Sina Alex at Feliza Viray...Nagsimula sa Banana Cue, ngayon may packed lunch na
Posted on Monday, 8 August 2016
SINA ALEX AT FELIZA VIRAY…NAGSIMULA SA
BANANA CUE
NGAYON MAY PACKED MEALS NA
Ni Apolinario Villalobos
Sa tagal ng panahon na pagtayming kong
makausap ang suki kong kinakainan ng sinangag at tuyo sa Baclaran, natiyempuhan
ko rin siya isang umaga dahil maaga akong dumaan sa kanyang puwesto. Kariton
lang ang gamit ni Alex sa pagtinda ng mga “packed meals” – kumbinasyon ng
sinangag at mga ulam na piniritong itlog, tuyo, tortang talong, piniritong
isda, at hot dog. Dahil inaalalayan na siya ng dalawang lalaking anak, mayroon
na rin siyang binebentang kape at tsitserya.
Mahigit isang dekada nang street food
vendor si Alex na nang magsimula ay katulong ang asawang si Feliza (Alcober)
dahil maliliit pa noon ang kanilang mga anak. Nagsimula sila sa iilang pirasong
banana cue, hanggang maisipan nilang magtinda ng mga pang-almusal na pagkain
kaya sinimulan nilang magluto rin ng “sinangag-on-the-spot” sa isang maliit na
kawali, piniritong tuyo, hotdog at itlog na pinagkasyang ilatag sa maliit na karitong
may butas para sa kalan na de-gaas (kerosene). Sa ganoong kalagayan ko sila
unang nakita kaya bumilib ako sa pagtutulungan nilang mag-asawa at tiyaga. Noon pa man ay pinag-aagawan na ng mga
empleyado ng mga tindahan sa bahaging yon ng Baclaran ang mga niluto nilang pang-almusal
na ang iba ay pinababalot upang maging tanghalian dahil bago mag-alas diyes ay
ubos na ang paninda nila. Upang hindi masayang ang panahon, sa hapon ay banana
cue naman ang binibenta nila.
Nang makita ko uli si Alex makalipas ang
ilang taon ay malaki na ang kariton at nadagdagan na rin ang mga ulam dahil sa
pagdami na rin ng mga suki. Pinapakita kasi niya ang pagluto ng mga pagkain “on
the spot” mismo para walang duda na talagang malinis ang mga ito. Hindi ko siya
matiyempuhang makausap dahil sa dami ng mga kostumer niya kaya natuwa ako nang isang
umaga ay makakuha ako ng tiyempo kung kaylan ay ang dalawa niyang mga lalaking
anak ang umaalalay sa kanya. Tulad ng mag-asawa ay palangiti rin ang kanilang
mga anak kaya nakakahatak sila ng mga kostumer.
Napagtapos na nina Alex at Feliza si JC sa
kolehiyo at ang isa ay magtatapos na rin. Ang iba pa ay nasa high school….at
ang lahat ng gastusin ay galing sa maliit nilang negosyo. Isang halimbawa ang
mag-asawa sa pagpapatunay na kung ang isang taong masigasig, matiyaga at
marunong humawak ng pera ay talagang may mararating.
Discussion