0

Ang Inter-modal Terminal

Posted on Saturday, 27 August 2016

ANG INTER-MODAL TERMINAL
Ni Apolinario Villalobos


Sa pagkakaunawa ko kapag sinabing “mode of transportation” ang ibig sabihin ay “uri ng sasakyan” ….maaaring jeep, bus, trak, tren, traysikad, tricycle, kotse, taksi, o aircon public van. Kaya kapag sinabing “inter-modal”, ito ay may kinalaman sa iba’t ibang uri ng sasakyan na nagpapasahan at nagsasaluhan ng mga pasahero.  At, ang “inter-modal” terminal kung para sa kapakanan ng mga pasahero, dapat ito ay kinapapalooban ng mga paradahan ng mga sasakyan na pagpipilian ng mga pasahero upang sakyan patungo sa kanilang destinasyon pagbaba sa bus o ano pa mang uri ng sasakyan galing sa probinsiya.

Halimbawa, kung ako ay galing sa Cavite, pagdating ko sa inter-modal terminal, dapat ay mayroon akong malilipatang sasakyan papunta sa Ayala, Cubao Baclaran, o Quiapo. Ibig sabihin ay hindi ko na kailangang maglakad ng ilang daang metro upang makarating sa hagdanan ng  overpass o skywalk para tumawid sa kabilang panig ng kalsada, maglakad uli ng ilang daang metro upang makarating sa jeepney stop o bus stop para sumakay na naman papunta sa Ayala, Cubao, Baclaran, o Quiapo. Kung ayaw kong gawin yon ay mapipilitan akong sumakay sa taksing nakapila sa loob ng “inter-modal” terminal, pero para aking hirap sa pera ay malaking epekto sa budget. Paano kung kasagsagan ng ulan?....kapag tanghali na tirik ang araw kaya nakakapaso ang init?

Ang sitwasyong nabanggit ang dapat na isaalang-alang ng mga taong itinalaga ng bagong presidente upang masolusyunan ang trapiko sa Metro Manila, hindi ang paghukay ng mga kalsada upang gumawa ng subway na magiging underground river lang tuwing panahon ng baha o di kaya ay maglagay ng mga “hanging stations” para sa cable cars na magdudulot lang ng kapahamakan sa mga pasahero dahil sa inaasahang mababang uri ng maintenance na nararanasan na tulad ng sa MRT at airport terminals!

Ang dapat planuhin ng mga taong itinalaga ni presidente Duterte ay mga infra-structure na angkop sa kalagayan ng Pilipinas at kultura ng Pilipino….HUWAG MANGGAYA SA IBANG BANSA.




Discussion

Leave a response