Si Nelly...Nagka-AIDS, pero nakapagpatapos ng isang kapatid sa kolehiyo
Posted on Tuesday, 30 August 2016
SI NELLY…NAGKA-AIDS, PERO NAKAPAGPATAPOS
NG ISANG KAPATID SA KOLEHIYO
Ni Apolinario Villalobos
Matagal ko nang kaibigan si Nelly, halos
sampung taon na. Nabulyawan ko siya noong una ko siyang makita sa Avenida. Mag-aalas-siyete
pa lang noon ng umaga nang sundan niya ako habang naglalakad sa Avenida, upang
humingi ng pangkape, kapalit ang short time “check-in”. Sabi ko sa kanya, “ang
ganda mo, pwede ka namang magtrabaho sa karinderya man lang, bakit ka nagpuputa
sa Avenida….ang aga-aga, eh, iniistorbo mo ako…”. Dahil napahiya, yumuko na
lang at umupo sa bakanteng silya sa tabi ng babaeng nagtitinda ng sigarilyo at
kendi. Tiningnan din ako ng masama ng tindera. Papunta ako noon sa Fabella
Center. Subalit nang makarating ako sa Recto ay nakonsiyensiya ako sa ginawa ko
kaya bumalik ako sa puwesto ng tindera upang kausapin si Nelly.
Hindi ko siya inabutan dahil ang sabi ng
tindera ay umalis daw kasama ang nakakabatang kapatid na ihahatid sa eskwela.
Kinabukasan ay binalikan ko siya sa lugar kung saan ko siya nakita subalit nang
makita niya ako ay umiwas at tumawid sa kabilang panig ng Avenida. Pinakiusapan
ko na lang ang tindera na tawagin si Nelly na ginawa naman, kaya bilang
pasalamat ay bumili ako ng maraming “snow bear” menthol candy.
Hindi nagmi-make up si Nelly kaya lutang na
lutang ang likas na makinis at ganda niyang morena. Sa tabi mismo ng tindera ay
una kaming nag-usap at nagtanong sila kung reporter ako na itinanggi ko naman.
Maya-maya pa ay dumating ang kapatid na naka-uniporme na inihahatid niya sa eskwela.
Nang umalis si Nelly ay tinanong ko ang tindera kung ano ang alam niya sa
pagkatao nito. Sabi niya ay marami dahil kilala niya ang nanay nitong kamamatay
lang. Matagal nang abandonado daw sina Nelly ng tatay nila, kaya bilang
panganay ay ito ang tumatayong magulang ng mga kapatid niya. Nalaman ko ring 27
years old si Nelly. Ang sumunod na nakababata sa kanya ay 17 at ang bunso na
hinahatid niya sa eskwela ay 10 years old. Nakatira silang magkakapatid sa
isang maliit na kuwarto ng lumang gusali sa di-kalayuang kalye ng Raon. Ang
kapatid na sumunod sa kanya ay nagtitinda ng banana cue at malamig na inumin
malapit lang sa tinitirhan nila, at ang suweldo ay 75pesos sa halos kalahating
araw na trabaho. Pagdating ng alas-tres, umuuwi na ito para maghanda sa
pagpasok sa eskuwela.
Inabot ng halos isang linggo bago ko
nakumbinsi si Nelly na isama ako sa tinitirhan nila. Ang sabi ko ay igo-grocery
ko muna sila kaya natuwa at pabirong nagsabi na wala na nga daw silang bigas at
kape. Hinahayaan ko siyang rumampa tuwing makatapos naming mag-usap dahil ang
sabi ko sa kanya ay interesado lang ako sa buhay niya na gusto kong
isulat….subalit hindi natuloy noon. Kilala si Nelly ng kaibigan kong tin-edyer na taga-Baseco (Tondo) compound na
rumarampa rin sa Avenida subalit sinuwerteng maampon ng mag-asawang retirado na
taga-Pasay, kaya nag-aaral na ito ngayon at ang kuwento ay nai-blog ko na rin.
Basta mapadaan ako sa Avenida ay
dinidiretso ko na lang sa tinitirhan nina Nelly kung ano mang dala ko ang para
sa kanila. Alam ng mga kapatid ni Nelly ang ginagawa niya at wala silang magawa
dahil noong nagtrabaho ito sa isang restaurant ng Intsik sa Quiapo ay
pinagtangkaan itong reypin ng kanyang amo. Nang pumasok naman sa tindahan ng
mga damit ay kulang na kulang ang kita nito para sa pangangailangan nila dahil
ang suweldo ay 200pesos lang isang araw, kaya sumama na lang sa kaibigang
kalapit-kuwarto nila na rumarampa sa Avenida. Dahil nahihiya pa, ibinugaw muna
si Nelly ng kaibigan hanggang matuto na siyang mangalabit.
Ngayon, kung kaylan nakatapos ng BS Tourism
ang kanyang kapatid ay saka nalaman ni Nelly na may sakit siyang AIDS.
Nagtatrabaho na ang kapatid niya sa isang hotel sa Roxas Boulevard at ito na
ang gumagastos sa bunso. Gumagawa ngayon si Nelly ng mga pulseras na crystal
beads upang maibenta sa tabi ng Quiapo Church. Regular din siyang nagpapa-check
up. Ikinuwento ko sa kanya ang buhay ni Sarah Jane Salazar ang unang biktima ng
AIDS sa Pilipinas na naging kaibigan ko rin. Magkaiba nga lang ang “tema” ng
kanilang kuwento dahil si Sarah Jane ay talagang pakawala at nagpabaya sa buhay
na walang direksiyon samantalang si Nelly ay may layuning makatulong sa kanyang
mga kapatid, at may pangarap sa buhay.
36 years old na si Nelly at nagkikita pa
rin kami hanggang ngayon. Naisama ko na rin siya sa Tondo upang ipakitang mas
marami ang hirap sa buhay kung ikumpara
sa kanilang magkapatid. Ang pinakakaingatan niya ay ang dalawang magasin na
kinapapalooban ng mga retrato niyang naka-bikini…naging bold star din kasi siya
noong 16 years old pa lang at dahil malaking bulas ay hindi halatang
menor-de-edad. Naka-apat na pelikula din siya pero puro second lead lang, at
ang bayad daw sa kanya ay 15,000 pesos kada pelikula. Ang malaking bahagi daw
ng kita niya ay sa ahente niya napupunta….isang call boy na kabit ng direktor
ng mga pelikula. Naging addict at patay na ngayon ang call boy
na ahente niya.
Ang tatay nila ay lasenggo at malakas mag-marijuana
at ang nanay daw nila ay alaga ng bugbog nito tuwing malasing. Ang pangarap niya
ngayon ay makatapos ang bunso nilang kapatid at kung makapagtrabaho ito ay uuwi
siya sa Lucena. Pupunta na lang siya sa Maynila upang patuloy na
makakapagpagamot sa isang ospital ng gobyerno na malapit sa Bambang. Ang sakit
na HIV-AIDS ni Nelly ay nasa stage na maaari pang maagapan basta walang patlang
o tuluy-tuloy ang gamutan.
Discussion