Dahil sa Pahabol na Dalawang Tulong, Nabuo ang Anim na Kariton para sa mga Kaibigan kon Scavengers
Posted on Wednesday, 24 August 2016
DAHIL SA PAHABOL NA DALAWANG TULONG
NABUO ANG ANIM NA KARITON PARA SA MGA
KAIBIGAN KONG SCAVENGERS
Ni Apolinario Villalobos
Nang mag-“clearing operation” ang Manila
social workers ay maraming natutulog sa bangketa ang hinakot sa mga
pansamantala nilang detention sites tulad ng Boys’ Town sa Marikina. Sa kuwento
ng isang mag-asawa na may dalawang buwang sanggol, sapilitan ang ginawang
paghakot – ang sanggol ay hinablot mula sa ina kaya napilitan itong bumaba mula
sa karitong hinihigaan, nabinat at muntik pang mamatay. Kinumpiska ang kanilang
kariton pati ang mga gamit, kasama ang sa sanggol. Ang nangyari sa kanila ay
nangyari rin sa iba pang nakatira sa kariton.
Ang pinakamurang kariton ay nagkakahalaga
ng Php1,700 kaya ang mga taong kinumpiskahan ay hirap sa pagkaroon uli. Sa
ganitong kalagayan nang makilala ko ang unang apat na pamilyang nakilala ko, na
nadagdagan ng dalawa pa. Pinarating ko ang kanilang problema sa ilang
pinagkakatiwalaang kaibigan na nag-ambag ng pampagawa subalit ang nalikom ay
para lang sa unang apat na pamilya. Mabuti na lang at may sumalong dalawa pang
donor para sa pinahabol na dalawa pa.
Ang dalawang humabol sa pagbalikat ng
gastos para sa dalawang kariton ay sina “Mr. F” at “Angel Baby”, ayaw kasi
nilang magpabanggit ng tunay nilang pangalan. First time nilang magpaabot ng tulong
sa ginagawa ko. Napag-alaman kong may sarili rin pala silang paraan sa
pagtulong ng mga nangangailangan. Maraming natulungang ibang tao at kamag-anak
si “Mr F”.
Si “Angel Baby” naman ay madalas din magbigay
sa mga kapus-palad na kumakatok sa kanilang gate. Tuwing summer naman o
bakasyon sa eskwela, ilang mga batang nakatira sa squatters’ area malapit sa
kanila ang tinitipon niya sa garahe nila upang turuan ng mga Marian songs na
pang-Flores de Mayo at pinapakain ng meryenda. Marami rin siyang mga nakalaang
damit, sapatos at iba pa na hindi nila ginagamit, na maingat niyang itinatabi
para sa mga naghahakot ng basura.
Ngayon, ang mga nabigyan ng mga kariton ay
tuwang-tuwa dahil hindi na sila nahihirapan tuwing sila ay maglibot upang
mamumulot ng mga mapapakinabangan sa mga basurahan. May lagayan na rin sila ng
mga bagong naipong gamit, na dala-dala nila saan man sila makarating, subalit
tuwing Sabado o Linggo ay bumabalik sila malapit sa lugar kung saan sila
hinakot ng mga Social Workers noong mga unang ni Duterte bilang presidente.
Discussion