0

Panapanahon ang Pagkakataon

Posted on Friday, 25 November 2016

PANAPANAHON ANG PAGKAKATAON
Ni Apolinario Villalobos

Nang maging presidente si Joseph Estrada, ang taong itinalaga niya sa PAGCOR na dating artistang komedyanteng mataba, ay may kabayangan na nagsabing,  “panahon namin ngayon”, dinugtungan pa ng, “weather weather lang yan”. Nakakainis mang pakinggan ay dapat tanggapin ang katotohanang yan. Hindi lahat ng panahon ay para sa isang tao kaya kung magkaroon siya ng magandang pagkakataon pagdating ng tamang panahon, dapat ay sunggaban na niya pero dapat ay maganda ang layunin niya.  Ang problema lang ay ang mga taong sadyang baluktot ang isip kaya umiiral palagi ang kasamaan sa kanilang ginagawa kapag nagkaroon sila ng magandang pagkakataon.

Sa isang bansa na mahina o korap ang namumuno kaya napapaikutan ng mga tauhang tiwali,  o di kaya ay ginagaya naman ng ibang opisyal, siguradong animo ay pista ang mangyayaring kurakutan, tulad ng nangyari sa Pilipinas sa ilalim ng mga nakalipas na administrasyon. Ang iiral na katanungan kasi ay, “sila lang ba?” Kaya ang mga ayaw patalo ay nakikikurakot na rin.

Subalit dahil ang mundo ay bilog at umiinog, dumarating ang panahon na ang nasa itaas ay napupunta sa ibaba. Walang bagay na permanente sa ibabaw ng mundo dahil lahat ay sumasailalim sa pagbabago: ang sanggol ay tumatanda; ang sariwa ay nalalanta; ang makinis na balat ay kumukulubot; ang liwanag ay nagiging dilim; ang mayamang dating gahaman sa salapi  ay nagsasawa sa pera kapag malapit nang mamatay; ang dating drug user lang ay nagiging pusher at kung susuwertihin ay nagiging drug lord at upang mapagtakpan ang mga katiwalian ay nagdo-donate ng malaki sa mga simbahan, nagpapatayo ng mga foundation para sa mga scholars; ang masarap na pagkain ay napapanis…ilan lang ang mga iyan na dumadaan sa iba’t ibang panahong may kaakibat na pagkakataong maging maganda, sariwa, etc.

Nakakabilib ang mga taong mahaba ang pisi ng pagtitiyaga at pagpapasensiya sa paghintay ng tamang panahon para sa pagkakataong papanig sa kanila. Ang isang halimbawa ay ang pamilya Marcos na kung ilang administrasyon ang pinalampas at tahimik lamang sa kanilang minimithing pagpapalibing sa padre de pamilya  nilang si Ferdinand na dating diktador sa Libingan ng mga “Bayani”. Nang dumating ang panahon ni presidente Duterte na kapanalig nila, saka sila lumapit dito at nagbakasakaling mabigyan ng pagkakataong hinihingi nila at hindi naman sila nabigo.

Sa huli, masasabi na namang ang pagkakaroon ng magandang pagkakataon ay, “weather weather lang”. Ang mga naghihimutok na kumukontra ay dapat na maging maunawain sa takbo ng buhay, na hindi lahat ng pagkakataon ay panig sa kanila. Hintayin nila ang panahon nila.

SAMANTALA, ANG DAPAT PAGTUUNAN NG PANSIN NGAYON AY ANG KASALUKUYAN DAHIL ITO ANG MAGDADALA SA ATIN SA KINABUKASAN. HINDI TAYO DAPAT NA MAGPAHILA SA NAKARAAN, PERO KUNG MAGANDA AY GAMITING INSPIRASYON, AT KUNG PANGIT AY KALIMUTAN NA LANG.


Discussion

Leave a response