Mga Pangyayaring Muntik nang maging Kamalasan at Kamatayan Ko
Posted on Wednesday, 23 November 2016
MGA PANGYAYARING MUNTIK NANG
MAGING KAMALASAN AT KAMATAYAN KO
Ni Apolinario Villalobs
1.
Noong hindi pa ako nag-aaral sa
elementary, habang natutulog ako sa ilalim ng mesang kainan ay natumbahan ako
ng bangko at swak pa sa gitna ng noo ko kaya ngayon ay may maliit na parang
hiwa o “canal” dito. Naalimpungatan lang ako at maski bukol ay wala kahit yari
sa solid na tabla ang bangko na mahaba. Hindi rin ako nakaramdam ng pagkahilo o
sakit.
2.
Dahil sa pagiging malikot ay
ilang beses akong nahulog mula sa mataas na puno at nawalan ng hininga at malay
pero ilang sandali lang ay nagigising din. Mahilig din kasi akong maglambitin
sa sanga na ang naka-angkla lang ay nakatiklop kong mga tuhod.
3.
Noong nasa elementaray na ako
(grade 2) ay mahilig din akong maligo sa irrigation canal na para na ring ilog
dahil malaki ito at malakas ang agos at isang beses ay muntik na akong malunod
dahil hindi pa ako marunong lumangoy noon. Parang may nagtulak sa akin papunta
sa mga kumpol ng talahib na nahawakan ko kaya hindi ako natangay ng malakas na
agos.
4.
Noong nasa Grade Six ako at
pinupuntahan ko ang nanay namin sa isang baryo kung saan siya nagbukas ng
maliit na tindahan pagkamatay ng tatay namin, ay nakikisakay ako sa mga “pick-up”
na sasakyan. Isang beses, nang gusto ko nang bumaba ay hindi narinig ng driver
ang sigaw ko kaya tumalon na lang ako…todong lagapak ang inabot ko una ang
tagiliran kaya nawalan na naman ako ng hininga at hindi ko matandaan kung paano
akong nasaulian nito.
5.
Noong second year high school
ako ay sa Davao ako nag-aral. Nakitira ako sa pamilya ng kapatid ko sa Ipil,
Lanang, na nasa tabing dagat. Kahit “floating” lang ang alam ko at langoy-aso
ay naglakas-loob akong sumama sa mga nangingisda tuwing madaling-araw.
Nataranta ako nang minsang pumailalim ako sa isang malapad na balsang yari sa
kawayan at hindi ko alam kung paanong lumangoy palabas hanggang mawalan ako ng
malay. Hindi ko alam kung paano akong napadpad sa tabi ilang metro ang layo
mula sa balsa.
6.
Noong mag-apply ako sa PAL sa
branch nito sa General Santos, nakapasa nga ako pero iniwala naman nila ang mga
papeles ko kaya nang magkaroon ng senior panel interview sa Davao ay wala akong
naipakita dahil akala ko ay ipo-forward nila ang na-submit ko kaya hindi ako
nagdala ng duplicate. Ganoon pa man ay nakalista ang pangalan ko sa talaan ng
mga iinterbyuhin kaya tinawagan pa ang General Santos para ma-verify. Natuloy
din ang senior panel interview kaya hindi nasayang ang pamasahe ko.
7.
Nang mag-apply ako sa Tours and
Promotions Office ng PAL upang makalipat mula sa Tablas ay na-misplace din ng
Administrative Officer ng Regional Office, na si Mr. Salvador Caburian ang mga
papeles ko. Malaking pasasalamat ko sa
manager ng Tours and Promotions na si Mr. Victor Bernardino nang interbyuhin pa
rin niya ako at pinagawa na lang uli ng bagong resume kahit pasado alas singko
na.
8.
Noong tumira ako sa isang
boarding house sa Baclaran, sa sobrang galit ko sa isang mayabang na co-boarder
na mahilig umuwi ng madaling araw kaya naiistorbo kami ng pangangalampag niya
sa gate, ay muntik ko na itong saksakin, pero di ko alam na may dala rin pala
siyang patalim. Mabuti na lang at natalisod siya sa kadena ng asong bumalagbag
sa daraanan niya nang susugurin na niya ako. Muntik na niyang masaksak ang
sarili niya. Sa sala siya pinatulog ng landlady namin ng gabing yon at kinabukasan
ay pinaalis agad siya.
9.
Nang umakyat kami (kasama ko ang PAL Mountaineering Club) sa
Mt. Hibok-Hibok sa Camiguin Island kahit Biyernes Santo ay gumulong ako pababa
nang ilang metro habang nagkanda-untog ang ulo ko sa mga bato. Nakigaya kasi
ako sa ibang kasama kong nagpadausdos sa makapal na magkahalong buhangin at abo
mula sa tuktok ng bulkan.
