Mga Taong May Mala-Hayop ang Ugali
Posted on Thursday, 4 August 2016
MGA TAONG
MAY MALA-HAYOP NA UGALI
Ni Apolinario Villalobos
Ang tao ay isang uri ng hayop subalit may
mataas na antas ng kaalaman, gawi, at ugali. Maliban sa mga may kapansanan sa
paa, nakakalakad ito ng tiyeso o diretso ang katawan. Nakakapagsalita din siya
sa halip na umungol o paggawa ng iba pang tunog. Higit sa lahat, ang malaki
niyang utak ay nagbubunsod sa kanya upang makagawa ng mga desisyon mabuti man o
masama.
Sa pag-usad ng panahon, ang tao ay nakitaan
ng mga ugaling likas lamang sa mga hayop na may mababang uri. At, hindi lang
simpleng mga ugali kundi maituturing na mala-halimaw! Ang mga ito ay lumulutang
dahil sa pagkagahaman na umaabot sa panlalamang ng kapwa na pagpapakita ng
pagiging makasarili.
Nandiyan ang mga makikita sa pamahalaang
akala mo ay mga buwaya dahil sa ugaling gustong habhabin lahat ng magustuhan
lalo na ang pera sa kaban ng bayan. Biro tuloy ng ibang magulang sa mga anak,
hindi na raw kailangan pang pumunta sa Mindanao at Palawan dahil sa mga
bulwagan lang ng mga mambabatas ay makakakita na nito.
Mayroon ding akala mo ay mga aso dahil sa
kanilang matamis na ngiting aakalain mong inosente subalit may itinatago palang
masamang balakin. May pakawag-kawag pa ng buntot! Para ring mga asong humihimod
sa paa ng mga inaakala nilang makakatulong sa kanila upang makaangat sa lahat
ng paraan.
Hindi rin maiiwasang makakakita ng mga
hunyango lalo na sa larangan ng pulitika dahil sa ugali nilang pagpalit ng
kulay upang umayon sa kulay ng nanalong presidente. Bentaha ito sa nanalong
presidente dahil makukuha niya agad ang majority sa mga kapulungang may
kinalaman sa pagbalangkas ng batas. Subalit ang masama lang ay malinaw ang
masamang balak ng mga pulitikong ito na masigurong matatag ang pagkakapit nila
sa kapangyarihan, at kasama na diyan ang pagpapayaman.
May mga taong ang ugali ay animo sa ulupong….mga traidor.
Sila yong hangga’t may mapapakinabangan sa isang kaibigan, bff sila, pero
kumukuha lang pala ng tiyempo kung paanong malansi o maloko at mauto ang
kaibigan kuno….traidor nga! Nangyari kay Eba ang maakit ng ulupong sa hardin ng
Eden, at inakit naman ni Eba si Adan kaya pareho silang gumawa ng
kasalanan….ayon sa alamat na nakasaad sa Bibliya. Ganyan ang nangyayari sa
kalakalan ng droga…kanya-kanyang traiduran kapang nako-corner na!
Ang nakakatuwa ay ang animo mga pusang
nalilibugan sa panahon ng kanilang pag-iinit, lalo pa kung kabilugan ng buwan. Kung
walang makitang makukubabawan, ngiyaw ng ngiyaw na parang nawawalan ng katinuan
ang pag-iisip. Ito ang mga pulitiko na nagmamarunong kaya talak ng talak pero
out-of-tune naman dahil sa kagustuhang mapansin lang. Sila ang mga ibinoto ng
mga tao dahil sa adbokasiya na wala palang binatbat kaya huli na kahit pa
magsisi ang bumoto sa kanila!
Hindi dapat kalimutan ang mga animo ay
toro….basta na lang nanunuwag dahil gusto yatang magpakita ng tapang pero ampaw
naman ang laman ng ulo kung saan nakakabit ang mga sungay. Mayroon nito sa
senado ng Pilipinas.
Mayroon pang mga animo langaw ang
pag-uugali. Dumadagsa sila kung saan ay may pagkain, bulok man o sariwa.
Kumpul-kumpol sila sa pagdasa sa mga opisyal o mayayaman upang makinabang ng
impluwensiya o pera ng mga ito. Mga mayayabang at ambisyoso din ang mga ito na
tumugma sa kasabihan sa Pilipino na….”akala mo ay langaw na nakatuntong sa kalabaw”.
Ibig sabihin, nang makatuntong sa likod ng kalabaw ay pilit na hinihigitan pa
nila ang nagbigay sa kanila ng “kataasan” o likod na tuntungan!
Higit sa lahat ay ang mga linta na ang
ginagawa ay sumipsip ng dugo upang mabuhay. Iba naman ang taong nakikitaan ng
ganitong ugali dahil ang sinisipsip ay buhay ng mamamayang nagtiwala sa kanila.
Marami ang may ganyang ugali na nagpundar ng pera upang mahalal sa puwesto.
Sila ang mga linta ng lipunan at bayan!
Discussion