0

Ang Mga Alahas na Gawa ni Jenny

Posted on Monday, 1 August 2016

Ang Mga Alahas na Gawa ni Jenny
Ni Apolinario Villalobos

Napansin ko agad ang puwesto ni Jenny (Jennifer Piana), sa idinaos na Trade Fair sa SM Bacoor dahil namumukod-tangi ang kanyang mga produkto. Ito ay mga alahas na yari sa tanso o copper, semi-precious stones at crystals – mga singsing, bracelet, kuwentas, at hikaw. Maganda at pulido o malinis ang pagkakagawa kaya naakit agad akong magpagawa ayon sa naisip kong disenyo para sa isang bracelet na ginamitan ng “Indian jade eye”. Ito ngayon ay ginagamit ko araw-araw, kahit nasa bahay ako.

Ang tanso ay kinikilala dahil sa health benefits nito, mula pa noong panahong hindi pa pinapanganak si Hesus. Ito ay itinuturing na gamot laban sa rayuma at arthritis. Ang elementong tanso ay bahagi ng ating katawan dahil kasama ito sa mga dumadaloy sa ating dugo, at iba pa tulad ng zinc, silver, manganese, etc. Katulad ng tanso, ang mga batong matitingkad ang disenyo at kulay ay hindi lang pampalamuti sa katawan bilang alahas ang gamit, dahil nagbabalanse din sila ng enerhiya sa ating katawan. Dahil diyan, ang mga nadiskubreng libingan ng mga tao noong unang panahon, lalo na nang mga namumuno sa kanila, tulad ng pharaoh ng Ehipto ay palaging may mga iba’t –ibang uri ng bato tulad ng jade, agate, quartz, opal, onyx, tektite at mga metal na bagay.

Hindi tumatagal ang buhay ng mga mikrobyo sa tanso, kaya noong unang panahon pa rin, ang mga ginagamit na lagayan ng tubig at lutuan, pati ng pagkain ay gawa sa tanso. Dahil dito, marami na ring mga ospital ngayon ang gumagamit ng tansong material na ginawang stainless para hindi mahirap linisin, tulad ng mesa at lababo.

Ayon kay Jenny, dati ay taga-benta lang daw siya ng nagawa nang mga alahas na tanso, subalit dahil curious, nanood din daw siya kung paanong gawin ang mga ito. Bandang huli ay nagdesisyon siyang gumawa ng sarili niyang mga alahas upang ibenta sa mga kaibigan at tuwing may mga trade fairs. Umabot sa 12,000 pesos ang una niyang ipinundar para makabili ng mga gamit sa paggawa, pati na ang mga tansong kawad, mga semi-precious stones at kristal.

Sa awa naman daw ng Diyos ay nakakaraos siya tuwing sumali sa mga trade fair, kahit medyo may kamahalan ang upa sa isang puwestong maliit na sa tantiya ko ay 3feet by 3feet. Nangangarap si Jenny na sana ay magkaroon ng sariling puwesto dahil tuwing walang trade fair ay home-based lang siya at umaasa sa mga order na papasok sa pamamagitan ng facebook. Ito lang ang pinagkikitaan niya bilang isang single mom ng kanyang lalaking anak na pitong taong gulang.


Sa mga oorder ng alahas, makokontak si Jenny sa cellphone number 09064857384. May facebook din siya para sa kanyang mga produkto, i-google search lang ang “faceboo.com/coperasso”.  Pwedeng magpagawa sa kanya ng alahas batay sa sariling design. Pero, sana naman, kung oorder ay damihan na para hindi talo si Jenny kung ide-deliver niya.









Discussion

Leave a response