0

Ang Pagsasamantala sa Kapwa

Posted on Friday, 4 November 2016

ANG PAGSASAMANTALA SA KAPW
Ni Apolinario Villalobos

Switik o manloloko o swindler ang ibig sabihin ng mapagsamantala, at maraming Pilipinong ganitong uri ng trabaho ang pinagkikitaan…napakarami. Naging biktima rin ako hindi lang iisang beses kundi napakarami pa.

Noong bagong salta ako sa Maynila, habang naglalakad ako sa Avenida, may lumapit sa aking lalaki na may dalang nakarolyong diyaryo, lumapit sa akin sabay bulong na “Playboy Magazine” ang dala niya pero bawal kaya niya binalot na mabuti ng diyaryo at tape. Dahil beynte pesos lang, binili ko na at halos itaboy niya ako sa pagpaalis dahil baka daw may pulis na makakita ng transaksiyon namin. Ang balak ko ay ibenta ang magasin sa co-boarder ko na mahilig sa malalaswang magasin sa tripling halaga. Pagdating ko sa boarding house, dali-dali kong pinunit ang balot na diyaryo habang excited na nakatanghod ang bibiling co-boarder ko, subalit laking hiya ko nang ang lumantad ay lumang kopya ng “Liwayway”!

Sa Avenida pa rin, nang mamasyal uli ako, may lumapit na lalaking nagbulong na may apat na Family Size Colgate toothpaste daw siyang binebenta. Dahil mura rin, binili ko lahat dahil ang balak ko ay ibenta rin sa boarding house ang tatlo at ang isa lang ang gagamitin ko. Pagkatapos kong  maghapunan, binuksan ko ang isa upang gamitin. Nadismaya ako dahil sa sobrang tigas ng tube at walang lumalabas kundi katas lang…tumigas na sa sobrang pagka-expire!

Nang minsang dumaan ako sa Quiapo kung saan ay nagkasunog, may nakita akong nakalatag na mga pabango, puro branded. Ang sabi ng tindero, “agaw” daw sa sunog at itinuro ang puwestong halos naabo sa likod niya. Tiyempo namang pagkatapos kong bayaran ang tinder para sa napili kong “Paco Rabanne” ay may dumating na pulis kaya nagtakbuhan ang mga sidewalk vendor. Pagdating ko sa boarding house, binuksan ko ang bote at inamoy…okey naman. Tinesting ko at okey pa rin, subalit makaraan ang wala pang ten minutes ay nawala na ang bango…tubig lang pala na kinulayan at hinaluan ng ilang patak ng tunay na pabango! Nalaman ko rin nang bumalik ako sa Quiapo na ang nasunog na puwesto ay hindi pala nagtitinda ng mga pabango kundi mga tela…prop lang pala ang sunog na puwesto para mabenta ang mga pekeng pabango!

Kung pag-uusapan ang tungkol sa iba pang uri ng pananamantala ng mga Pilipino ay palaging nababanggit ang mga illegal recruiter para sa mga trabaho sa ibang bansa. Mayroon ding recruiter ng mga inosenteng gustong yumaman agad kaya naging “mule” o tagadala ng mga illegal na droga sa ibang bansa. Sumabog din noon ang tungkol sa tanim-bala sa airport at ang mga biktima ay mga matatanda at OFW, raket na pinagkitaan ng mga nagtatrabaho sa airport. May nagpapanggap ding mga sinapian kuno ng ispiritu ni Hesus, Santo Nio, o Birheng Maria, o ispiritu ng kamag-anak na namatay ng kung ilang taon na. Ang iba pa ay sinasapian din daw ng duwende o engkanto upang maituro ang kinaroroonan ng nakabaong kayamanan, subalit ang “maki-sosyo” sa paghukay ay dapat maglagak ng “deposito” na perang magsisilbing sakripisyo, hindi pwede ang dugo ng itim na manok.

Hanggang ngayon ay naglilipana pa rin ang mga pekeng gamot sa balat…mga pamputi raw pero Clorox pala ang halo sa alcohol. Ang isa pang panloloko na ginagamitan ng gamot ay kalat sa wet market o talipapa kung saan ay binibenta ang mga isda at gulay na ibinabad sa “formalin” o gamot para sa pag-embalsamo ng bangkay. Ang ginayat na panggulay na langka at puso ng saging ay binababad sa kemikal upang hindi mangitim, subalit kapag iniluto na ay hindi naman lumalambot at nalalasahan pa ang pait. Ang talong at kamatis na ibinabad sa nasabing kemikal ay sariwang tingnan ang balat subalit sa katagalan kahit ganoon pa rin ang hitsura, bulok na pala ang laman. Ang mga isda naman, kahit dalawang araw nang naka-istak sa yelo, dahil nailublob sa kemikal, sariwa pa rin ang hitsura ng kaliskis subalit ang mga mata ay halos bulok na. Ang ibang gumagawa ng tamban na tuyo ay gumagamit din ng formalin upang magmukhang sariwa at makintab ang kaliskis ng isdang ibinilad sa araw, subalit kapag ipinireto na ay nadudurog ang laman.

Sa kaso ng bigas, ang mga tusong wholesaler ay nakikipagsabwatan sa mga taga-NFA upang makabili ng murang bigas at hinahaluan nila ng “segunda” na uring imported pero kapag ibenta na ng tingi o retail ay presyong first class na. May mga sabong panligo at panlaba rin na pinepeke. Hindi pa rin nakaligtas ang “Magic Sarap” popular na sangkap sa panluto na binibenta sa palengke. Dahil peke, kahit ilang sachet ang ihalo sa niluluto ay wala pa ring epekto sa lasa.

Hindi rin nakaligtas ang mga simbahan dahil ginagamit sila ng mga pekeng pastor at pari. Tuwing Araw ng Patay, naglipana ang mga pekeng pari na lumilibot sa mga sementeryo na humihingi ng bayad upang magbasbas ng mga puntod. Nakatiyempo ako ng pekeng pari noong minsang pasyalan ko ang kaibigan ko sa Bulacan ilang taon na ang lumipas at isinama niya ako sa puntod ng mga magulang niya. Pinabasbasan niya ang mga puntod sa lumapit na “pari” at ang “donasyon” na ibinigay niya ay 300pesos. Makalipas ang ilang linggo, ang “pari” ay nakita ko sa Caloocan – barker pala ng mga jeep, pero dahil ang porma ay kagalang-galang at hindi naman madungis, nakalusot bilang “pari”.

Bilang payo, huwag madismaya kung maging biktima ng panloloko at sa halip ay ituring na lang ang nadanasan bilang leksiyon at babala upang makapag-ingat pa ng todo. Hindi ligtas ang sinumang tao sa mga panloloko, dahil mismong Bibliya ay nagbabala tungkol sa pagdating ng mga pekeng propita at Kristo…na maaaring nangyayari na ngayon.



Discussion

Leave a response