0

Ang King David Basketball Clinic (KDVC) ng Imus City (Cavite)...at si Pastor Ariel Hernandez

Posted on Sunday, 6 November 2016

ANG KING DAVID BASKETBALL CLINIC (KDVC)
NG IMUS CITY…at, si Pastor Ariel Hernandez
Ni Apolinario Villalobos

Ang King David Basketball Clinic (KDVC) ay matatagpuan sa Camella Homes na nasa Barangay Bayang Luma 3 sa Imus City. Naging tanyag ang KDVC dahil sa mga basketball clinic o pagsanay sa mga kabataan mula pa noong 2006. Subalit ang pagtatag ng pundasyon nito ay ginawa ni Pastor Ariel Hernandez nang magsimulang manirahan ang kanyang pamilya sa subdivision noong 1989. Nagsimula namang mabuo ang covered basketball court noong kapanahunan nina Barangay Chairmen, Boy Santiagel at Tonying Tagle at sa tulong pa rin ni Emmanuel Maliksi na noon ay Vice-Mayor pa lang ng Imus City. Ngayon, ay lalo pang naging aktibo ang proyekto sa ilalim ng kasalukuyang presidente ng Camella Homeowners’ Association na si Obet Arambulo. Si Emmanuel Maliksi naman na mayor na ngayon Imus City ay patuloy pa ring tumutulong.

Ayon kay Pastor Ariel, ang orihinal na pangalang “King David Basketball Camp” ay binuo ng mga unang miyembro na sina Jerson Canaynay at James Ryan Enriquez. Ito agad ang pumasok sa kanilang isip dahil, ang pinakapundasyon ng nasabing grupo ay ang pananampalataya sa Diyos. Ayon sa Bibliya, si David na anak ni Solomon ay naging hari sa batang gulang at sa kapanahunan niya nabuo ang Templo ng Herusalem. Symbolic ang pangalang ito dahil ang pakay ng Basketbll Clinic ay mailayo sa bisyo ang mga kabataan ng Imus City, at ang adhikaing yan ay nakasandal naman kay Pastor Ariel na isa sa mga ministro ng Word for the World. Sumabay ang pormal na pagbuo ng KDVC sa masidhing pagnanais ni Pastor Ariel na mabago ang kanyang buhay noon. Nagsimula ang pagsisikap niya sa pamamagitan ng regular na Bible study sa maliit na garahe ng kanilang bahay, hanggang humantong sa pag-aral niya upang maging ganap na pastor sa tulong ni Pastor Eli Famorcan ng Word for the World Christian Fellowship (Imus). Sa pagsisikap niya ay hindi rin siya pinabayaan ng asawang si Precy na laging sumusuporta sa kanya.

Nakatulong ng malaki ang basketbol sa pagmi-ministro ni Pastor Ariel dahil ito ang larong madaling makaakit ng kabataan. Nang makilala siya, marami ang nahikayat na sumali sa kanilang basketball clinic na pinasigla ni mayor Emmanuel Maliksi. Nakakatuwang malaman na ang ibang nagsasanay ay naggagaling pa sa malalayong bayan ng Cavite at pati na sa Mandaluyong na nasa Maynila. Nasaksihan ko ang pagdatingan ng mga kabataang ang gulang ay pang-Midget class hanggang Junior class ng basketbol nang umagang pasyalan ko si Pastor Ariel. Mataman din niyang inoobserbahan ang mga manlalaro upang matandaan ang mga may potential na maging sports scholar ng mga eskwelahang nilapitan na niya.

Nagulat ako nang malaman kong marami pala ang nagbo-volunteer na mag-coach sa kanilang clinic, at ang isa ay Amerikanong darating sa susunod na taon. Ang iba naman ay mga naging kilalang coach at basketbolista ng mga koponang nasyonal. Ang malaking tulong ay naipapaabot naman ni Joe Lipa, Consultant ng Mahindra-Kia, dahil ito ang nagsisilbing tulay upang makahanap si Pastor Ariel ng mga eskwelahang mapapasukan ng mga sinanay nila upang magkaroon ng scholarship. Ang regular namang nagko-coach ay sina Jun Hernandez former Varsitarian ng Letran at Adamson na dumarating sa basketball court nang wala pang ala-siyete ng umaga. Kapag maaga namang dumating si Arlord Marcial na ama ng isang nagsasanay ay malugod din siyang nagboboluntaryo sa pagko-coach upang makatulong ni Jun Hernandez. Maliban sa mga lalaki ay marami ring mga babaeng sinasanay ang KDVC.

Ang basketball clinic ng KDVC ay lalong naging tanyag dahil sa regular sa tulong ni Imus City Mayor Emmanuel Maliksi, isang pagpapakita ng seryosong pag-akay sa mga kabataan tungo sa Tamang Landas. Tuwing makatapos ng training session, nagkakaroon ng maikling pep talk si Pastor Ariel upang paalalahanan ang mga manlalaro tungkol sa pag-iwas sa mga bisyo. Natutukuran ang KDVC ng ispiritwal na katatagan dahil sa pinapairal na pagdasal pagkatapos ng pep talk. Nalaman kong bawal ang pagmumura at paggamit ng mga abubot sa katawan tulad ng hikaw. Sa pep talk ay may mga paalala rin tungkol sa iskedyul ng Bible Study.

 Nabanggit rin ni Pastor Ariel na maraming naakay pabalik sa Tamang Landas ang KDVC…mga kabataang, mismong mga magulang ang nagdadala sa kanya. Ang iba sa mga napabago niya ay matagumpay sa napili nilang propesyon bilang manager, at iba ay mga propesyonal sa ibang bansa. Nadadarama rin sa grupo nila ang pagtutulungan dahil ilang beses na silang nag-ambag ng tulong para sa mga nangangailangang miyembro. Maluwag din ang kamay niya sa paghugot ng pambili man lang ng pagkain ng ilan sa kanila, o mabigyan ng pamasahe….mga kakapusang hindi naging hadlang sa mga kabataang matuto ng maayos na paglaro ng basketbol.

Ang pangarap ni Pastor Ariel ay maging isang uri ng Sports Foundation ang KDVC na ang mga adhikaing pilit na pinamamahagi sa pamamagitan ng basketball clinic ay “Empower, Lead, Motivate”. Ang mga adhikaing nabanggit ay ibinahagi ni Mayor Emmanuel Maliksi na wala ring patid ang pagtulong sa abot ng kahit personal niyang kakayahan.


May mga kuwento si Pastor Ariel na nagpapatunay na pinupunan ng Diyos ang kakulangan sa ano mang pagsisikap ng tao ayon sa kasabihang, “nasa Diyos ang awa, pero nasa tao ang gawa”. Maraming pagkakataong basta na lang daw dumarating ang biyaya sa kanyang buhay upang maipagpatuloy ang adbokasiyang ispiritwal at pakikibahagi ng kaalaman sa basketbol upang maiwas ang mga kabataan sa bisyo. Dumadating ang mga biyaya sa panahong halos lahat ay ginawa na niya subalit may kakapusan pa rin. Dahil diyan, napakarami niyang dapat ipagpasalamat sa Diyos lalo pa at ang pagsikap niya noong marating at matahak ang Tamang Landas ay natupad at nakakaakay pa siya ng iba.










Discussion

Leave a response