Ang "Perpetual Mother" ng Southern Mindanao
Posted on Thursday, 4 August 2016
ANG “PERPETUAL MOTHER” NG SOUTHERN MINDANAO
Ni Apolinario Villalobos
Kung ang mga deboto ng Mahal na Birhen ay
mayroong “Our Lady of Perpetual Help”, sa southern Mindanao ay mayroon namang
“Perpetual Mother”. Isa siyang ordinaryong babae subalit may busilak na puso,
matulungin hindi lang sa mga ka-pamilya kundi maski sa ibang tao. Sa halip na
makibarkada sa iba ay sa mga pari siya nakikipagtulungan para sa mga proyekto
nila, lalo na sa “feeding program”.
Panganay siya sa kanilang magkakapatid kaya
nang mamatay ang kanilang tatay, siya na ang umalalay sa kanilang nanay upang
mangasiwa sa mga kapakanan ng kanyang mga kapatid. Mula noong siya ay
estudyante pa, hindi niya nadanasan ang mga ini-enjoy ng mga kabataan ngayon.
Nang makapag-asawa ay minalas naman naman magkasakit ito kaya nadagdag sa
kanyang mga pasanin na hindi naman niya iniinda. Kahit may pamilya pa siya ay
hindi tumigil ang pagtulong niya sa kanyang nanay at mga kapatid.
Ngayong maysakit na ang kanilang nanay,
gumawa siya ng iskedyul nila kung paano sila makapag-ambag ng panahon sa
pagbantay. Sa gabi, kasama ang isa niyang anak ay sila ang nagbabantay pero
hapon pa lan ay sinisiguro na niyang malinis ang nanay nila bago magpahinga.
Kinabukasan ay pinapalitan siya ng kapatid na kasama naman ang anak nito. Kung
panahon ng check up o emergency na pagtakbo sa ospital, lahat sila ay
kumikilos. Maganda rin ang nangyari dahil sa pang-unawa ng mga asawa ng kanyang
mga kapatid, pati ang asawa niya, sa kanilang ginagawa para sa nanay nila.
Hindi bumibili ng damit sa mall o
department store ang “Perpetual Mother” na tinutukoy ko pati ang kanyang mga
kapatid. Ang mga damit nila ay sa ukayan nabili. May maliit silang negosyo na
pinagtutulungan nilang asikasuhin at lahat sila ay may suweldo kahit sila ang
may-ari. Ang suweldo ng bunsong kapatid ay naitutulong din niya sa kanyang mga
pamangkin na umabot yata sa sampu. Wala naman itong reklamo dahil masaya siya
sa kanyang ginagawa.
Nang huli kaming mag-usap ay nabanggit ng
“Perpetual Mother” na nag-iipon rin pala siya para maipantulong sa mga proyekto
ng mga kaibigan niyang pari. Ang iniipon niya ay galing sa kanyang suweldo
bilang “empleyado” ng kanilang negosyo. Nalaman ko rin na silang magkapatid ay
walang luho sa lahat ng bagay kahit sa pagkain dahil sanay sila sa gulay.
Kadalasan, ang tira sa almusal ay siya rin nilang pagkain sa tanghalian at kung
suwertehin ay umaabot pa sa hapunan. Hindi pagtitipid ang ginagawa nila kundi
talagang “lifestyle” na nila na binabatay sa kaya lang ng kanilang kinikita
bilang mga suwelduhang empleyado ng kanilang negosyo.
Walang luho sa katawan ang tinutukoy ko
maliban sa pagpapalinis ng mga kuko. Hindi rin siya nagmi-make up at walang
alahas. Para sa kanya, sa halip na gastusin ang kinikita sa mga bagay na
nabanggit ay nilalaan na lang niya sa mga kabataang tinutulungan ng mga pari.
Ayon sa kanya, ang luho ay panandalian lamang at ang yaman ay hindi madadala
pagdating ng araw na ang isang tao ay bibiyahe tungo sa kabilang buhay.
Discussion