Si Jose
Escribano…dating meyor ng Tacurong
Ni Apolinario Villalobos
Bago naging meyor si Jose Escribano ay
nagkaroon na ng iba pa ang bayan namin na dating baryo ng Buluan. Hindi gaanong
natandaan ang unang mayor, pero sa pagkabanggit sa akin ng isang matandang
nakausap ko ay isang “Guerrero” daw. Ang mga baryong mauunlad nang panahong yon
maliban sa Tacurong na ang dating pangalan ay Pamansang, ay San Manuel at San
Pablo kung saan karamihang nakatira ay mga Ilocano.
Dayo naman si Jose Escribano na galing sa
Igbaras, Iloilo. At nang panahong yon pa rin, ang ibang pamilyang dayuhan na
naaalala ko at itinuturing na mga Kristiyanong pioneer ay ang mga, Lapuz,
Paraico, Bernardo, de la Cruz, Paclibar, Ballena, Nicolo, Palmes, Catudan,
Velasco, Valdez, Guillermo, Panes, Pauya, Subaldo, Arzagon, Grimaldo, Garcia,
Barroquillo, Limbungan, Lucentales, Cordero, Betita, Magbanua,
Cordero,Travilla, Saludes, Rapacon, Pernato, Dayon, Cajandig, Besana, Lagon,
Gomez, Custodio, Arendon, Albenio, Aniversario, Ferrer, Fajardo, Collado,
Cargo, Rapacon, Sotto, Dajay, at Purisima.
Nakagisnan ko na lang na meyor si Escribano
(mas popular na tawag sa kanya), dahil inabot ko siya noong dekada sisenta.
Kung pumunta ako sa tambakan ng munisipyo upang mamulot ng tinggang pangselyo
(sealing lead) ng mail bags na galing sa Post Office ay nakikita ko siya sa
balkonahe ng lumang munisipyo na humihitit ng tabako. Wala akong kamuwangan sa
pulitika noon kaya hindi ko nabigyan ng kahalagahan ang kanyang pagka-meyor
dahil tuwing makikita ko siya sa balkonahe ay tinatawag ko lang siyang
“Escribano”. Kumakaway naman at ngumingiti pa.
Nang mag-elementaray na ako ay nalaman ko
na ang kanyang pagkatao…. mabagsik pala siya. Ang mga magnanakaw na nahuhuli ay
pinapakain ng tae sa inudoro ng kubeta ng munisipyo. Nilulublob ang ulo nila sa
inudorong pinagamit muna at hindi ini-flush. Mahilig din siyang manapok
on-the-spot ng mga may kasalanan, kahit pulis.
Kaya siguro noong maliit pa ako ay wala ako halos nalamang may mga
nakawan sa amin. May nagkuwento sa akin na ang hindi lang niya mapakialaman
noon ay si “ tatay Usteng (Aguilar)” na nakatira sa baryo Rajah Muda.
Noong panahon din niya nagkaroon ng mga
sintu-sinto sa amin, sina Juan, Aida, at Alip. Minsan ay nakita kong may
inutusan siya upang bigyan ng biscuit si Juan. Noong panahon ding yon, tuwing
Linggo ay may “amateur” (singing contest) sa plaza. Lahat ng contestant ay may
regalo agad na isang supot ng tinapay na donation ng Garcia Bakery. Dahil
walang kuryente, ang pailaw ay galing sa isang generator na ang ingay ay mas
malakas pa sa boses ng kumakanta. Ang may boses na disintunado ay
binabatingtingan upang tumigil na pero may regalong isang supot na tinapay. Ang
palaging nananalo noon ay isang babaeng may apelyidong “Betita”. Kalaunan ay
nakilala rin ang galing nina Grace Perales, at Eufemia Alcon.
Nagpagawa si Escribano ng swimming pool sa
isang bahagi ng plaza namin. Wala naman masyadong gumagamit maliban sa
Kastilang si “Mr. Fernandez” dahil talaga palang atleta ito at swimming ang
linya niya, at magaling pang mag-dive. Pinagawa ang swimming pool para sa
kasiyahan ng mga mamamayan. Ang mga kinuha niyang bumbero ay marunong tumugtog
ng mga instrumento ng combo na kanyang itinatag at pinangalanang “Fireband”.
Nagkaroon ng dalawang combo, at ang isa ay dumayo pa sa mga beer house at night
club sa Manila. Sa panahong yon sila nakapag-recruit ng mga babaeng mang-aawit
mula sa Maynila na dinala sa bayan namin. Isa sa mga dinala nilang singer ay si
Helen.
