0

Sa Desisyon ng Korte Suprema tungkol sa Libing ni Marcos...sino ang May Sala?

Posted on Tuesday, 8 November 2016

SA DESISYON NG KORTE SUPREMA
TUNGKOL SA LIBING NI MARCOS…SINO ANG MAY SALA?
Ni Apolinario Villalobos

Marami man ang nadismaya, marami din ang natuwa lalo na ang pamilya ng dating diktador na si Ferdinand Marcos sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapabor sa pagpapalibing sa kanya sa “Libingan ng mga Bayani”. Subalit kung pag-isipan ng malalim, hindi nagkaroon ng isyu sa pagpapalibing kay Marcos, kung noon pa mang ang nakaupong presidente ay si Cory Aquino at karamihan ng mga mambabatas ay laban kay Marcos. Sana ay  binago na ang batas na sumasaklaw sa sementeryong ito upang masiguro na ang mga labi ni Marcos ay hindi malilibing dito…subalit hindi nila ginawa. Hindi pa man nakakabalik sa Pilipinas ang pamilya Marcos, matunog na ang “wish” ni Marcos na mailibing sa sementeryong nabanggit. Ang nakakatawa pa ay hindi naman pala ang sementeryong nabanggit ang nakalaan para sa mga “bayani”, kundi para lang sana sa mga sundalong itinuturing na mga “bayani” dahil ang mga kampo nila ay hindi kalayuan dito, kaya talagang qualified si Marcos na ilibing dito dahil dati siyang sundalo. Ang isa pang kuwento tungkol sa “Libingan ng mga Bayani” ay dito raw nakalibing ang paboritong aso ni Cory Aquino….kaya kung totoo nga,  anong “sanctity” ang sinasabi nila tungkol sa sementeryong ito? Sa isang banda, ang inalaan daw ni President Elpidio Quirino noon na  “Libingan ng mga Bayani” ay nasa Quezon City! Kung ang batas ay pwede namang baguhin, dapat ay palitan ang pangalan ng sementeryo upang masabing hindi ito libingan ng mga bayani, kaya nandoon man si Marcos ay okey lang. Ano kaya’t palitan ng “Liwasan ng Katahimikan” (Park of Peace)?

Ang isa pang ginawa sana noon pa man ay hinarangan na ang pag-uwi ng mga Marcos. Ito ang ginagawa ng mga mamamayan ng mga bansang pinanggalingan ng mga pinatalsik na lider lalo na ang mga diktador tulad ni Napoleon Bonaparte. Ang dating Shah ng Iran ay hindi makabalik sa Iran….at marami pang iba. Subalit dahil sa kultura (na naman) ng Pilipino na made-describe na  sobrang sentimental, mapagpatawad, malambot, makatao, at iba pang katangiang kabaligtaran ng karahasan – nakabalik ang mga Marcos. Unti-unti, maliban kay Irene, lahat sila – Imelda, Imee, at Bongbong ay naipuwesto pa sa pulitika. Okey lang sina Imelda at Imee dahil limitado ang boto sa probinsiya nila, pero si Bongbong ay naging senador, isang nasyonal na puwesto, pagpapahiwatag na tanggap na naman ang mga Marcos….sino ngayon ang may sala? Pwede kayang sabihing ang mga batas ng Pilipinas na maraming butas, dahil kahit nga ang mga nasa kulungan na ay pwedeng tumakbo sa pulitika?

Ngayon ay nasa kalye na naman ang mga makabayan kunong grupo, nag-iingay at nang-aabala sa trapik dahil sa isyung ito, pero maraming mga kabataan ngayong hindi alam kung ano ang nangyari dahil ipinanganak sila 20 taon o mahigit pa makalipas ang Martial Law. Hindi man lang itinuro sa mga eskwela ang kasaysayan nito kaya kung makabasa o makarinig ng balita tungkol sa pagpapalibing kay Marcos, nagtatanong sila ng, “ano yun?”. Masasabing nagpabaya ang mga nakatalaga sa Department of Education at iba pang ahensiya tulad ng National Historical Institute, lalo na ang mga mambabatas upang magkaroon ng batas tungkol sa pagtuturo nito sa mga bata. Sa halip na magpalabas ng mga librong updated tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas, ang pinagkakaabalahan ng mga ganid na may kinalaman sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas ay mga pinagkikitaang  “workbooks” na dating “textbooks”…na hanggang ngayon pa rin ay kinukuwestiyon dahil sa taun-taon na lang pa mga pagkakamali ng pag-imprenta. Hindi pinakinggan ang matagal nang pakiusap na ibalik ang mag libro sa dating pormang “textbook” na mga walang sagot sa mga katanungan sa huling bagahi ng bawat  chapter upang magamit pa ng iba.

Dapat tumigil na sa kanangalngal ang mga makabayan kuno dahil nagsisimula lang sila ng magigigng hidwaan na naman ng mga Pilipino. Kung mamimilosopo ako, pwede kong sabihin na dahil sa gusto nilang mangyari na hindi dapat kalimutan ang nakaraan, dapat galit tayo hanggang ngayon sa mga Kastila, Amerikano, at Hapon dahil inalipin nila tayo. Malamang nagtataas ng kilay ang mga mamamayan ng mga bansang nagpatalsik ng mga lider nilang mapang-api dahil sa isyung ito sa Manila, hindi buong Pilipinas…..at nagtatanong ng isang piraso lang – “bakit nila pinabalik ang pamilya, lalo na ang bangkay”?

Sa isang banda, dapat ang pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ay ang paggawa ng batas tungkol sa pagkaroon ng crematorium sa isang sentrong bayan o siyudad ng bawat probinsiya. Ang problema lang dito, baka magkaroon na naman ng raket sa sistema, dahil kung ang pagpapagawa nga ng mga bahay ng sinalanta ng bagyong Yolanda ay pinagpiyestahan ng mga samut-saring raket at buhay pa ang makikinabang, ang patay pa kaya na susunugin na lang?



Discussion

Leave a response