0

Pastor Ariel Hernandez...Nagpapatunay na Posibleng Mabago ang Nasirang Buhay

Posted on Saturday, 5 November 2016

PASTOR ARIEL HERNANDEZ…NAGPAPATUNAY
NA POSIBLENG MABAGO ANG NASIRANG BUHAY
Ni Apolinario Villalobos

Nang magbukas ang Perpetual Village 5 sa Bacoor City (Cavite) ay isa ako sa mga naunang tumira, at naging unang Presidente rin ng Homeowners Association. Hirap kami noon dahil sa pagmamadali naming lumipat agad ay hindi na namin hinintay na magkaroon muna ng street lights at maayos ang mga kalsada. Todo tiis ang ginawa namin sa pagsuong sa trapik ng Zapote, Las Pias sa pagpasok sa trabaho dahil wala pang Coastal Road noon.

Makalipas ang isang taon ay may lumipat sa subdivision na mag-asawang galing sa Makati, sina Ariel at Precy Hernandez at anak nilang musmos pang si Jaymie. Nang pasyalan ko sila upang i-welcome sa lugar namin ay nalaman kong basketbolista pala si Ariel kaya agad-agad ay pinakiusapan kong mgaging Sports and Youth Officer ng homeowners association. Hindi naman ako napahiya dahil malugod siyang pumayag kahit may trabaho siya sa bangko mula Lunes hanggang Biyernes at kung minsan ay hanggang Sabado. Hindi ako nabigo sa pagtalaga sa kanya dahil makaraan lang ang ilang linggo ay naging aktibo na agad ang mga kabataan sa lugar namin. Ang pagkilala sa kanya bilang coach ng basketball ay nakarating hanggang sa “bukid” at mga kalapit-subdivision na sakop din ng Barangay namin. Mula noon, basta mabanggit ang basketball, si Ariel agad ang sasagi sa isip ng mga nakarinig. Noon pa lang ay nakitaan ko na siya ng compassionate attitude – madaling dumukot ng pera para sa mga nangangailangan kahit walang matira sa bulsa. Nai-intimidate lang ang ibang hindi siya gaanong kilala dahil noong kabataan niya at nasa amin  ay para siyang “pader”, malaki kasi ang katawan,may katangkaran, at dumadagundong pa ang boses.

Si Ariel din ang humimok sa mga homeowners na mag-jogging mula sa amin hanggang Imus Cathedral/Plaza tuwing Linggo ng madaling araw. Walang magawa ang tamad gumising dahil nagtitiyaga siyang manggising sa mga homeowners sa madaling araw, at sa laki ng boses niya ay talagang mapapagising ang tatawagin niya. Isa rin siya sa nagpursige na mabuo ang basketball court ng subdivision namin. Bumigay ang katatagan niya dahil sa sobrang  pakisama sa mga barkada na humantong sa madalas niyang pakikipag-inumang naging sanhi naman ng palaging pag-away nilang mag-asawa.  Hindi sila iba sa akin, kaya madalas ko siyang payuhan subalit dahil bata pa siya noon, madalas din siyang makalimot sa mga pinapayo ko. Sa kabila ng lahat, hindi pa rin nagkulang si Ariel sa pagtaguyod ng nasimulan niyang adhikain na maipamahagi sa mga kabataan ang kaalaman niya sa basketball. Pati ang mga magulang ng mga kabataan ay nahimok din niyang maglaro kung may espesyal na okasyon o di kaya ay bilang pampalipas ng oras.

Makaraan ang ilang taon, lumipat sila sa Camella Homes ng Bayang Luma 3, sa Imus City. Malaking bagay ang paglipat nila dahil maski papaano ay nailayo siya ni Precy sa mga barkadang mahilig uminom. Subalit hindi rin maiwasang siya ay pasyalan ng mga ito, at nadagdag pa ang mga bago kaya naudlot ang pagtahak sana niya sa “Bagong Landas”. Ganoon pa man ay itinuloy pa rin ni Ariel ang pakikibahagi ng kaalaman sa basketbol sa mga kabataan ng Barangay Lumang Bayan 3 na nasimulan niya noong 2006. (Ang tungkol sa adbokasiya sa larangan ng basketbol ay iba-blog ko nang hiwalay dahil makulay din ang sinuong niyang mga pagsubok upang tuluyang magtagumpay at lalo pang makilala.)

Humantong ang hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa sa tampuhan hanggang pansamantalang iwanan si Ariel ng kanyang asawa upang makitira sa anak nilang si Jaymie na may pamilya na. Ang tikisan ay inabot ng halos isang taon, subalit naging tulay ang panganay niyang kapatid at bayaw na sina Nora at Jett Crisostomo upang  mapahinuhod si Precy na bumalik sa bahay nila. Sa pagkakataong ito ay naging aktibo sila sa spiritual sharing kaya nag-host na rin sila ng Bible Study sa kanilang garahe. Dahil nakitaan si Ariel ng pagpupunyaging magbago, pinag-aral siya upang maging pastor ng WWCF-Imus sa pamumuno ni Pastor Eli Famorcan.

