anak na unti-unting nagsulputan. Ang iba ay
dating maka-Marcos na nagpalit lang ng kulay na animo ay mga hunyango. Resulta:
hanggang sa bumaba si Cory ay walang nangyari sa magaganda sanang plano ni
Salonga.
Noong panahon pa rin ni Cory ay halos wala
ring nangyari sa mga reklamo laban sa mga opisyal at taga-military na
nagmalupit sa mga estudyante at iba pang mga anti-Marcos na mga Pilipino…na ang
iba ay hindi malaman kung patay na o buhay pa dahil basta na lang naglaho. Ang
mga grupong sumuporta kay Aquino sa pagpatalsik kay Marcos ay animo “natulog”
dahil walang narinig mula sa kanila, kahit hanggang sa panahong bumalik sa
Pilipinas ang pamilya Marcos, hanggang pati ang bangkay ng dating diktador ay
naiuwi sa Ilocos. Unti-unting bumalik sa pulitika ang mga Marcos – lahat sila,
maliban kay Irene na walang hilig sa pulitika. Sa kabila niyan ay walang
ginawang pag-iingay ang mga grupong anti-Marcos dahil ang pinagtutuunan nila ng
pansin ay ang walang kamatayang anti-US rallies.
Nang pumalit ang iba pang presidente ay
matamlay ang aksyon tungkol sa mga isyu na may kinalaman sa Martial Law lalo na
ang pagbawi ng ill-gotten wealth. Nang maging presidente si Pnoy Aquino, lalong
walang nangyari. Ang mga rally ng mga anti-Marcos kahit walang kadahi-dahilan
ay ginagawa pa rin ng mga maka-kaliwa sa harap ng US embassy, sa halip na
magsampa ng mga kaso laban sa mga Marcos. Nang pumutok ang balitang natatalo na
ang Pilipinas sa isyu ng ill-gotten wealth….wala pa rin silang ginawa. Nang
magalit si Imelda Marcos dahil nakita niyang suot ng isang asawa ng isang
government official ang mga alahas niya na dapat sana ay nasa pangangalaga ng
Central Bank…wala ring ginawa ang mga leftist groups na ito. Nang magsalita si
Imelda Marcos tungkol sa ill-gotten wealth na nagkamali daw ang gobyerno dahil
hindi siya kinakausap upang mapag-usapan ang isyu….wala ring ginawa ang mga
anti-Marcos.
Subalit sa isyung paglibing ng isang
sundalo na naging presidente sa isang sementeryo na nagkaroon lang ng katagang
“bayani” ay umalma ang mga grupong makabayan kuno. Napakalinaw naman ang mga
dahilang naging sundalo at presidente si Marcos kaya may karapatan itong
malibing sa sementeryong tinutukoy, subalit ayaw nilang tanggapin, dahil gusto
na naman yata nilang magpa-istaring dahil sa tagal ng panahon ay hindi sila
narinig. Kung ayaw nilang idugtong sa pangalan ni Marcos ang katagang “bayani”,
pwede naman itong gawin kapag binabanggit ang pangalan niya sa mga libro
tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas at mga textbooks na ginagamit sa mga
eskwela. Bahala na ang National Historical Commission, Department of Education,
Culture and Sports, at Commission on Higher Education dito na ibabatay sa batas
na kailangan lang ipasa, kaya hindi na dapat pang mambulabog ang mga maka-kaliwa.
ANG TANONG KO ULI…BAKIT HINDI HINARANG NG
MGA MAKABAYAN KUNONG MGA GRUPO PATI NA ANG MGA MADRE AT MGA PARI, ANG PAGBALIK
NG MGA MARCOS, LALO NA ANG BANGKAY NG DATING PRESIDENTE, SA PILIPINAS? BAKIT
HINDI NILA TANGGAPIN ANG KAPABAYAANG YAN NA NAGING DAHILAN NG ANIMO AY
“PAGAPANG” NA PAGBALIK NG PAMILYA AT BANGKAY NG PADRE DE FAMILIA NILA SA
PILIPINAS?
TAMA SI DUTERTE SA PAGSABING KUNG MAY
PROBLEMA ANG MGA GRUPONG ITO LABAN SA MGA MARCOS AY DAPAT SILANG MAGHAIN NG MGA
KASO SA KORTE…SA HALIP NA MANGGULO SA KALYE NA LALONG NAGPAPALALA SA TRAPIK.
GAMITIN NILA DAPAT ANG
PINANGANGALANDAKAN NILANG “DUE PROCESS”.
MAGKAKAROON BA NG TRABAHO ANG MGA
PILIPINONG MATAGAL NANG NAKATAMBAY KUNG HINDI ILILIBING SI MARCOS SA SEMENTERYONG
TINUTUKOY? BABABA BA SA 20PESOS ANG HALAGA NG BIGAS KUNG SA LAOAG ILILIBING SI
MARCOS? MAWAWALA BA ANG PROBLEMA SA DROGA KUNG IPAPAKALKAL ANG NGAYO’Y NAKABAON
NANG BANGKAY NI MARCOS?
Discussion