Salamin ng Buhay
Posted on Monday, 7 November 2016
Salamin ng Buhay
ni Apolinario B Villalobos
Hindi nakikita ng tao ang kanyang mukha
hangga’t hindi siya tumingin sa salamin. Sa ganoong pagkakataon pa lamang niya
makikita ang kabuuhan ng kanyang mukha, na siya pala ay may dungis na dapat
niyang punasan upang matanggal… na siya pala ay may nunal sa ilalim ng kaliwang
mata… na siya pala ay may mga ngipin na hindi pantay… na siya pala ay may
matamis na ngiti, atbp.
Sa araw-araw nating pamumuhay, kailangan
din nating magkaroon ng “salamin” upang malaman kung may mga ginawa tayo na
hindi maganda, masagwa, o mabuti. Sa pagkakataong ito, ang “salamin” natin ay
ang ating kapwa. Sa kanila natin masasalamin at malalaman na may mga ginawa
tayo na masagwa pala kaya dapat nating iwasang gawin uli. Sa mga ginawa din nila
natin masasalamin ang mga kabutihang ginawa na natin, nguni’t hindi natin alam.
Nguni’t may bisa lamang ang paggamit natin
ng ating kapwa bilang salamin kung kaya nating tanggapin ang ating kamalian.
Hangga’t hindi natin ito kayang gawin, hanggang papuri na lamang tayo kung may
makikita tayong magandang ginawa ng ating kapwa at pangkukutya sa kanila kung
gumawa sila ng masama – na ginawa din pala natin. Dahil diyan ay walang silbi
ang ating pananalamin sa pamamagitan ng ating kapwa.
Sa mga pagkakataong dapat ay mayroon tayong
natutunan pero pinalampas natin, wala tayong dapat sisihin kundi ang sarili
natin - kung tayo ay naghihirap dahil sa palaging kakapusan sa pera, may mga
suwail na anak, nawalan ng trabaho, hiniwalayan ng asawa, atbp.
Magsisi man tayo…ay huli na.
Discussion