Ang Pagkagulat ay Bahagi ng ng Buhay ng mga Pilipino
Posted on Tuesday, 8 November 2016
ANG PAGKAGULAT AY BAHAGI
NA NG BUHAY NG MGA PILIPINO
Ni Apolinario Villalobos
Mahilig sa bulagaan o gulatan (surprise)
ang mga Pilipino, o di kaya ay masasabing ang bulagaan ay bahagi na ng ating
buhay. Ang mga sanggol na umiiyak ay ginugulat upang tumigil ito sa pagngangawa,
subalit ang epekto naman ay lumalaki itong nerbiyoso. Dahil sa sobrang
pakisama, pagdating ng panahon, nabibigla na lang tayo na ang pinakitaan ng
mabuting pakikisama ay traidor pala o ahas, pero hindi pa rin tayo natututo.
Maraming nag-akala na dahil may mga nahuhuling manggagantso o swindler ay tapos
na ang problemang ito, pero nagugulat na lang tayo kapag may lumutang na
panibagong “modus operandi”.
Bago dumating ang mga Kastila ay matiwasay
ang buhay ng ating mga ninunong nakikipagkalakalan pa sa ibang lahi na
dumadayo. Nang unang dumating ang mga Kastila, hindi man lang nila naisip na
may intensiyon palang manakop ang mga ito dahil ang inilagay sa harap ng mga
sundalo ay mga prayle (friars) na ang hawak ay krus, kaya nagkagulatan na lang
nang dumagsa na ang mga Kastila at nangamkam na ng mga lupain. Ganoon din ang
nangyari sa pagdating ng mga Amerikano na ang pinangbalatkayo sa intensiyong
sipsipin ang likas na yaman ng bansa, ay ang edukasyon kaya may mga
“Thomasites” na dumating – mga unang Amerikanong titser na sinundan bandang
huli ng mga Peace Corp Volunteers. Nabulaga na lang ang mga Pilipino na ang
Saligang Batas ay nasalaula o nabastos dahil sa pagpilit ng mga Amerikanong
isingit ang “Parity Rights” na nagbibigay sa kanila ng pantay na karapatan sa
mga Pilipino sa larangan ng paggamit ng likas na yaman at negosyo.
Nang mapatalsik si Marcos, umupo si Cory, isang
babae at nanay, kaya inasahang “magpapalambot” ng mga patakarang ginawa ni
Marcos, pero hindi binigyang pansin ang pagbalik din ng mga amuyong na mga
dating kaalyado ng diktador pero nagpalit lang ng kulay dahil sa pagkatao
nilang mala-hunyango (type of lizard that can change color based on the
surrounding). Nagkabiglaan na lang dahil ang mga inaasahang pagbabago ay hindi natupad,
lalo na ang pagbawi ng “ninakaw na yaman” ng bayan….naging obvious din ang
pagdami ng mga korap dahil ang mga kalakarang ito ay lumala pa. Dahil hindi
nila masikmura ang mga nangyayari, maraming mga tauhan ni Cory ang nag-resign,
tanda ng pagkawala ng “Cory magic”…na ikinagulat din ng marami.
Nang ibenta ang mga kampo ng sundalo upang
magkaroon ng pondo na magagamit sa “modernization” ng sandatahang Pilipinas, ay
marami ang natuwa. Subalit makaraan ang ilang administrasyon ay nabistong ang
mga armas ng mga sundalo ay antigo pa rin, ang mga biniling helicopter ay
second hand pati ang mga barko, at ang nakakalungkot, halos hindi regular na
nabibigyan ng supply ang mga sundalong nakikipagbakbakan sa mga rebelde at Abu
Sayyaf sa kabundukan….ang mga boots nila ay nakanganga, walang matinong
backpack at kapote, at ang pagkaing rasyon ay tinitipid pa! Saan napunta ang
perang pinagbentahan ng kampo na ang isa ngayon ay ang maunlad na business
district, ang Global City, at ang
nakatiwangwang na reclaimed area sa Paranaque ay naging isa sa maunlad at
malawak na business district sa buong Asya, ang “ASEANA City”?
Nang tumakbo si Noynoy Aquino, malugod
siyang ibinoto dahil “mukhang mabait”, isang tanda ng busilak na kalooban,
subalit nagulat ang mga Pilipino dahil ang nakitang kabaitan sa kanyang pagkatao
ay may ibang kahulugan pala. Sa panahon niya lalong dumami ang mga korap. Subalit
dahil nag-akala ang partido niyang malakas pa ang hatak ng alaala ng kanyang
mga yumaong magulang ay nagpakampanti sila.
Nang maghanap ng ipapalit kay Pnoy Aquino,
ang gusto na ng mga Pilipino ay isang taong matapang, may sariling
paninindigan, matigas, hindi malamya at malambot. Nakita nila si Duterte na
maski walang pondo para sa kampanya ay nanalo – record breaker pa ang dami ng
boto. Ang mga nagpakampanting Liberal Party ay nagulat sa dami ng nagpalit ng
kulay na dating kaalyado nila, kaya ang mga dating kulay “dilaw”, ay naging
kulay “pera” eheste, “pula” na!
Nang umupo si Duterte, nagkagulatan dahil
ang mga Pilipinong edukado kuno at “proper” ay nakarinig ng matataginting at
malulutong na pagmumura. Ang iba ay nagsisi kung bakit nila ito ibinoto, ang
iba ay nagsabing, “sige na lang”, na tipikal na ugali ng isang Pilipino. Lalo
silang nagulat dahil ang kamay na bakal na ginamit niya sa Davao ay ginagamit ngayon
sa buong bansa kaya nalusaw ang akala ng mga walang bilib sa kanya na hindi
nito kakayanin ang lawak o kabuuhan ng bansa.
Nagulat din ang bansa dahil sa
pagkakaladkad kay de Lima sa isyu ng droga, na ang pagka-upo sa senado ay
nakakagulat din. Ang hinala kasi ay nagkaroon ng dayaan upang maipuwesto si de
Lima at magamit ng mga “dilaw” bilang salag (shield) o taga-harang ng mga
gagawin ng bagong administrasyon laban sa mga opisyal ng nakaraan, na sangkot
sa mga kaso, lalo na si Pnoy Aquino. Lalong nagkagulatan nang mabunyag na ang
lawak ng saklaw ng droga ay umabot na sa mga liblib na barangay at ang
itinuturong dahilan ay kapabayaan pa rin ni de Lima, at lalong nakakagulat ang
sinasabing koneksiyon niya sa mga drug lords.
Ngayon, nadagdagan ang pagkagulat ng bansa
dahil sa desisyon ng Korte Suprema na pwedeng ilibing si Marcos sa sinasabing
“Libingan ng mga Bayani”…isyu na dapat ay hindi nangyari kung noon pa man ay
hindi na pinabalik ang pamilya sa Pilipinas. Ang nakakagulat ay hindi man lang
ito naisip ng mga laban sa kanya noon pa, na ang pwedeng gawin ay baguhin lang
ang batas na sumasaklaw sa pagpapalibing ng mga labi ng kung sino sa
sementeryong ito.
Batay sa mga ilang nailahad ko, sa palagay
ko ay walang dapat mangyaring sisihan dahil sa mga nangyayari sa atin….na kung tutuusin ay tayo
rin ang may kasalanan. Dapat tanggapin ang pagkatalo kung may pinaglalaban man
upang magkaroon ng pagkakaisa at makausad na. At, ang importante, itigil na ang
mga rally at demonstrasyon kahit pro-Duterte pa dahil lalo lang nakakasagabal
sa trapik na mala-impiyerno na!
Discussion