0

May Galit din ako kay Marcos pero Hindi Hangal para Maki-ingay sa mga Laban sa Libing Niya

Posted on Sunday, 20 November 2016

MAY GALIT DIN AKO KAY MARCOS PERO HINDI HANGAL
PARA MAKI-INGAY SA MGA LABAN SA LIBING NIYA
Ni Apolinario Villalobos


Muntik na akong mapahamak dahil sa lintek na Martial Law….

Nang ideklara ang Martial Law ay nasa fourth year college na ako. Tahimik ang bayan namin subalit biglang may dumating na mga “MISG” at tumira sa bahay ng Guillermo family na malapit sa eskwelahan namin. Isang araw makalipas ideklara ang Martial Law ay pinatawag ng namayapang mayor Jose Escribano ang lahat ng mga estudyanteng nasa kolehiyo sa plaza upang mapaliwanagan niya tungkol sa ginawa ni Marcos. Ang mga estudyante ay hindi kuntento sa mga paliwanag. Nang magtanong si Escribano kung sino ang gustong magsalita, mistulang itinulak ako ng mga classmate at ilang teacher ko sa stage kaya napilitan akong harapin ang mayor.

Habang nagsasalita ako laban sa Martial Law ay narinig ko ang sinabi ng close-in bodyguard ni Escribano sa kanya na, “ti ano mayor, ako na bahala sa iya?” (so, mayor, will you let me do something to him?)…na ang tinutukoy ay ako. Subalit narinig ko rin ang sagot ni Escribano na, “indi, kay kilala ko ang pamilya sina” (no, because I know his family) Vice-mayor kasi ang tiyuhin ko at ang bahay namin ay nasa tapat lang ng plaza kung saan ay may pinagawang “resort” si Escribano at doon na siya nag-opisina. Ganoon pa man, ilang sandali lang ay may mga putok nang sunud-sunod na nagmula sa di-kalayuang highway. Nag-black out ako, pero naramdaman kong parang may humila sa akin mula sa stage at nang nagkaroon ako ng hinahon ay nakita kong nagtatakbuhan ang mga estudyante. Nawala ang kapares ng sapatos na hiniram ko lang sa kuya ko. At ang lalong masakit, ay ako pa ang sinisi ng ilang teachers ko kaya daw nagkagulo at nag-alala silang baka biglang isara ang eskwelahan namin. Sa inis ko, ang dalawa sa kanila ay hinarap ko at sinumbatan din dahil kung hindi dahil sa kanila ay hindi ako napaakyat sa stage. Mula noon kasi, ay palagi nang may nakikitang “MISG” sa gate ng eskwelahan namin at halatang sinusundan ako sa gabi hanggang makauwi ako sa bahay pagkatapos kong ihatid ang isang kaibigan.

Tatlong araw makalipas ang pangyayari sa plaza, may lumapit sa aking kaibigan at nagsabi na may isang “Carmen Plana (Planas ?)” daw na “stranded” sa kumbento ng mga madre. Hindi ko siya kilala at bandang huli ko na lang nalaman na anti-Marcos pala siya. Bago ideklara ang Martial Law ay nag-iikot na pala siya sa General Santos, Koronadal at ang huli sana ay ang bayan namin subalit inabot siya ng pagdeklara nito. Humihingi daw ito ng tulong para “malusutan” ang checkpoint papuntang General Santos at kailangan pa ng sasakyan. May napakiusapan naman akong may-ari ng sasakyan na iminaneho ng kaibigan ko. Ang commander ng 12 Infantry Battalion (12IB) na nakatalaga sa amin ay kilala ko at namumukhaan din ako ng karamihan sa mga sundalo. Ginawan ko kasi sila ng isang kanta na ang title ay, “Ballad of the 12IB” dahil sa pakikisama ko sa kanila.  Nang panahon yon ay working student ako at nagtatrabaho sa DSW. Ang mga sundalo ng 12IB ang escort namin tuwing maghahatid kami ng relief goods sa mga lugar na may mga enkwentro sa pagitan ng “Ilaga” at “Black Shirts”.

Hindi na kami ininspeksyun nang dumaan sa checkpoint kaya hindi nila nakita kung sino ang mga nasa loob ng sasakyan. Nang dumating kami sa General Santos ay idineretso namin si Carmen sa isang address na sinabi niya. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa kanya pagkatapos namin siyang ihatid sa General Santos.

Nang makatapos ako ng kolehiyo ay napasok ako sa PAL at na-assign sa Tablas station (Romblon) pero hindi naman tumagal doon at na-assign sa Tours and Promotions Office sa Manila. Kainitan noon ng mga protestang madugo laban kay Marcos. Ang hindi alam sa opisina at mga kasama ko sa boarding house sa Baclaran ay sumasama ako sa mga martsa mula US embassy hanggang Mendiola, kung day off ko. Ang nasasamahan kong mga grupo ay panggabi dahil iba naman ang grupong pang-umaga. Magulo ang martsa dahil lahat ng mga poste ng ilaw na madaanan ay niyuyugyog at ang mga plant boxes sa tabi ng mga bangketa ay hinahataw kaya ang mga maninipis ay talagang durog. Sinasabayan ang martsa ng mga sigaw. Nakagawa pa ako ng dalawang “Makabayan songs” na kinakanta ng maliit na grupong dinikitan ko. Subalit nang malaman kong ang nagpapagalaw pala sa mga nagra-rally ay mga komunista, kumalas na ako…hindi na sumama. Lalo pa akong nadismaya nang malaman ko na ang union ng ground employees ng PAL, ang Philippine Airlines Employees Association (PALEA) ay na-infiltrate na rin daw kaya nahahatak sa mga rally na ino-organize ng mga “pulahan”….bandang huli ay nahati ang union kaya nagkaroon ng gulo sa pamamalakad.

Ayaw ko sanang ilabas ang impormasyong ito,  pero gusto ko lang ipabatid na hindi ako ignorante sa mga pangyayaring may kinalaman sa Martial Law, at mabuti na lang dahil ako ay  nahimasmasan agad…kung hindi ay baka na-erase na ako sa magulong mundong ito! Ang mga nagra-rally laban sa pagpapalibing LANG sa isang bangkay, alam kaya ang ginagawa nila?.. o gusto lang nilang makita sa TV at diyaryo ang mga mukha nila!

Ngayon, hindi ako hangal upang harangan ang pagpapalibing sa isang patay na nang kung ilang napakaraming taon...PARA ANO PA?

Ang pinakahangal na balak ay ang paghain ng isang kongresista ng panukala niya sa korte upang makalkal ang pinaglibingan ni Marcos at mailabas ang bangkay niya sa sementeryong nakakainis nang banggitin ang pangalan dahil nasalaula nang paglibingan din ng isang aso! Kahit sa isip lang, ang balak na paghukay ng libing ng patay, ang sa palagay ko ay PINAKA-NAKAKARIMARIM at SUKDULAN sa PAGKAMALA-DEMONYO...DAHIL MALINAW NA HINDI MAKA-KRISTIYANO! WALA PA AKONG NALAMANG BANGKAY NA HINUKAY SA LIBINGAN DAHIL LANG SA PUTANG INANG PRINSIPYO NA DISINTUNADO!



Discussion

Leave a response