0

Huwag Pintasan ang Panlabas na Kaanyuan ng Kapwa

Posted on Wednesday, 9 November 2016

HUWAG PINTASAN ANG PANLABAS NA KAANYUAN NG KAPWA
Ni Apolinario Villalobos

May ugali ang ilan sa atin na hindi man sinasadya ay nagmamaliit ng kapwa. Ang biglaang pag-isip ng negatibong bagay tungkol sa kanila, na sa palasak na katawagan ay “pintas” ay hindi rin masisisi kung minsan. Hindi talaga maiiwasan ang ganitong tendency, lalo pa’t ang utak ng tao ay naka-program sa mga inaasahang “kagandahan” sa paligid. Sa ganang ito, lahat ng hindi naaayon sa inaasahan ay siyempre, “pangit”. Ang masaklap lang, may mga taong nahihirapan sa pagpigil sa sarili upang hindi maging vocal o  maingay sa pagpintas, sa halip na sarilinin kung ano man ang nasa isip nila, kaya nagiging padalus-dalos o tactless sila.

Marami ang napapahiya dahil sa ugali nilang mabilis na paghusga sa kapwa. Madalas nilang makalimutan ang kasabihan sa Ingles na, “do not judge the book by its cover”. Ang mga inaakala ng iba halimbawa, na “poor” dahil sa suot na butas-butas na damit na binili pa sa ukayan, ay may kaya pala sa buhay. Mayroon ding nag-aakalang sanggano ang ibang tao dahil sa ginagamit nilang mga salitang-kalye at anyo na hindi gwapo at may bigote pa, lalo na kung nagmumura ito.  Magugulat na lang ang mapanghusga kung malaman nilang matulungin pala ang akala nila ay sanggano at mukhang kontrabida sa pelikula, yon pala ay galit lang ito sa mga manloloko na dahilan ng pagmumura niya.

Nang pinsalain ng bagyong Yolanda ang Visayas, lalo na ang Leyte, ang unang nagpadala ng tulong ay ang mga Aeta na taga-Pinatubo sa Tarlac. Nag-ambagan sila ng mga inani nilang gulay at prutas upang maipadala sa Leyte. Nakita sa TV ang mga naipong laman ng kamoteng baging, kamoteng kahoy, niyog, ilang sakong bigas at iba’t-ibang gulay na sana ay pangkain nila dahil sila ay kinakapos din, subalit hindi nila ipinagkait sa mga biktima ng Yolanda. Tumatanaw lang daw sila ng utang na loob dahil noong sila ang nangailangan nang sumabog ang Mt. Pinatubo ay nakatanggap din sila ng halos walang patid na biyaya. Maliit man sila, kaya ang pisikal na anyo, para sa iba ay hindi kaiga-igaya, dambuhala naman ang kanilang puso at nakasisilaw ang busilak nilang kalooban. At dahil sila ay kinakapos din, marami ang nag-akalang hindi nila kayang tumulong sa mga nangangailangan. Ipinakisuyo sa Foundation ng TV station ang pagdala ng kanilang donations sa Leyte.

Minsan namang umakyat ako sa LRT station sa Baclaran para sa biyaheng papunta sa Carriedo (Sta. Cruz) ay may isang senior citizen akong nakasabay na may kipkip na brown bag at nang makapuwesto ng upo sa hintayan ng tren para sa mga senior ay binuksan ang supot at inilabas ang monay na may kagat na at nilantakan. Nagbulungan ang katabing dalawang babae na senior din na puno ng alahas ang mga katawan, habang nagtatawanang nakatingin sa kanya…halatang nangungutya. Maya-maya ay may lumapit na isang lalaki at kinamayan ang matandang lalaki, sabay sabing hinahanap daw siya ng mga kasama nila. Ang nakatawag-pansin ay nang tawaging “mayor” ang matanda. Natahimik ang dalawang babae. “Tumakas” pala ang mayor sa mga kasamang namimili sa Baclaran LRT Mall at bumili ng tiket ng LRT papuntang Sta. Cruz, pero nagbilin sa secretary niya kaya na-trace agad ng isa sa mga bodyguard niya. Narinig kong sinabi niya sa bodyguard na huwag na lang siyang samahan sa Sta. Cruz dahil katuwaan lang ang pagsakay niya na balikan, at hintayin na lang daw siya sa Jolibee sa loob ng mall. Naka-cargo shorts at t-shirt ang mayor. Sa hiya ng dalawang babae ay tumayo sila at medyo lumayo kaya ako nagkaroon ng pagkakataong makaupo sa puwestong iniwan nila. Nagtinginan kami ng mayor at nakangiting inalok niya ako ng monay na tinanggihan ko naman. Mayor siya ng isang bayan sa Bicol. Natuwa siya nang sabihan kong naakyat ko ng ilang beses ang Mt. Mayon.

Nadanasan ko na ding malait dahil sa panlabas kong kaanyuan. Sa NAIA Terminal 2 ay nagkita kami ng isa kong kaibigan at habang nag-uusap kami sa Bisayang Cebuano ay nilapitan kami ng kaibigan niyang sumabad sa Ingles. (Sumakit ang tenga ko at ang ilong ko naman ay halos dumugo!) Ipinakilala ako sa kanya sa palayaw ko at nang akmang  makikipagkamay ako ay hindi niya pinansin ang iniabot kong kamay, at sa halip ay tiningnan lang ako mula ulo hanggang paa – naka-maong na kupas ako at simpleng t-shirt  noon, at nakasuot ng sandal. Hindi ko na lang pinansin. Nalaman kong papunta din ang Inglesero sa Davao. Nang mag-board na ay umupo ako sa Business/Mabuhay section ng eroplano kung saan niya ako nakita habang umiinom ng welcome drink, at siya naman ay nakapila papunta sa Economy Section sa bandang buntot ng eroplano. Nginitian ko siya nang magtama ang aming paningin, subalit tulad ng dati, parang wala siyang nakita. Kung minsan ay mahirap talaga kung wala kang kamukhang matinee idol, o kahit retiradong bidang actor, huwag lang kontrabida. Ang general impression kasi, basta gwapo, mabait…kung hindi, barumbado!


Ang mga nailahad ko ay magsilbi sanang leksiyon upang sa pagtahak natin sa landas ng buhay dapat ay maging maingat tayo sa pakikiharap sa mga taong ating masalubong…huwag natin silang husgahan dahil lang sa panlabas nilang kaanyuan na hindi natin type! Mag-ingat ang nangungutya ng hindi kaiga-igayang mukha… baka sila ay madapa at ma-erase ang kanilang mukha!

Discussion

Leave a response