0

Kaylan naging Krimen ang Pagiging Mahirap?

Posted on Monday, 8 August 2016

KAYLAN NAGING KRIMEN ANG PAGIGING MAHIRAP?
Ni Apolinario Villalobos


Pag-upung pag-upo ni Duterte ay kanya-kanyang pakitang- gilas ang mga LGU at mga ahensiyang nabanggit na tadtad ng corruption tulad ng LTO at LTFRB. Nag-clearing ng mga kalyeng may mga illegal na nagpa-park kaya marami ang nagulat nang umaga pa lang ay may mga nato-tow nang mga sasakyan. Pagkalipas ng ilang araw, balik na naman sa dating sitwasyon ang mga nasabing lugar.  Ganoon din ang ginawa sa mga bangketa na tinitirhan ng mga walang bahay – mga biktima ng demolition….walang matirhan pagkatapos wasakin ang mga barung-barong. Ganoon din ang ginawa sa mga kalyeng may mga illegal vendors, na naging dahilan ng mga sakitan.

Walang masama sa layunin ng mga nasabing “clearing”. Ang masama ay ang paraan na ginawa ng mga walang pusong mga taong nagpakitang-gilas.

Ilan ang nakausap kong naging biktima ng clearing na ginawa sa bangketa tulad ng isang pamilya na namumulot ng plastic at bote na ang ang pinaka-“tahanan” ay kariton. Ang misis ay kapapanganak lang at nagpapahinga sa kariton kasama ang sanggol nang sila ay pilit na paalisin sa bangketa na parang mga hayop. Marahas na tinanggal daw ang sanggol sa kariton kaya nasaktan ito at ang ina naman ay nabinat kaya nagkasakit at muntik pang mamatay. Ang kariton nila na may lamang  mga gamit- damit, diaper, gatas, gamot ng sanggol, ay kinumpiska. Maski diaper at gatas man lang daw ng sanggol ay hindi ibinalik sa kanila pagdating sa Marikina. Nang humihingi sila ng sabon man lang ay wala raw naibigay.  PInakain nga daw sila pero ng animo ay pagkain ng baboy.  Makalipas ang ilang araw ay pinalabas sila. Nang humingi sila ng pamasahe man lang para makabalik sa Maynila, ang sabi daw sa kanila ay walang budget at sinabihan silang humingi na lang sa mga tao…..inutusan silang mamalimos! Sa nangyari, para lang silang kinulektahan ng mga mapapakinabangang bagay dahil nang pakawalan sila ay wala ni isa mang naibalik na gamit sa kanila.

Mula nang araw na tinanggal sila sa bangketa hanggang sa sila ay pinakawalan ay ganoon pa rin ang suot nilang damit! Malinaw na talagang pakitang-tao ang ginagawa ng gobyerno na nasa “bandang ibaba” ng pangulo ngayon, at wala ring binibigay na tulong sa mga Pilipinong naghihirap dahil kung ituring sila ay animo mga hayop. Ano ang ginawa nila sa mga nakukumpiskang mga gamit, lalo na sa mga kariton na ang isa ay nagkakahalaga ng 1,700 pesos! Pinaghatian ba nila o basta na lang winasak ganoong kung ituring ito ng mga scavenger ay “kayamanan” o mahalagang pag-aari?

Ang nakausap ko ay humingi din daw ng tulong sa barangay kung saan sila naglilibot sa pamumulot ng plastic at iba pang mapapakinabangan sa basura. Ang tulong ay para sana sa sanggol na nagkasakit dahil sa nangyari. Hindi sila tinulungan dahil hindi raw sila residente ng barangay. Naka-blotter pa daw sila sa barangay ganoong wala naman silang kasalanan kundi namumulot lang ng mapapakinabangan sa mga basurahan. Ang pagkakaalam ko, ang “blotter” ay record ng mga krimen at reklamo.  Hindi rin daw sila pwedeng magpahinga sa paligid ng barangay dahil makakasira sila ng tanawin. Palagi daw silang kinakabahan tuwing sasapit ang dilim dahil baka daw may biglang humuli na naman sa kanila kaya halos hindi nila alam kung saan magsusumiksik. Hindi sila nakakatulog nang maayos sa gabi, lalo pa at sementong may latag na manipis na trapal lang ang hinihigahan nila, pati na ng sanggol.