Sikat ang bayan namin dahil sa
“Fireband” at magagaling na mga singers
tulad ni Lito na ang kinakanta ay mga
pinasikat ng mga grupong “Bee Gees” at “Animals” (nagpasikat sa awit na “House
of the Rising Sun”). Palagi silang iniimbita upang tumugtog sa mg kapistahan,
at nakakarating pa sa Cotabato City. Malaking bagay ang kinikita nila sa
pagtugtog dahil allowance lang naman ang binibigay sa kanila bilang mga
bumbero. At upang lubusang mapakinabangan ang combo, nagpatayo rin si Escribano
ng “night club” (sa panahon ngayon ay category lang ng beer house) sa palengke
malapit sa katayan (slaughterhouse). Dahil sa night club na ang tawag ay
“Kayumanggi”, napilitan ang mga nagtitinda sa palengke na panatilihing malinis
at walang amoy ang bahaging yon ng palengke na dating tinatambakan ng basura.
Nang maghanap si Claudio Estante, ang
nagtatag ng DSW sa bayan namin ng magiging assistant niya, sa opisina ni
Escribano siya pumunta upang humingi ng reference. Halos lahat ng tinanong niya
ay ako ang binanggit kaya ako ang nakuha. Nakilalal ako sa opisina ng meyor dahil
tuwing may operation-Linis ang school namin sa paligid ng palengke ay palaging
ako ang nagko-coordinate sa opisina ng meyor. Dahil diyan, pwedeng sabihing
nakatulong ang opisina ni Escribano sa pagsimula ng informal kong career dahil
nang panahong yon ay nasa third year college pa lang ako. Ang sentro ng evacuation noon dahil sa
labanan sa pagitan ng mga “Black Shirts” (Muslim) at “Ilagẳ”
(Christians), ay ang bayan namin. Taga-consolidate ako ng listahan ng mga
evacuees na dinadala sa DSW Regional Office sa Davao, at ang trabaho ko ay
tuwing Sabado lang at Linggo pero hanggang gabi naman at ang ilaw na gamit ko
ay “petromax”. Nang panahon ding yon namayagpag si “Toothpick”, lider ng mga
“Ilagẳ”. Marami rin akong mga classmate na “Ilaga” na ang pagkakakilanlan
ay ang malakas na amoy ng “X-7”, mumurahing pabango na may halong isang bagay
upang maging agimat at upang maging epektibo ay tuwing Biyernes lang sila kung
maligo.
Nang ideklara ang Martial Law ay nasa
fourth college year na ako. Pinatawag ni Escribano lahat ng mga estudyante ng
mga eskwelahan sa bayan namin upang i-meeting sa plaza. Ang layunin niya ay
magpaliwanag tungkol sa Martial Law. Ang hindi niya alam ay may isang babaeng
kalaban si Marcos na napapunta sa bayan namin at nangampanya laban sa Martial
Law pero naipit dahil inabot ng deklarasyon kaya hindi makalabas, pero ako ang
gumawa ng paraan upang makalusot sa mga outpost hanggang makabalik siya sa
Maynila.
Nang nasa plaza na ang lahat ng mga
estudyante, nagsimula na siyang magpaliwanag pero nalabuan ang lahat. Ang
masama, nang magtanong siya kung sino ang gustong magtanong, ako ang itinulak
ng mga kasama ko dahil nagkataong nakapuwesto kami sa harap ng stage. Dahil
wala akong magawa ay nagsimula na akong magtanong subalit nawala ako sa sarili
at nakalimutan kong meyor ang kaharap ko dahil panay pagbabara ang ginawa ko sa
bawa’t paliwanag niya. Ang isang close-in bodyguard ay hindi yata nakatiis kaya
lumapit sa kanya at nagbulong pero narinig ko pa rin, na ang sabi ay: “ano,
mayor tapuson ko na ini?” (ano, mayor tatapusin ko na ito?), na ang tinutukoy
ay ako. Pero narinig ko naman ang sagot sa kanya ni Escribano na, “indi… kilala
ko pamilya sini” (huwag… kilala ko ang pamilya nito). Ang tiyuhin ko kasi ay
vice-mayor niya. Magtatanong pa sana ako, pero biglang may nagpaputok kaya
nagkagulo na. May humila sa akin mula sa stage at halos pagapang kaming lumayo.
Mula noon sinundan na ako mula sa bahay hanggang sa eskwelahan ng isang “PSG”
ni Marcos. Ang grupo pala ng “PSG” ay nangupahan sa bahay lang ng mga Guillermo
malapit sa school namin.
Bago ako umalis sa amin ay pinatay ang
municipal judge namin, si Judge Wenceslao Valdez, sa loob ng simbahang
Katoliko. Isa siya sa mga mahigpit na kalaban ni Escribano. Matagal ang
imbestigasyon subalit bandang huli ay lumabas din ang resulta na nagturo kay
Escribano bilang may pakana. Nahuli din daw ang inatasan o “triggerman” na
bumaril.
Ngayon, 2016, ang bayan namin ay isa nang
maunlad na lunsod sa pangangasiwa ni Mayor Lina Montilla. Wala na ang swimming
pool at gumanda na rin ang liwasan. Bago na ang bulwagang panlunsod, subalit
hindi giniba ang dating munisipyo na nasa likod lang nito kaya ang inudorong
pinaglulubluban ng ulo ng mga magnanakaw ay nandoon pa rin.