0

Ang Emergency Power para sa Trapik

Posted on Friday, 26 August 2016

ANG EMERGENCY POWER PARA SA TRAPIK
Ni Apolinario Villalobos

Nakita na ng gobyerno ang pag-imbudo ng mga sasakyan sa EDSA, Roxas Boulevard, Commonwealth Avenue, at iba pang pangunahing kalsada ng Metro Manila na nagpapakitang mas marami ang mga pribadong sasakyan kaysa pang-publiko. Ilang beses nang napuna ang kamurahan ng mga kotse kaya kahit ang mga nagbi-bedspace lang sa boarding house ay nakakaya ang pagbili….ibig sabihin ay kahit wala silang garahe. Ano ang nangyari sa panukalang taasan ang buwis na ipapataw sa mga sasakyan?

Kung tatanggalin ang mga kolorum na pang-publikong sasakyan sa kalsada, mga commuters naman ang kawawa. Ilang beses nang nagkaroon ng “operation” ang LTFRB at LTO upang mahuli ang mga sasakyang kolorum,  na naging sanhi naman ng ng pagka-stranded ng mga commuters. Nangangahulugan ito na ang kailangan ay matinong mass transit system, na kung maaari ay hindi tulad ng maya’t mayang nasisira na MRT. Umamin din ang PNR na wala silang budget para sa mga bagong bagon o tren. Bakit hindi ito aksiyunan agad ng gobyerno?

Napansin ko na pagkalipas ng peak hours ng trapik na hanggang 9:00AM ay halos wala na ring laman ang mga bus, LRT at MRT. Bakit hindi ipatupad ang matagal nang pinapanukalang “staggered working hours” upang hindi nagkakasabayan ang mga commuters sa pagsakay sa mga public transports kung papasok  sa umaga at pag-uwi sa hapon,  mula 6:00 AM hanggang 9:00AM, at sa hapon naman ay 4:00PM hanggang 7:00PM? At, ano rin ang nangyari sa 4 or 5-day/ work week upang makatipid din sa kuryente?

Ang nandiyan nang common terminal ng mga south-bound bus sa dating Coastal Mall sa kanto ng Roxas Boulevard at Coastal Road ay napapabayaan. Ang pinagyayabang noong aircon waiting lounge na may TV sets pa ay hindi pinapagamit. Ang TV set sa  nagagamit na non-aircon lounge ay matagal na ring hindi gumagana. Marumi rin ang paligid ng terminal, maraming basura at maputik. Ito ay nasa ilalim ng pamamahala ng MMDA. Bakit hindi ayusin muna para maipakita sa mga commuters na talagang tapat sa kanilang layunin ang mga ahensiyang may kinalaman sa trapik?

Ang tanong ay kung bakit hindi nakumbinsi ang Senate Committee tungkol sa trapik na pinamumunuan ni Senator Poe ganoong malinaw ang mga pangangailangan. Ang sinasabi ng komite ay wala silang makitang “projects” na paggagamitan ng emergency powers. Baka nagkaroon ng problema sa pagpresenta ng mga layunin ng emergency power….mga taong nagpresenta kaya ang may diperensiya dahil walang kakayanang magkumbinse? Talaga bang competent sila?

Hindi sagot sa trapik ang point-to-point na mga bus sa kalsada na proyekto ng DOTC, dahil bukod sa mahal ang pamasahe ay pandagdag lang sila sa dami ng mga bus sa EDSA. Pang-engganyo daw ito maski sa mga may kotse upang huwag gumamit nito papunta halimbawa sa Makati, dahil igagarahe pagdating sa bahagi ng Maynila kung saan ay merong terminal ng point-to-point bus. Ganyan din ang layunin ng LRT at MRT, subalit ang problema naman ay ang pagka-inutil ng train system na ito dahil palaging sira. At isa pang tanong ay kung gaano kadami ang mga ligtas na paid garage o parking lot sa buong Metro Manila.

Ang banat naman ng mga organisasyon ng mga jeep ay kawalan ng mga opisyal na itinalagang mga loading at unloading areas. Sa ibang bahagi ng Maynila ay palipat-lipat pa ang mga “stops” dahil walang permanenteng marking. Ang hindi matanggap ng mga opisyal ng mga organisasyong ito ay ang talagang kawalan ng disiplina ng mga driver na kasapi nila na nakadagdag sa kawalan rin ng disiplina ng mga bus drivers!

Ang mga pansarili kong agam-agam tungkol sa emergency power ay:
  • Huwag sanang gamitin sa pagpapagawa ng subway dahil bahain ang Metro Manila.
  • Huwag sanang gamitin sa pagpagawa ng cable cars dahil hindi naman bulubundukin ang Metro Manila. Paano kung nagka-aberya sa ere dahil sa inutil na pagkagawa na pinagkitaan lang? Ganyan ang sitwasyon ng MRT na palaging sira!

Sabihin na nating hindi corrupt ang presidente dahil napatunayan na, paano ang mga itinalaga niya? Kaya, tama lang ang senado na i-obliga ang mga ahensiya na magsumite ng talagang detalyadong dokumento upang malaman ng mga Pilipino kung tama ang paggamit ng pera ng bayan.



Discussion

Leave a response