Kabilang si Pastor Ariel ngayon sa mga ministro ng  Word for the World Christian Fellowship-Worldwide at nakatalaga sa Noveleta. Sa grupo ng mga pastor, siya ang “pinakamatanda” pagdating sa edad, subalit “pinakabata” pagdating sa karanasan dahil nagsimula siya sa pagmi-ministro noon lang 2010. Hindi madali ang maitalagang ministro ng simbahang bagong “tanim” sa isang komunidad dahil kailangan ang ibayong pagpapakilala upang makaakit ng mga miyembro. Masuwerte ang mga pastor na sinusundan ng mga dating kapanalig dahil nakakatulong sila sa pagpapalago ng sampalataya.  Kasama rin ang responsibilidad sa pagkalap ng pondo dahil ang inaasahan lang ay mga love offerings o tithes ng mga kapanalig. Ganoon pa man ay tiniis ni Pastor Ariel ang lahat ng pagsubok nang siya ay  palipat-lipat na italaga sa Imus, General Trias, at sa kasalakuyan ay sa Noveleta.

Buong pagpapakumbaba niyang inaamin na mahina siya sa Ingles, kaya hangga’t maaari ay Tagalog ang ginagamit niya. Epektibo at maganda ang ginagawa niyang paggamit ng Tagalog at binabatay naman niya ang mga pinamamahagi niya sa mga tunay na pangyayari sa paligid at buhay ng tao. Ang isang payak na mensahe mula sa Bibliya, halimbawa, ay nagagawa niyang palawakin upang mai-apply sa buhay ng mga nakikinig sa kanya sa pamamagitan ng pagbigay ng mga halibawang nakikita sa paligid.

Ang “preaching style” niya ay hindi siguro niya sinasadyang maging hawig sa ginagamit ng mga sikat na “Born Again Christian” preachers na ang mga pagtitipon ay dinadagsa ng libu-libong tagasunod. Hindi siya ang tipo ng preacher na halos lahat ng sinasabi ay quoted mula sa Bibliya na sa tingin ko ay “complicated” dahil magdudulot ng kalituhan sa mga nakikinig. Paano halimbawang maitanim sa isip ng nakikinig ang tungkol sa hypocrisy o pagkukunwari kung puro galing sa Bibliya ang sasabihin, samantalang marami naman ang puwedeng banggitin na mga pangyayari sa paligid na siyang magbubukas ng kanilang isipan?

Samantala, ang nangyari kay Pastor Ariel ay pagpapatunay na lahat ng tao na may hangaring magbago ay may pagkakataong matamo ito basta siya ay magsisikap. Nakakabilib din ang pag-iwas ng kanyang asawa dahil sa hindi nila pagkakaunawaan noon kaya hindi humantong sa tuluyan nilang paghihiwalay. Maidadagdag dito ang pagpursige ng mga kaibigan nilang namagitan kaya ang lamat ng pagsasama nilang mag-asawa ay tuluyang natapalan. Upang lalo pang tumibay ang love na naging stronger the second time around, nagba-bonding ang buong pamilya sa bahay ni Jaymie, kasama ang asawang si Aris (Gatdula), at dalawang anak na sina Lance Quint at Luke James. Nag-iisang anak si Jaymie na hindi natuloy sa pagka-abogada tulad sana ng kanyang lolo na ama ni Ariel, subalit mapalad namang nakapagtrabaho sa Regional Trial court sa Las Pias. Si Precy naman ay sa Regional Trial Court ng Imus nagtatrabaho.

Mapalad si Pastor Ariel dahil kabilang  sa mga naniniwala sa kanya ay ang kasalukuyang mayor ng Imus City na si Emmanuel Maliksi na kumuha sa kanya bilang Sports Consultant simula pa noong 2008, at si Joe Lipa, Consultant ng Mahindra-Kia, na nakakatulong upang makakalap siya ng sports scholarship para sa mga karapat-dapat na naging bunga ng Basketball Clinic na ginagawa ng King David Basketball Camp. Maraming napariwarang kabataan ang napabago ng Basketball Clinic nina Pastor Ariel. Ang iba ay lalong nagkaroon ng tiwala sa sarili kaya nakatapos ng pag-aaral, o naging manager sa kumpanyang pinasukan at ang iba ay nakapagtrabaho sa ibang bansa.


Tinutugaygayan si Pastor Ariel ng alituntunin niya sa buhay tungkol sa pagkakaisa ng mga tao na maaaring mangyari kung iiral ang unawaan sa isa’t isa, lalo na ng iba’t ibang mga pananampalataya o relihiyon. Nanliit lang ako nang sabihin niya sa akin na ang alituntuning yan ay lalo pang pinatibay ng mga nakita niyang mga ginawa ko at pakiharap sa iba’t ibang tao, sino man o anuman ang kanilang paniniwala, noong sa subdivision pa namin sila nakatira. Sa kababasa din daw niya ng mga isinusulat ko ay lalo pang tumibay ang  paniniwala niya tungkol sa “universal love” na dapat ay walang hangganan. Tumaba naman ang puso ko nang banggitin niyang ipinagmamalaki niya ako sa mga kapwa niya pastor at mga kaibigan….subalit higit sa lahat ay masaya ako dahil may nagpapakalat pala ng adbokasiyang naging timon ko sa buhay….at isang New Christian pastor pa! 













Discussion

Leave a response