0

Dapat Kilalanin ang Kaibahan ng "Full time Chapel" sa "Multi-purpose Hall"

Posted on Monday, 29 August 2016

DAPAT KILALANIN ANG KAIBAHAN NG “FULL TIME CHAPEL”
SA “MULTI-PURPOSE HALL”
Ni Apolinario Villalobos

Ang kapilya o full time chapel ay isang maliit na simbahan, at ang Multi-purpose Hall ay isang gusali kung saan ay idinadaos ang iba’t ibang activities ng isang komunidad tulad ng purok, barangay o subdivision. Kasama sa idinadaos sa Multi-purpose Hall ay misa,  pagtitipon ng mga religious groups o sekta, birthday party, wedding reception, lamay para sa patay, graduation at malakihang miting at kung hindi maiwasan ay evacuation center. Professional ang turing sa mga activities na nabanggit, lalo pa at ang mga nagpapadaos ay nagbabayad ng upa maliban kung ito ay gagamiting evacuation center sa panahon ng kalamidad. Pwedeng lagyan ng altar ang Multi-purpose Hall subalit may pantakip o tabing upang hindi mahantad kung may iba pang pagtitipong idinadaos.

Ang full time chapel naman ay para lang sana sa misa subalit ginagamit din para sa lamay ng patay, miting, lalo na bilang evacuation center at walang bayad ang paggamit basta sasagutin ng nagpapadaos ang gastos sa kuryente.

Kung pinagpipilitan ng komunidad ang tawag na “Multi-purpose Hall” sa building nila, sa halip na “chapel”, ito ay dapat respetuhin lalo pa kung ito ay nakasaad sa “By-Laws”. Dahil diyan, hindi dapat ito pakialaman ng parish church dahil lang sa idinadaos na misa isang beses sa loob ng isang linggo. Ang mga bagay na naipon ng komunidad para sa “Multi-purpose Hall” ay hindi dapat pakialaman ng parish church dahil ang mga ito ay donasyon ng mga miyembro ng komunidad upang komportable sila kung dumalo, halimbawa, sa misa. Ang mga donasyon ay inaasahan ng nagbigay na nasa pangangalaga ng komunidad na may-ari ng Multi-purpose Hall, at hindi parish church. Hindi rin pwedeng sabihin ng parish church na ang iba sa mga gamit ay nabili mula sa kabuuhang kita, este, “love offering” kuno tuwing may misa, dahil ang bahagi o “share” ng parish church ay nakamkam, eheste, nakuha na nito,  batay sa pinag-usapang hatian ng pera. Kung ano man ang gagawin ng komunidad sa share nila ay walang pakialam ang parish church dahil hindi rin ito nakikialam sa kung ano ang gagawin ng pari sa kita nila. Maliban pa yan sa laman ng sobre na binibigay ng mga dumadalo sa misa, pagpasok nila….at para lang talaga sa pari.

Hind dapat idahilan ang misa upang makamkam ng parish church ang mga pag-aari ng komunidad na nakalagak sa Multi-purpose Hall sa ngalan ng Diyos o Hesus (na naman!). Kung ipagpipilitan yan ng pari ay para niyang ibinabalik ang mga pangyayari noong panahon ng mga Kastila kung kaylan ay naglipana ang mga prayle na mangangamkam ng mga lupain at pera ng mga Indio (mga ninuno natin)!

Dapat mag-ingat ang mga homeowners’ association o barangay na ang Multi-purpose Hall na pinagdadausan ng misa tungkol sa bagay na ito. Hindi sila dapat magbigay ng listahan ng mga gamit na nasa kanilang pangangalaga para sa Multi-purpose Hall na hinihingi ng galamay ng parish church. Kapag nahawakan na kasi ng parish church ang inventory o listahan ng mga gamit, magagamit itong pruweba o patunay ng pagmamay-ari. Kung magkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil lang sa bagay na ito, at nagbanta ang pari na ititigil ang misa sa komunidad dahil sa hindi pagpayag ng mga miyembro sa kagustuhan niya (pari), ang unsolicited suggestion ko ay tanggapin ang banta na itigil ang misa. Pwede namang magkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng iba pang religious undertaking tulad ng Rosaryo at Novena. At, pwede namang dumalo ng misa sa kung saang malapit na meron nito. Kung araw ng Linggo, meron ring TV broadcast ng misa kaya hindi na kailangan pang lumabas ng bahay, kaya walang silang problema. Ang mahalaga ay nabunutan ng tinik ang komunidad!


Yong mga Katolikong talagang dismayado sa ugali ng parish priest nila, humiwalay ng may buong pagpakumbaba at walang anumang kiyaw-kiyaw, sumali sa El Shaddai o alin mang new Christian communities, Protestant Church, Orthodox, Islam, o di kaya ay diretsong sumamba sa Diyos. Huwag siraan ang nilisang simbahan…alalahanin ang kasabihang, “buntot mo, hila mo”. At, hindi kabawasan sa pananampalataya sa Diyos ang pagsuway sa isang tiwaling pari na nakakasira lang sa imahe ng simbahang Katoliko….kaya galit din ang santo papa sa uri ng mga paring na paulit-ulit niyang binabalaan! At, higit sa lahat, dapat huwag pansinin ang mga paring nagiging dahilan ng hindi pagkakaunawaan at pagkakahati-hati ng mga miyembro ng isang komunidad dahil lang sa pinapairal niyang makasriling patakaran!!!

Discussion

Leave a response