10. Noong pasyalan ko ang isang kaibigan sa Baseco Compound, Tondo,
inabot ako ng gabi dahil nag-inuman kami sa barung-barong niya. Sarado ang
bintana na nasa likuran ko. May narinig akong parang humaging at nakaramdam din
ng parang hangin sa bandang kaliwa ng tenga ko. Nang sundan ko ang direksyon ng
naramdaman ko ay nakarinig ako ng tunog ng parang bagay na itinusok. Nilapitan
ng kaibigan ko ang nakatusok sa dingding na nasa harap ko….palaso (arrow) pala
ng ”Indian pana” na lumusot sa bintanang sarado….isang kaso ng “stray arrow”.
11. Nang tumira ako sa Cavite at nagda-drive pa ng kotse (Beetle) ay may
inihatid akong inaanak sa inuuwian niyang subdivision. Nang pauwi na ako ay
nataranta ako nang makita ko ang isang trak na sumasalubong sa akin kaya wala
sa isip kong tinapakan ang selenyador ng gasolina sa halip na preno, at biglang
kinabig ang manibela sa kanan kaya tumama ang kotse sa mataas na rampa habang
mabilis ang takbo. Nagdilim ang paningin ko, at nahimasmasan ako nang marinig
ko ang katok sa salamin ng bintana, ng isang nagmalasakit na nakasaksi.
Nakaharap na ang kotse sa malawak na palayang may tubig pero ang binagsakan ng
kotse ay nakapagtatakang makapal na bunton (pile) ng uhay ng palay kaya hindi
nalubog sa tubig. Tanggal and diver’s watch ko at mga sapatos, pero ang hindi
ko maintindihan ay wala akong kahit maliit na gasgas, yon nga lang ay mahigpit pa
rin ang pagkahawak ko sa manibela. Ayon sa mga nakakita ay ilang beses daw
umikot ang kotse sa ere pero himalang bumagsak nang maayos, at akala nila ay
patay na ako.
12. Noong nag-drive pa rin ako ng kotseng tinukoy ko sa #11 mula sa
opisina namin sa S&L Building (PAL), hindi ko namalayang naputol pala ang
tubo ng brake fluid habang binabayabay ko ang Roxas Boulevard hanggang sa tapat
ng Aristocrat Restaurant. Nang pumula ang ilaw ng stop light, saka pa lang ako
nilapitan ng humahabol na lalaki upang sabihang may tumutulo mula sa kotse.
Pagbaba ko ay nakita ko ang napakahabang “linya” na basa….break fluid pala.
Kung hindi nag-red light sa tapat ng Aristocrat Restaurant ay siguradong
nadisgrasya ako dahil sa kawalan ng preno.
13. Noong namamasyal ako sa bagong bukas pa lang na resettlement area sa
Dasmariἧas, Cavite ay may nakilala akong “runner” ng mga nagbebenta ng
marijuana, pero gusto nang magbago kaya panay ang payo ko sa kanya lalo pa at
may isa siyang maliit na anak. Tuwing nasa “Area 1” ako ay palagi siyang nasa
tabi ko at inihahatid din niya ako sa sakayan ng mga jeep. Pumupunta ako doon
dahil sa mga project na pantulong sa mga naging kaibigan ko galing sa Tondo.
Noong bumalik ako nang ilang beses ay hindi ko na siya nakita, subalit biglang
lumutang sa bahay na pinuntahan ko dahil pista….nagtago pala dahil hinahanting
daw ng mga pulis. Nang ihahatid na niya
ako sa sakayan ay hinarang kami ng tatlong lalaking mga pulis pala at kinilala
ang kaibigan ko sa pamamagitan ng retratong dala nila, pero todo pa rin ang
tanggi niya. Mabuti na lang at namukhaan ako ng isa sa mga pulis kaya’t hindi
ako isinama. Ang pulis na nakakilala sa akin ay pinsan pala ng kumpare kong
madalas kong tulungan. Nang makaalis na sila sakay ng kotse ay bumalik ako sa
pinanggalingan kong bahay, subalit hindi pa ako nakakarating ay nakarinig na
ako ng mga putok. Ayon sa mga taong nagpasalamat dahil hindi ako isinama ay
“salvage” daw ang nangyari….at muntik na akong madamay.
Hindi ko lang
alam ngayon kung may susunod pang kahalintulad na pangyayari….kung buhay pa
ako, iba-blog ko.
Discussion