0

MInda....sidewalk vendor na may pangarap

Posted on Wednesday, 10 August 2016

MINDA…SIDEWALK VENDOR NA MAY PANGARAP
Ni Apolinario Villalobos


Sa sobrang pagod ko dahil sa paglalakad alas singko pa lang ng madaling araw sa kahabaan ng  Roxas Boulevard ay tumawid ako sa Ermita upang maghanap ng mapapagkapehan. Nasumpungan ko ang puwesto ni Minda Bantan na nasa isang bangketa kung saan ay matatagpuan ang mga sarado nang dating tanyag na mga antique shops. Sa di-kalayuan naman ay ang kuwartong inuupahan niya ng 1,500.00 pesos. Hindi kasya silang dalawa ng anak niyang nasa second year college sa kuwarto kaya nagtitiyaga siyang matulog sa tabi ng kanyang puwesto. Kaya pala doon ko na rin nakita ang iba pa niyang gamit dahil malamang kung ipapasok pa sa kuwarto ay wala na ring matutulugan ang anak niyang si Maria Antonette.

Limang taon nang nagtitinda sa bangketa si Minda at dahil marunong siyang humawak ng pera ay nairaraos niya ang mga pangangailangan nilang mag-ina pati ang pang-matrikula ng kanyang anak. Taga-Bohol si Minda at nakipagsapalaran sa Maynila dahil wala daw siyang mapagkitaan sa probinsiya. Nasunugan na rin sila sa unang tinirhan nila sa Maynila subalit wala siyang natanggap na tulong mula sa kanilang barangay kaya sa halip na maghinagpis ay nangalakal silang mag-ina…namulot ng plastic, bote at iba pang mabebenta sa junk shop. Wala rin daw siyang natatanggap na 1,500 pesos na galing sa DSW para sana makatulong maski papaano sa pangangailangan ng kanyang anak. Sa madaling salita, matagal na panahon din silang tumira sa bangketa.

Ang tanging inaasahan ngayon ni Minda ay ang “5/6” na inuutang niya sa Bombay. Kape, softdrink, biscuit, tinapay, at mga chichirya ang mga tinitinda niya at kahit papaano ay pinagkakasya sa pangangailangan nila ang kinikita. At dahil isang sakayan lang ang layo ng kolehiyong pinapasukan ng kanyang anak, sa Universidad de Manila sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza) ay hindi gaanong magastos ang pamasahe, subalit ang problema ay ang baon na hindi ko na lang itinanong dahil halata namang siguradong tipid na tipid.

May pangarap si Minda para sa kanyang anak kaya halos igapang niya ang pagpapaaral dito. Mula pa man noong maliit ito ay naging bahagi na siya ng pagsisikap ng kanyang ina. At, dahil sinabi ni Minda na matalino daw ang kanyang anak, hindi na kailangan pang ipaalala sa kanya ang mga dapat niyang gawin upang makaraos sa kahirapan.

Nang inalok ko si Minda ng trapal na magagamit dahil napansin kong mga plastic na pira-piraso ang ginagamit niyang pantakip sa kanyang mga gamit, marami siyang sinabing dahilan para makatanggi. Akala niya siguro ay isa na naman akong “researcher” na nagkakanulo ng mga tulad niyang sidewalk vendor sa kinauukulan. Nang ilabas ko ang mga kopya ng National Geographic, stuffed toys at mga damit pambata upang ipaliwanag na pinamimigay ko sila, napanatag ang loob niya kaya humingi na rin ng ilang kopya ng babasahin para sa kanyang anak, at saka pa lang tinanggap ang trapal na binigay ko. At, dahil napansin ko ang interes niya sa isang stuffed toy ay ibinigay ko na rin, at saka pa lang niya nasabing siguradong magugustuhan ito ng kanyang anak. Nagpaalam na ako nang maubos ang kape ko, dahil may pupuntahan pa ako sa Pandacan at pagkatapos ay susuyurin ko naman ang gilid ng Ilog Pasig mula sa Luneta papuntang Divisoria…




Discussion

Leave a response