Dahil nakumpiska ang kariton na naipundar mula sa pagbenta ng payong, ang ginagamit nila ngayon ay isang stroller ng bata na napulot din lang na tinalian ang mga gulong upang hindi magkahiwa-hiwalay. Dito nila inilalagay ang sanggol at nakasabit din dito ang mga plastic bag na may lamang mga napamulot nila.

Nang magkita uli kami ng pamilyang nakilala ko sa Luneta isang umaga, sinabi nila na ang tatlong tinapay na pinabaon ko sa kanila noong una kaming magkita ay pinaabot pa nila sa hapunan. Mabuti din daw at umulan kinagabihan kaya nakaligo sila, pero ang damit na suot nila noong una kaming magkita ay siya pa ring suot nila nang magkita uli kami dahil wala nga silang natirang damit.

Hindi sila tamad o umaasa. Tinapat ako ng misis na sana ay matulungan silang makapagtinda uli ng payong. Nang tanungin ko kung magkano ang pwedeng puhunan ay nagulat ako dahil nagsimula lang daw sila noon sa 380pesos at napagulong nila hanggang makaipon sila. Ganoon sila kasigasig at kaseryosong mabuhay nang hindi umaasa!

Pinaghintay ko ang mag-ina sa Luneta at nagpasama ako sa mister sa Divisoria sa pagbili ng isang dosenang payong na ang wholesale price bawat isa ay 38pesos, kaya lumalabas na wala pang isang libo ang pasimula nila uli. Halos maiyak ang mister sa pagpasalamat at nangakong pagugulungin nila ang puhunan upang makaipon sila uli. Nanliit ako dahil ang halagang wala pang isang libo, kung tutuusin ay katumbas lang ng 3 set ng malalaking hamburger sa Jolibee…pero kabuhayan na mga bago kong kaibigan! Ang perang nagamit ay galing kay “Ms. Di”.

Ang isa pang malungkot na kuwento ay tungkol sa isang nagngangalang Flor na nagkasakit hanggang mamatay dahil sa ginawang “clearing”. Hanggang ngayon daw ay nasa morge pa ng PGH ang bangkay. Sa kuwento, kahit daw naghihingalo na ang babae nang dalhin sa ospital nang makalabas mula sa detention dahil sa “clearing operation”, ay wala man lang nag-asikaso hanggang sa mamatay ito. Ano ang ginawa ng barangay dahil walang kamag-anak ang babae?

Ang nasabing kalagayan sa lebel ng LGU at bulok na sistema ay namana ng administrasyon ni Duterte at sana ay malaman ng bagong kalihim ng DSW upang matawag ang pansin ng mga LGU social workers na nagsasagawa ng “clearing operation” ng mga bangketa upang mawalan ng mga taong itinuturing nilang “yagit”….na pakitang-tao lang pala!

Kung sinabi ni Duterte na dapat ay walang ma-demolish na mga tirahan hangga’t ang mga nakatira ay walang maayos na malilipatan, dapat ganito din ang gawin sa mga taong nakatira sa mga bangketa na basta na lang hinahakot sa mga gym, basketball court, Boys’ Town sa Marikina, etc. upang sa panandaliang pagkakataon ay maipakitang malinis ang mga ito kung may banyagang bisita o special occasion!

Kapag hindi maisaayos ang bulok na sistema ng mga LGU, malaking black eye ito sa administrasyon ni Duterter…. at pagtatraydor sa kanya dahil nangako silang tutulong upang magkaroon ng “PAGBABAGO”!!!!!!!!

PERO ANG TANONG KO…KAYLAN PA NAGING KRIMEN ANG PAGIGING MAHIRAP????!!!!

Discussion

Leave a response